franciscobalagtas>

“Ang tanging maipagmamagaling ninyo eh sanay lang kayo na magsalita ng ingles…”

Sa elementari ay pinasusulat kami nu’n ng sanaysay, kung bakit mahalaga na matutong magsalita ng ingles. Hanggang ngayon, tanda ko pa rin yung basis o argumento ko na kaya dapat matuto o magpakahusay na magsalita ng ingles eh – ” Para umunlad ang bansang Pilipinas.”

Ano naman ang relasyon nito sa “Buwan ng Wika” ngayong Agosto?
Hindi naman ito usapin o pagtatalunan natin kung “F o P” ba ang dapat gamitin sa
salitang Pilipinas o Pilipino. Hindi rin usapin kung dapat bang pagtalunan kung ang pambansang leggwahe ba eh Tagalog o Cebuano. Hindi rin dapat kwestyunin pa kung anong dapat gamiting salita sa mga ahensya ng gobyerno, miting sa Palasyo, senado o
kongreso. Dahil palasak na daw ang ganitong mga tema.

Kahit na nga nakatapos ako sa kolehiyo. Aaminin kong may kahinaan ako sa ingles at ang nakintal sa isip ko mula pa ng pagkabata ko’y imperyur ang isang tao kapag hindi sanay mag-ingles. Kaya nabuo sa isip kong mahinang klase ang isang pinoy (kabilang na’ko) kapag di sanay mag-ingles.
Kaya marami sa atin ang humahanga kapag ang isang senador o kongresista ay nagtatalumpati sa wikang ingles. Pinagmamalaki natin, kapag ang ating presidente ay nagtatalumpati sa mga pandaidigang pagtitipong gaya ng sa U.N, APEC atbp. nang walang kagatul-gatol na magsalita ng ingles. Tinatawanan natin, ang mga hapones, koreano na gumagamit pa ng interpereter.

Kung mas tatalakayin pa natin ito sa perspektiba o usaping “kolonyalisasyon” eh aabutin tayo ng siyam-siyam. Siguro ay pagaanin na lang natin. Mas pa, sa pananaw na nakintal sa akin at sa maraming pinoy- ” na kapag wala kang kasanayang mag-ingles ay hindi makakatulong na umunlad ang ating bansa. Pangalawa mas superyur tayo sa isang tao, maging pinoy o banyaga man ito kung maalam kang mag-ingles.”

Lahat ng nasabing argumento eh nahugasan nang makapaglakbay ako sa ibat-ibang bansa. Hindi ko magawang insultuhin ang kausap kong griyego, hapones, intsik, koreano, thai at iba pang nasyunalidad na hirap sila sa komunikasyon sa ingles. Dahil ang dati o luma kong paniniwala na kapag maalam ka sa ingles ay isang guni-guni na lamang ng isang tulad ko. Kabaligtaran ito sa aktwal na pakikipag-ugnayan ko sa kanila. Kahit na nga hindi sila maalam sa ingles ay mas maunlad ang antas ng kanilang pamumuhay kaysa atin. Hindi ko sila magawang pagtawanan, marahil baka nga ako pa ang kanilang pagtawanan. Baka nga sabihin pa sa akin – “ang tanging maipagmamagaling ninyo eh sanay lang kayo na magsalita ng ingles.”

Nag-aaral na rin silang magpakahusay sa ingles pero di nakintal sa kanilang isip na kaya lang maunlad ang kanilang bansa ay dahil lang dito…ang yakapin at sambahin ang wikang banyaga.

Iniisip ko lang, kung labis-labis ang pagsamba, pagdakila at pagkilala
natin sa lenggwaheng ingles bilang superyur na salita. Nangangahulugan ito nang pagsantabi natin sa ating sariling wika.