2591645339_bfa7106d24

” Lumbera alarmed by spying…”
– Philippine Daily Inquirer

Huwag kami ang inyong matyagan
na mga nahuhumpak na
pisngi at tiyan

silang dapat!
na mga nabubundat
nabubural na pusod
sa labis na paglamon sa
mga mamahaling restawran.

Huwag kami ang inyong matyagan
na umulan man at umaraw
ay walang masilungan

silang dapat!
na may magarang
tahanan
na hindi kasama sa
mga pahayag na yaman.

Huwag kami ang inyong matyagan
na pumapalag sa maling proseso

silang dapat!
na nagnunumbra sa
mga huwad na titulo.

Huwag kami ang inyong matyagan
na hindi man lang
nararating ang
Boracay

silang dapat!
na pabalik-balik sa
malayong lupalop-
jetsetter
na maturingan.

Huwag kami ang inyong matyagan
na nagnanais nang
payapang buhay

silang dapat!
na mga natutuksong
laruin ang mahabang
termino ng kasakiman.

Huwag kami ang inyong matyagan
na laging pinaiikot
nang maruming
halalan

silang dapat!
na mga politiko
na anino
nang malaking negosyo.

Huwag kami ang inyong matyagan
na nangangarap ng
soberanya at kalayaan

silang dapat!
na mga patutot
na hininga’t utot
ay papuri
sa agilang halimaw.

Huwag na huwag
ninyo kaming matyagan
at baka kayo
ay mahatulan!

Emanzky88
18 Setyembre 2009

*litrato ni Bienvenido Lumbera (Pambansang Alagad ng Sining)
Teresa Barrozo flickr.com