arroyo watch flickr.com

“Sa kanyang paglisan ay kumakaway tayong mga Pilipino nang walang bahid pag- aalinlangan…”

Sa kulturang makismo, hindi daw dapat pinapatulan ng kalalakihan ang mga kababaihan, isa pa kung ito ay isang bisita, labag daw ito sa kaasalan nating mga pinoy.Gaya ng pagbisita ni U.S Secretary of State Hillary Clinton sa bansa, tatagal ng Nov.12 – Nov.13. Ngayon pa lang ay pinatikim ng protesta ang harap ng U.S embassy. ( sagot ng mga militanteng organisasyon e di naman gender ang isyu dito, interbensyon!)

Nakakahiya naman ang kinikilos ng mga militanteng estudyante. Hindi kaya nila naisip na ang kanilang pinoprotesta ay isang may mataas na katungkulan sa makapangyarihang bansa sa daigdig, na asawa ng dating U.S President na si Bill Clinton, bukod doon ay di na nila isinaalang-alang ang kahihiyan ni PGMA, aba’y klasmeyt ata ang dalawa sa isang tanyag na unibersidad. Nakakahiya talaga, di ba nila ma- imagine na pagbalik ng U.S ni Hillary ay katakot-takot na sumbong kay Bill Clinton, “na kesyo na paka-barbaro ng bansa ng klasmeyt mo.” me konting papatak-patak pa ng luha iyon.

Saka ba’t ayaw maniwala ng mga militanteng iyan na kaya lang pupunta dito si Hillary Clinton ay para makiramay at dalawin ang mga lugar o biktima nang magkasunod na kalamidad. Huwag naman ninyo siyang pag-isipan na parang katulad lang ng iba diyan na kahit namatayan na at pwede naman kaagad pumunta o makiramay ay di agad ginawa,
sasadyain mismong puntahan sa bahay at kunwa’y malungkot at hapis na hapis ang mukha, sasabihing “nakikiramay ako sa pagkamatay niya, pasensya na’t ngayon ko lang nalaman.” Sa totoo, mayroon lang pa lang kailangan.

Huwag ninyong ipagpilitan na kaya pumunta dito si Hillary Clinton ay para sa VFA o extensyon ng pananatili ng tropang Amerikano sa bansa. Hindi naman daw siya tulad ni Condoleeza Rice na dating U.S Sec. of Sate, bawat puntahang bansa ay lalung lumalala ang kaguluhan este “troubleshooter” umaayus ng mga problema, tagapag-hatid ng kapayapaan.

Ipinagtataka ko rin bakit ipinagpipilitan ng mga U.S base Human Rights group at lokal na kapanalig sa bansa na dapat daw sabihan ni Hillary ‘yung klasmeyt ng kanyang mister na si Ate Glo na malala na ang paglabag sa karapatang pantao sa bansa. Syempre pa, kaya gusto nilang mangyari o itulak si Hillary na magbigay ng ganun statement, mapapahiya si Ate Glo sa international community. Ayan U.S na ang nagsabi!

Sa tingin ba naman ninyo e gagawin yun ni Hillary? Bukod sa klasmeyt siya ng kanyang faithful na husband na si Bill (forget na si Monica Lewinsky, ba yun?) e bawat presidente ng Pilipinas e prens ng U.S. Gaya ngayon, di na siya iniisnab ni Obama. Saka matatauhan din ang maraming pinoy, alam naman na pala ninyong ganyan e ba’t kinukunsinti pa ninyo. Kaya silent night na lang si Hillary, konting bisita sa ilang devastated area, konting abot ng U.S relief goods, konting gupit ng ribbon at konting haplos sa ilan miyembro ng isang charitable insti. konting speech na papuri sa katatagan nating mga pinoy- sa kabila ng ganitong pagsubok ay kaya nating harapin at higit sa lahat, may diin yung huling bibitawan niyang kataga na ang “Pilipinas pa rin ang pinakamaasahang kaibigan at kaalyado ng U.S sa pagsusulong ng demokrasya, paglaban sa terorismo at balanseng istabilidad- partikular sa
Asya- Pasipiko.”

Papalakpakan natin siya, pupurihin sa kanyang kakaibang “charm” – kombinasyon nang ganda, talino at ekspertong pang- diplomatiko. Ang kanyang suot o fashion ay repleksyon ng isang babaeng nagtataglay ng kapangyarihan. Para tayong na hipnotismo, may taga-bulag, nakaka-gayuma ang kanyang mga ngiti, ngiting sinasalamin ang aspirasyon ng isang makapangyarihang bansa.

Sa kanyang paglisan ay kumakaway tayong mga Pilipino nang walang bahid
pag- aalinlangan, nang may pagmamalaki, nang walang duda, nang may malinis na instensyon sa kanyang pagbisita. Ganun tayo…ganun naman tayong mga pinoy.

(C) 2009 Kwentulang Marino
__________________________________
imahen arroyo watch flickr.com