spider_webs

“Maraming salamat sa pagsali mo sa akin at sa aming kasal sa iyong Blog. Alam mo dito sa Tsina, hindi ko pwedeng ma-access ang blog mo dahil may mga blogs dito na blocked. Pero umuwi ako sa Manila nung isang linggo at nabasa ko ang article na
sinulat mo tungkol sa Tagsibol Sa Tianjin…sobrang na-touch ako, can’t believe “You Tube” can’t be accessed from China anymore…”

Limang buwan ang nakaraan nang matuklasan ko sa isang web site na kabilang pala ang aking mga tula sa isang eksibisyon sa
U.P Vargas Museum. Tinula din nila Fidel Rillo at Bobby Añonuevo sa Conspiracy Bar bilang bahagi ng Kuhang Marino:Images of Filipino Seafarers (2006), photo exhibit ni Johannes Ode, isang Olandes na batikan sa larangan ng potograpiya. Kinomisyon ng Philippine Seafarers Assistance Programme (PSAP) nakabase sa Netherlands
sa pakikipagtulungan ng University of the Philippines Institute of Creative Writing (Likhaan).

May kislap na pumasok sa aking isip, ba’t di ako gumawa ng blog?
Kahit na nga nalathala ang ilan sa aking mga tula sa ibang bansa at maging sa ANI-literary journal ng Cultural Center of the Phils.
masasabing makitid pa rin ang lawak o abot nang pagnanais kong kumawala ang aking mga tula at kwento sa aking Pulang Dyornal,
kung makapagsasalita lang ay isusumbat sa akin ‘wag buruhin ang aking mga sinulat sa matagal na paglalakbay sa alon ng buhay.

Paunti-unti ay natuto kong maglambitin sa daigdig ng sapot, may sumibol na panibagong lakas, kakaibang saya at isang antas ng kapangyarihan na maibulalas ang aking iniisip, tunay na ramdam at nais isigaw. Eh ano kung husgahan nang iba na pilit o hilaw ang aking mga sinasabi’t sinusulat, kritikong sampay-bakod, papansin at nag-aastang maraming alam at kunwa’y alagad ng sining. Mahalaga’y handa akong tumanggap ng puna. Halawin ang mga taglay na lakas at kinisin pa ang mga kahinaan sa abot nang makakaya.

Kapangyariha’t Oportunidad

d7a3a0af4fe55c4cDito sa daigdig ng sapot, nabigyan ng lakas at pag-asa ang tulad nila Arnel Pineda, Moimoi Palaboy at batang aeta. Nabibigyan leksyon ang isang aroganteng fashion designer sa pagpapaluhod sa isang cashier sa duty free shop. Pwede mong ipagsigawan ‘kaw ang presidente ng Marian-Dingdong Fans Club. Makidalamhati sa pagkawala ni Francis M, sumimpatya kay Vicky Belo at husgahan si Katrina Halili. Dito pwede kang magtutuwad, umindak, kumanta kahit na wala sa tono, ilabas ang dyoga, pwet at hinaharap mo. Dito maaring friends mo sina Chiz Escudero, KC Concepcion, Joey Ayala, Magdalo, Gen.Danilo Lim, Joma Sison at Kiko Pangilinan. Naghuhumiyaw sa facebook mong fans ka nila Tito, Vic & Joey, Lenin, Obama, Gong Li, Angelina Jolie, Che Guevara at Yoyoy Villame. Ka-blog mo si Kengkay, Cinderella, foobarp at cardinal bitch na hindi kinukwestyon kung anong uri o antas sa lipunan na meron kang pinagmulan.

Dito maari mong ikampanya ng maaga ang mga nagtatangkang politiko at maging politiko gaya nila Among Ed Panlilio, Jarius Bondoc, Dick Gordon hanggang kay Eddie Gil, pwede kang sumayaw ng chacha, na love mo ang mga kano kaya’t ok lang sa’yo ang VFA, pati si Nicole ay hindi mo bati tuloy kasi napahamak ang pagka-gwapong si Daniel Smith, na likhang isip lang global financial crisis, na okey lang sayo na maraming mamamatay na sanggol sa pananalakay ng tropang Amerikano sa Iraq. Dito ang tama ay pwede mong ibaluktot, ang baluktot ay pwede mong itama, kasinungalingan ay maaring maging totoo at ang katotohanan ay maaring hinahanap o nasa tabi lang.

