Nalulunod ako sa dumarating na unos
sa aming buhay.
Parang nabigong pag-ibig
na mahirap malimutan.
Dalawang taon pa lang nakalipas
si Ondoy,
si Pedring,
matinding hangin ang dumating.
Inilubog
Bayan ng San Miguel
Bayan ng Calumpit
Bayan ng Hagonoy.

Bukas!
may panibagong hambalos
…si Noy.
Hindi si Quiel.

Kulimbat ng 12% VAT
sa haywey.

Ed Nelson R. Labao
30 Setyembre 2011

(c)2011 Kwentulang Marino


Isinuka ang mga basurang ibinalibag sa romantikong lawa. Mayabang na
namasyal sa Baywalk. Sinudsod
ang nagdikit na tisa na animo pamato
ng mga batang lansangan. Sumilip
sa MOA. Nagkape sa
Sofitel Hotel. Tinadyakan
si Lacson nang walang kalaban-laban. Pinagwagwagan ang
nagharimunan pedicab. Ininggit
ang pumait na visa ni Uncle Sam. Ngumuyngoy ang
mga paslit sa naputikang laruan. Tinakaw
ang magsing-irog sa palubog na araw. Kumunat
sa walang puknat na hangin ang chicharong espesyal. Namutla
ang tumabang na pastilyas sa San Miguel, Bulacan. Selos
sa Emperador, sa Tsunami ang kalampag ng mga natungkab
na yero sa abuloy ni Noy. Pinulikat
ang sentido ni Soliman at mga Senador. Unos na
nagbalitaktakan sa hagupit ng panahon.

Ed Nelson R. Labao
29 Setyembre 2011

*imahe mula sa google

Dumalaw ang pangulo
sa nilubog na
siyudad ng Cotabato.
Maraming mga
panukala.
Nagsiste
hindi nga lang
nabile.
Puwede nga daw
hakutin
gawing panambak sa
Spratly.
Inanod ang mga
balita.
Pagmamalaking ibinando
balak mag-uwi ng
ilang piraso
para sa fishpond
ng palasyo.

Ed Nelson R. Labao
23 Hunyo 2011

(c) 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa google

noodles ni villar Ang pagkain ay isang sukatan kung ano ang katatayuan ng isang tao o lipunan. Natatandaan ko pa nu’n, mga tatlumpu’t limang taon na ang nakararaan. Pag tinanong ka kung ano ang inyong ulam o iniulam, bantulot kang sagutin laluna’t umiiral ang iyong hiya-”tuyo (dried fish o bulad sa kabisayaan) lang po” nung panahon na yun, pag nag-ulam ka ng tuyo e nasa level ka ng mahirap na pamilya. Pero ngayon hindi ka na dapat mahiya, dahil ang 1kl. ng tuyong kaliskis ay umaabot sa 160-200 piso. Tambok o lapad ay 250-300 piso ang 1 kl.

Matapos ang yugto ng tuyo, daing o bulad ay pumasok naman tayo sa yugto ng Galunggong. Sa panahon bago at maluklok ang namayapang presidente na si Cory Aquino. Ang isdang galunggong ay kinokonsidera na mababang uri o pagkain lang ng mga purdoy. Kaya’t napalitan naman na “GG lang po ang ulam namin.”

Ngayong namatay na si Pres. Cory Aquino ang isdang GG ay di na pagkain ng purdoy. Ang sukatan kung ikaw ay naghihirap ay ang madalas mong pagkain ng instant noodles mula umaga hanggang gabi, sasabawan mo ito ng ilan pitsel na tubig para mapagkasya sa buong myembro ng pamilya.

Ba’t na naman naungkat ito? Dati mo na yata itong nai-post? Maaring sagot ng ilan nakakabasa ng aking mga ipinaskil.

BInagabag lang kasi ko ng mga napagkikita kong instant noodles at bottled water na ipinamimigay sa mga nasalanta ng bagyong Ondoy at Pepeng.
bottled water annette helbig
Sa pakiwari ko hindi lang ngayon ito ipamimigay sa panahon ng kalamidad. Magpapatuloy ito hanggang sa panahon ng kampayahan o eleksyon. Syempre pa, nasa balatkayo pa rin ito ng patuloy na pagtulong sa mga nasalanta. Kung dati ay ipinamimigay lang ng mga kandidato ay mula sa t-shirt, pamaypay, payong, kendi, bag, kalendaryo, semento, poso, yero, buhangin at bato.

