garyParang pinagtiyap ng pangyayari ang pagka-panood ko- sa pelikulang “The Red Shoes,” isang British feature film (1948), sa direksyon ni Michael Powell at Emeric Pressburger, binase sa peyriteyls ni Hans Christian Andersen at nagkataong pagdaan sa blog ni RLLQPH (htpp://rllqph.wordpress.com) sa podcast ni Gary Granada sa isyu ng “Trepid jingle” laban sa GMA kapuso nitong nakaraang araw.

Umikot ang istorya na may kaugnayan sa ballet. Ang pagkakahawig lang sa isyu nang kay Gary Granada ay may yugtong inangkin ang orihinal na komposisyon ng bidang lalaki (Julian) nang kanyang propesor at kontrabidang si Lermontov.

Ipagpapaumanhin sa panig ng GMA Network na ako’y mag-koment kahit hindi pa masusing nabasa o napag-aralan ang kanilang side. Sa daloy ng isteytment ni Gary Granada, walang binabanggit na hindi pwedeng galawin ni Gary ang ultimo tuldok, kuwit at letra nang kanilang ibinigay para aregluhin o lapatan ng musika, it mins pwede n’yang katayin o ataduhin ang nasabing jingle, may “collective effort” man na sinasabi ang GMA Kapuso komo s’ya’y kinomisyon, s’ya pa rin ang “susing tao” maliban na lamang na may berbal o kontrata sila ng GMA Kapuso na kahit s’ya pa ang kuminis nito. Hindi pa rin n’ya pagmamay-ari at makakatikim man lang ng kredito sa ginawa n’yang pagkikinis. Bukod pa ang usapin kahawig na inilapat n’yang musika (ipaubaya natin sa mga eksperto).

Hindi man kami personal na magkakilala ni Gary Granada, di na banyaga ang pangalan n’ya sa akin. Sa una ‘kong pagsampa sa barko. Bukod sa dala ‘kong cassette tape (hindi pa sumusulpot ang CD) ni Joey Ayala, Jess Santiago, s’yempre dala ko rin ‘yun ke Gary Granada, sa teyp na ‘yun eh me tipong interbyu pa sa kanyang ng isang babae na boses pa lang ay ma-el, este ma-en lab ka na. Paborito ko ‘yung sa “Pamantasan Ng Puso”, “Iisa” at “You Can Never Stop Me.” Sinikap ‘kong ilako o ipadinig sa mga kasamahang ‘kong marino. Bukod sa hindi nila kilala, hindi nila sakay ang musika ni Gary Granada.

Sa pakikibakang -lansangan, no nid mo nang ipagtanong s’ya, mapa-rali, maliitang forum o kumperensya-bumabagting ang kanyang gitara. Pinakahuling kita at rinig ko sa kanya’y mga 15 taon na ang lumipas, inimbita ko nang isang kaibigan bilang “guest-participant” sa isang National Conference ng mga NGO sa buong ‘Pinas na ginanap sa isang hotel sa Antipolo City. Pinalaya ang gabi ng kanyang awit at serbesa!

Kahit hindi ko na s’ya napagkikita. Ini-introdyus ko pa rin ang kanyang musika (kahit ala ‘kong “K” sa pagkanta) sa mga Karaoke Bar kapag na-gimik ang tropa. Kalimitan ‘kong nire-rekwes sa mga GRO ay ang awiting “Sa Puno Ng Mangga” at “Mabuti Pa Sila.” kadalasang resulta ako’y supladahan o ismiran sa pag-aakalang niloloko lang sila, palasak na ang sagot na “meron bang ganun kanta?” Kapag sa iskrin ay lumitaw at na-awit na’y isusukli ang matamis na ngiti’t sasabihin…”meron pala.”

Hindi matatawaran ang integridad ni Gary Granada bilang mang-aawit, kompositor at tunay na alagad ng sining, dahil minsan ang mundong inikutan n’ya sa “paghawan nang masukal na daan” ay inikutan ko rin. Kaya’t ang aking suporta ay para sa kanya. Nanangan akong hindi n’ya sisirain ang integridad n’yang nilikom sa matagal na panahon.

Sa mga adbertayser, dambuhalang negosyante’t korporasyon, pabliser, media network at indibidwal na may pansariling intensyong magkamal ng salapi’t maging tanyag…h’wag ninyong nakawin ang karapatang-ari, kinatas na talino’t isip nang tunay na may likha.

(c) 2009 Kwentulang Marino