Bantang Panganib At Sensura

Sa isang banda’y may dala itong panganib at sensura. Katwiran ng iba’y may limitasyon din ang tinatamasa n’yong kalayaan sa daigdig ng sapot. Gaya ng sitwasyon ko.Hindi ko sukat na akalain na ang aking blog ay hindi maaring ma-access sa China. Kamakalawa nakatanggap ako ng e-mail sa isang kaibigan, gaya ng isinasaad- “maraming salamat
sa pagsali mo sa akin at sa aming kasal sa iyong Blog. Alam mo dito sa Tsina hindi ko pwedeng ma-access ang blog mo dahil may mga blogs dito na blocked.Pero umuwi ako dito sa Manila nung isang linggo at nabasa ko ang article na sinulat mo tungkol sa Tagsibol Sa Tianjin…sobrang na-touch ako, can’t believe “You Tube” can’t be accessed from China anymore…” dagdag pa n’ya na pakiwari ko’y may halo ng lungkot at panghihinayang.

Marahil baka nangangamba silang medyo kritikal ang laman ng aking blog at maging kritikal sa China laluna’t may lumabas na artikulo sa isang magazine sa Hong Kong na naglalaman ng pang-iinsulto sa ating mga pinoy, takot din silang ma-hacked at makuha ang pormula ng taho at tokwa. Baka magsulat ako ng kalibugan na maging mitsa ng pagbagsak ng partido komunista sa Tsina.Tutal eh blocked naman pala itong blog ko sa China eh bayaan n’yo kong mag-kwento ng konting pagka-dismaya ng una kong makarating sa Chiwan, China. Mantakin mo’y sandamakmak na custom police o opisyal ang nagsisampa sa barko, hindi po sila mag-inspeksyon lang makikikain din.Malayung-malayo sa mga aral ni Mao at dokrina ng rebolusyon. Nung panahon na ‘yun bawal ang prostitusyon sa China, maniwala ka bang ‘yun karamihan sa mga beauty parlor ay front ng prostitusyon kundi pinatatakbo ng militar eh sila ang protektor, pag inaalat ka pa eh kunwa’y huhulihin ka dahil lumabag ka sa batas presto-magbayad ka. Ang dating partido ng masa, ngayu’y partido ng mga komunistang elitista.

May panganib talagang dala ito sa lahat ng uri o klase ng estado. Sa internet marami kang matutuklasan, matutunan, magagawa, maipakita at iparamdam ang gustong mong mensahe. Gusto mong matutong gumawa ng imprubays na bomba, manakaw ang mga sensitibong impormasyon sa ekonomiya at militar, ipinakikita kung paano ambusin at pasabugin ang mga sopistikadong pandigma at tropang Amerikano, pwede kang manawagan ng pag-aalsa at ipahayag na may kudeta, ipakita ang dinaranas na pagka-gutom sa North Korea, paano pugutan ang banyagang bihag ng Al Qaeda, malawakang pag-aresto sa Burma, makita si Ka Roger na bumabasa ng pahayag sa ika-40 anibersaryo ng NPA, tagumpay ng mga eleksyon sa Latin America na may hibong anti-imperyalista, ayaw ipahalata natitigatig ang U.S sa krisis nila, panganib na kita-kits sa Tiananmen Square at manawagan ang Dalai Lama ng pag-aalsa sa Tibet.

Kung tutuusin di lang naman sa China may paghihigpit. Sa U.S di ba’t kung anu-anong Terror Act ang ipinasa, bubusisiin kung ano tunay mong nasyunalidad, pwede kang i-sarbeylayns, i-hak ang yung account, kulang na lang amuyin pati kili-kili mo para mapatunayan kang myembro ng isang Islamic group.

7e89b40518370e92Bawat estado’t paghahari, bawat ismo at ista ay may kanya-kanyang dahilan at katwiran. Sa elitista’t burges na demokrasya magsalita ka lang ng mga terminolohiyang kaliwa, manindigan ka laban sa VFA at gyera sa Iraq, pintasan mo lang si Obama ay pwede kang maakusahan komunista. Sa mga rebolusyonaryong pwersa lumihis ka sa kanilang prinsipyo, maging iskolar ka sa U.S pwede kang maakusahan rebisyunita, kontra-rebolusyunaryo at pakawala ng CIA. Purihin mo ang Islam, delikadong ‘kaw mapagdiskitahan terorista, punahin mo ang Islam lagot ka naman sa mga pundamentalista. Purihin mo si Ate Glo-tuta ka ng Malacañang. Purihin mo si Obama-tuta ka ng kano. Waahhh lahat kayo add ko bilang friends ko!

Masasabing maraming mukha ang daigdig ng sapot na pwedeng maging diyos ng kasamaan at kabutihan. Lumaya sa mga tunggalian ng uri at bagay. Maari din mang-alipin, luminlang, bansutin ang kaisipan at panatilihin sa ganun kairalan. Kasalungat nito’y maari kang lumaya, yumabong, tumawa’t makapag-pasaya ng iba, magbigay ng bagong buhay at pag-asa.