Bubuhos ang mga pang-konsumong produkto na kailangang-kailangan ng pangkaraniwan o nagdarahop na masang pinoy. Babaha ang mga instant noodles, mga naka-sachet na 3 in 1 coffee, shampoo, sarsarap, patis, catsup, toyo, cooking oil. Kaibahan lang nito ay nakapaskil ang mga mukha ng kandidato at naghuhumiyaw nilang pangalan.

Para sa iba, isa itong katawa-tawa at insulto sa malawak na masa. Sa isang banda, para sa mga politikong may ganitong ideya, bukod sa nakatitipid, epektibo din itong ko-konekta sa masa. Alam ng mga nasa likod nito na ang masang pinoy ay gaya ng isang instant noodles – madaling makalimot, madaling mapagpatawad,madaling bumigay; sentimental o emosyunal, kakapit sa patalim kapag sikmura ay kumakalam, matiisin at madaling paikutin. Hindi nila kukutwesyunin kung bakit nakapaskil ang mukha ng isang kandidato sa mga nasabing produkto. Sabihin mo man iyon ay isang diktadur o asawa ng isang diktadur, protektor ng mga gambling lord, maraming pinapatay, sipsip sa U.S, sangkot sa ZTE o C5 scandal at kumakain sa mga mamahaling restawran. Walang puwang ang mga katanungan, walang puwang ang sino at bakit kami binibigyan…walang puwang ang pagtanggi.

Kung dati ang mga nagpapagawa lang nito ay mga malalaking fastfood chain, hotel o mga kumpanyang may ispesyal na pag-gagamitan. Ang mga kandidato o politiko ay pumasok at papasok na rin sa ganitong larangan.

Para sa malalaking negosyo. Tingin ko’y hindi sila nangangamba na ma-apektuhan ang kanilang negosyo o produkto kung ilalagay nila ang mukha ng isang diktadur o politikong batbat ng anomalya at pandarambong, iba pang krimen laban sa bayan. Katwiran nila, kami yung naasahan ninyo sa panahon ng may kalamidad ang bansa, kami ang nag-uulat sa mga kaganapan kahit na nga walang patalastas, kami ang nagpapadala ng mga tone-toneladang sardinas, noodles, gamot, blanket. Parang manok na di ma pa-itlog ang aming mga foundation kung paano kami tutulong. Kami na inuuna ang kapakanan ng mamamayang Pilipino bago tubo.

Nabugbog na ang pangkaraniwang masa ng patalastas sa telebisyon. Napasaya na kami ng mga telenovela, nanalo na kami ng milyon-milyon sa mga pa-kontes at pa-raffle.Napaiyak na kami ng inyong mga proyekto para sa mga batang walang pampaaral sa hayskul.Napapaniwala na kami ng mga sikat na nag-indorso ng nasabing produkto – na ito’y walang lason, nakapag-papayat, nakabubusog, nakapag-papatalino, nagpapatawad at natututong magmahal.

Kaya’t walang problema kung ito’y ipamimigay, ipamumudmod sa panahon ng kampayahan. Bumaha ng limpak-limpak na pera at pangunahing kailangan ng masa. Magpapakalunod kami sa sabaw ng noodles, magpipista kami sa ibat-ibang putahe ng instant ulam na de lata, malalasing kami sa iba-ibat klase ng kape, ipanghuhugas namin ang mga bote-botelyang tubig sa inaalipunga naming mga paa. Hahalimuyak ang aming putikan buhok sa ibat-ibang klase ng shampoo. Dahil ang lahat ng ito’y sa amin din nanggaling.
0e4c18fe615f7946
Ang ikinatatakot ko lang. Huwag sana silang maging kampanteng mga politikong gumagawa at gagawa nito. Baka sa pagkain ng pankaraniwang masa na kanilang animo mumong kanin ipinamudmod ay biglang kabagan at hindi matunawan, umakyat sa kanilang ulo – mahimasmasan at tuluyang matauhan. Sumuka…isuka…sumuka nang sumuka…isuka nang isuka.

