cropped-image0091.jpg

” hindi po selebrasyon ng kabulastugan at kabalbalan kung hindi…”

Kung hindi tumunog ang reminder ng aking celfon ay di ko namalayan, ngayung Nov.14, 2009 ay isang taon na pala ang aking blog- KWENTULANG MARINO, opo isang taon na pala ng kablog- blogan, hindi po kabulastugan o kabalbalan.

Ano ang nagtulak sa akin na gumawa ng blog? Bale ito po kasi ay isang balakin ko na sa aking bertdey (Nov. 8, 2008) ay iregalo mismo sa araw na iyon. Dagdag pa doon, tutoong may nasulat at nalathala na kong ilan tula at sanaysay; iniisip kong darating ang araw na nakatambak lang ang iba ko pang nagawang tula, isang araw ay kinakain na lang ng anay o binubukbok sa isang kahon ang aking kumpaylasyon. Higit sa lahat, may maiwan man lang akong pamana sa aking mga anak.

Dala nang kawalan kong muwang sa daigdig ng sapot at blogospero di ko nagawa ang blog bago pa man dumating ang bertdey ko. Isa pa, sa napagtanungan ko’y karamihan ay di alam kung ano ang “blog” Mabuti na lang at may kilala yung pamangkin kong lalaki na sanay mag-edit sa pc.

Unang naipaskil ang ilang tula. Hindi gaanong maalam din ang nag-umpisa nito, yung header naikabit niya pero yung widgets ay sa proseso ko na lang natutunan- paano maglagay ng tag, stat, kategoriya, cloud atbp. Sa kalagitnaan ko na nga lang ng taon natutunang mag lagay ng pix. Sa kalaunan ko na rin naintindihan ang ilan etiketa sa pag- blog at pag gamit nitong teknolohiya.

Kung tutuusin ay marami pa kong limitasyon at kahinaan sa aspetong teknikal at paglalim pa nang laman ng aking blog.

Alam ba ninyo nung una ay madalas o panay ang tingin ko sa top post at blog ng WordPress? – proud pa nga akong ipinaalam sa ilan kaibigan (tru text) na nasa top
post at kung ano ang rank ng Kwentulang Marino. Sa loob-loob ko rin nun ba’t itong ibang blog ay kung anu-ano lang kabalbalan ay siya pang nasa top. Ngayon ay naintindihan ko na, nuon yun, natatawa na lang ako sa aking sarili laluna’t inaalaska ko ni misis na kung di daw ba ko kasama sa top post ng WordPress. May pagkakataon pa nga na me napindot ako sa dashboard ko at biglang nawala ang mga pix, kinabahan ako nuon!

Ngayon ay alam ko na, di mo dapat paghanapan ang isang blogista o idikta kung ano ang dapat lamanin ng kanyang blog site, sabihin mang mababaw o malalim yun, iyon ay isang karapatan at kalayaan niya sa daigdig ng blogospero dahil pagpapahayag yun ng kanyang paniniwala, interes at mga saloobin. Mahalaga lang ay may pag- respeto at maging responsableng blogista.

Sabi nga ng isang blogista, kapag daw ang iyong blog ay walang nagkoment ay di ganun ka-epektibo ang iyong ipinahahayag na saloobin, mas maganda din daw na wag pasapat sa mga komento lang na gaya ng “astig”, “nice site” at iba pang bagay na di nagpapartikular sa komento o puna, yun bang mapapansin mo na binasa talaga ang laman at nagbato ng kanyang opinyon, hindi yung para mapansin lang ang kanyang blog name o i-add ka lang para makadagdag sa kanyang blogroll Gusto ko din pong maglinaw sa iba na karaniwang paksa ng aking post ay may halong pang-uuyam o satirika.

Hindi naman ako napapatali sa numerology, pero natutuwa ako’t pumalo sa 8k na din ngayun ang inaabot ng aking stat. Kung tutuusin maliit pa iyon kung ang pagbabasehan natin ay kung may ilan pc meron dito sa pinas.

Natutuwa ako’t kahit na yung mga nakararaan post ay may nagkomento pa rin. Sa dashboard ay napapansin kong may naliligaw na tingin ko ay mga estudyante, sana ay nakakatulong din ito sa kanilang aralin. Sa panahon pa rin ng Kwentulang Marino nagawa ko ang ilan tula na kasama sa ilalabas ng ANI 35, isang libro ng Cultural Center of the Phils.(CCP) sa Nov.26. Gusto ko sanang i- post ang iba ko pang tula, kaso may mga kompetisyon na pwedeng ma- diskwalipika ang ipapasa mong piyesa, dahil di pwede ang nalathala na kahit sa blog. Yung sa ANI 35, komo di naman kompetisyon iyon ay kasama ang tulang na- post na dito sa Kwentulang Marino gaya ng – “Malungkot Na Pamumukadkad Ng Sakura” at “Panaghoy Ng Isang Isla.” Yung tulang “Kimchi” ay di pa na paskil dito sa aking blog. May isa ngang humihingi din ng permiso na mailagay ang isang na-post ko sa ilalabas nilang dyaryo para sa Filipino community sa isang bansa sa Europa. ‘Yun nga lang mungkahing pakitingnan ang aking disklosyur sa
itaas ng aking header, dahil mayroon akong adbokasiya o pampulitikang paninindigan na maaring magkomplik kung hindi malinaw ang kabuuang oriyentasyon, interes ng nasabing dyaryo.

Maraming salamat sa mga dumadaan, sumisilip, sumusubaybay at nag-link sa KWENTULANG MARINO, kahit man lang minsan ay nahipo ng aking blog ang inyong buhay.
Muli, hindi po selebrasyon ng kabulastugan at kabalbalan kundi – ISANG TAON NA PO ANG KWENTULANG MARINO NG KABLOG- BLOGAN :-)!!!