Image008

“Kapag hindi ka napuruhan ng hiwa ni Tata Pampeng eh tiyak ay umaatikabong kantyawan, sa dahilan maganit na ang sa iyong..”

Kailangan lang ay blue card na babayaran mo sa halagang singkwenta pesos. May sarili kang dalang gasa, betadine o kung gusto mo naman sa parmasya ka na lang bibili, sa kanila na yung pampamanhid na iiniksyun ng doktor-presto natuli na yung anak mo, pagmamalaking ibinalita sa akin ni misis.

Iyon nga lang may bayad na rin kung tutuusin, lahat-lahat eh umabot ng anim na raan kasama na ang iba pang antibiotic na binili niya sa nasabing district hospital sa aming probinsya. May himig nang panghihinayang ke misis.

Huwag ka ng magtaka, kahit sa goverment hospital gagastus ka na rin, pina-privatized na rin ngayun ang mga ospital ng gobyerno, wala daw budget, gaya lang ng sa DepEd ‘yan, alang budget sa classroom at iba pang gamit pero may budget sa noodles, matiyaga kong paliwanag.

Basta’t pag sa bakuna ng bata hangga’t maari eh sa pribadong klinika ka pumunta, alam mo naman ang mga lumalabas sa balita sa mga stock ng gamot ng DOH, pahabol kong sabi.

Natutuwa naman ako ke misis at iiniisip niya ang pagtitipid o pag babadyet ng pera dahil sa nangyayari sa ating kabuhayan.

Sabi nga ng iba, me mga bagay o pangyayari na hindi mo na pwede uling madaanan o mabalikan. Sa kultura nating mga pinoy kapag hindi ka natuli, ikaw ang tampulan ng tuksuhan ng mga kapanabayan mo, kantyaw lagi sa iyo’y “supot”,” mutain ang magigiging anak mo” at kung hindi ka pa natutuli eh pilit kang lalayo o iipitin mo ‘yun uten para itago sa kasabay mong dyumidyingel, kahit di sabihin ng ‘yun kasabayan ay para bang pagmamalaking naghuhumiyaw hoy tuli na ko!
Lagi-lagi ang pangamba kung matuklasan nilang hndi ka pa tuli.

Malaki na ang pagbabago kahit sa paraan ng pagtutuli, sa aming probinsya kapag handa kang magpatuli hintayin mo lang ang bakasyun o summer at paabisuhan lang ninyo si Tata Pampeng na marami-rami din bilang kayong magpapatuli eh magkita-kita na lang sa tinatawag na pulo, pipila at ngunguya ka ng usbong ng bayabas at handa mong tiisin ang hatol ng kanyang labaha (gamit ng mga barbero) ibubuga mo ito. Syempre pa may sarili kang dalang pambalot na ginupit na puting kamisetang pinaglumaan, gugupitin mo ito ng pabilog at bubutasan mo depende sa laki ng ulo nang iyong borong-borong, ‘yun na rin ang gagawin mong panali, ginupit ng pahaba depende sa nipis o tibay.

Kapag hindi ka napuruhan ng hiwa ni Tata Pampeng eh tiyak ay umaatikabong kantyawan sa dahilan maganit na ang sa iyong “manoy” sa madaling sabi me edad ka ng magpatuli.

Sa paraan ng paglalanggas eh meron kang pinakulong dahon ng bayabas syempre pa yung kaya mong init ang ‘yun ipanghuhugas, may dinikdik kang sulpataysol o penicillin para syang ibudbud. Papalitan mo rin syempre ng panibagong balot. Iyon ang ilan araw na ritwal hanggang sa gumaling.

Nandoon din ang mga lumang paniniwala na kapag natuli ka’y bibilis kang lumaki, magbabago ang boses mo (kasalukuyan eh pinabubulaanan ng mga doktor na ang pagtuntong sa edad na onse ay talagang patungo sa estado ng paglaki at walang relasyon ang tuli). Huwag mo rin itong ipakikita sa babae- baka mangamatis (mamaga), bawal din ang kumain ng malansa laluna ang pakwan na tulad di nang naunang dahilan.

May mga pangyayari na nahihiya kang ipakita ang sa iyong tuli sa barkada o kababata dahil makakantyawan “sungaw si manoy” ibig sabihin di maganda ang pagkakatuli.

Lahat ng ito’y isang makulay na lang na alaala. Marumi na ang patubig (irrigation canal) na siya munang pagbabaran para mamanhid kahit paano si manoy. Sa malayong probinsya na lang maari ang ganitong ritwal pero maaring may nabago na rin sa pamamaraan at paglalanggas.

Ganunpaman hindi maialis na si Emman ay papasok na sa kanyang pagbibinata, na kailangan pa rin s’yang pumaloob sa isang ritwal o kulturang ating kinapalooban, na may mas malalim na pag-unawa, nang walang hibo ng pagiging makismo kundi sa katatagan ng kanyang pagkatao.