(c) Karapatang-ari 2009 Kwentulang Marino at ed nelson labao

* litrato sa noodles ni Tina Bustamante Tubongbanua
litrato sa botelyang tubig ni Annette Helbig
sumusukang payaso mula sa news.yahoo.com

noodles ni villar

Nabundat
ako
sa isang timbang
sabaw
na
nilubid
nang
kaipokrituhan.

Hanggang
sa
pagtulog
ay
binangungot
ako
ng inyong
tubig batis
na
ngiti.

ikinatatakot
lang
namin
ay
baka kami
ay
kabagan

sa inyong
walang
sawang
pagdamay.

Ihahabilin ko
nga pala
bago
kami
pumanaw

tanawin
ng
utang
na loob

hanggang
sa
aming
kaapu-apuhan.

Masama…

masamang panaginip

ang
gumising
sa sumawsaw na
inaalimpungatang
bituka.

Iguguhit
ko
nga
ba
sa balota

ang mga
padalang
isdang tanga.

noodles
na
patalastas
ng
isang
sikat
na
artista.

o kaya
ay

kakayurin
ng
putikan
kuko

ang
mga
sikmurang
na-impatso.

Ed Nelson R. Labao
12 Oktubre 2009

-litrato mula kay Tina Bustamante Tubongbanua

typhoon pepeng pdi.net(Gaya Ng Hanging Nagdaan)

Bayaang
ilublob sa
luha
ang mga
natuyong
kalansay.

Ibaon
sa putikan
ang mga naudlot
na
pangarap.

Huwag abalahin
ang mga
binangungot
na
tanod
sa labis
na
paghimbing.

Pagpistahan
ng mga
binusabos
na
mumong
hatid
ng
dayuhan.

Laruin
ng mga
konsolasyon
at
mahalimuyak
na
salita.

Maiwan
ang mga
banlik
na pilit
humahalik
sa
nakaraan.

Mangati
ang
nangangamoy
na
hampaslupang
talampakan.

Walang sumagi
sa
minanhid
na
isip.

Walang sumbat
na
marinig
sa napiping
tinig.

Bukas!

Malayang
gumagala
ang mga
hayok
na
lobo
sa masansang
na
lansangan.

Ed Nelson R. Labao
10 Oktubre 2009

- litrato mula sa pdi.net

sarasha - indonesia earthquake
Binisita

mong
mga
siyudad
nang
walang
pasabi.

Pinatag

ang
lunduyan
ng
pangarap
na
aking
hinabi.

Niyayanig

ng
kongretong
haligi
ang
pananalig
ko
kay
Allah.

Inaalon

nang
gabundok
na
pangamba

ang
mga
ikinahong
pag-asa.

Tumatangis

sa
hangin

ang
mga
mamad
na

kaluluwa

mabilis
na
inanod
sa
ngumingiting

limbo

kasabay
na
humihilig

sa
mga
bisig
ng

pighati.

Ed Nelson R. Labao
8 Oktubre 2009

-litrato mula sa news.yahoo.com (sarasha)

pic-09270854390519

Kung
magagawa
ko
lang

mag a la
Zorro

sa
mata
ni
Cristine Reyes
ako sanang
hero.

Kung
magagawa
ko
lang

maging
Payaso

napasaya
ko
sana
ang
mga
ngiwing
mukha ni
Kuya Gibo
at
Ate Glo.

Kung
magagawa
ko
lang

matipon
mga bundat na palakang bato

pamalit
na
sana
ito
sa
dalawang rubber boat
ng
mga
nag-reskyu.

Kung magagawa
ko
lang

batukan
mga tropang Amerikano

sa
bagal
ng
responde’y
walang dahilan
manatili
at
mag-astang
superhero.

Kung
magagawa
ko
lang

umimbento
instrumentong panukat

sa
dami at taas
ng
ihi
ng
mga
naglunggang
daga
sa toreng gareng
na
palasyo.

Magagawa
ko
lang

hiwain
ng aking matalim na
berso

minanhid
na
ramdam
nitong
mga usyoso.

Ed Nelson R. Labao
28 Setyembre 2009

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.