Maalinsangan ang kapistahan
ni Sta Elena,
maningas na apoy
ay kumalat.
May lagablab sa bibig
na hindi
maawat.
Nangati ang mga
sanga-sangang dila,
hanggang sa
sumambulat.

Patay na si Piolo!

Ngumingiyaw
ang mga sumasambang
bulag na
deboto.
Hindi magkamayaw sa
dinidiyos nilang
idolo.
Itinumba
daw
nang umaalimpuyong singaw,
maingay na
Mayo.

Nakipaghatakan sa silid
ni kamatayan,
pusong animo sinisinok
ay makinang pumalya’t
ganap na kumatok.

Propeta ay may iniwang
habilin,
lumiliyab na damdamim
ay kailangang sarili’y
kitilin.
Hatid na kasikatan at
mahabang buhay
ay patuloy na
tamasahin.

Umaalipatong apoy sa
makitid
na kalsada
ay higit na pinagbaga
ng mga sigaw
sa trompa.
Takbo ng ilan sasakyan
na tila
punenarya.
Maugong na itinatambol
ang ngalan ng
Mesiya.

Aryang isinisigaw ang
muling pagkabuhay.
Sa pagitan ng mga
tarpolin,
may ngiti na dinaig pa
ang sanlibong
kerubin.

Ano’t isang
multo
ang masiglang
kumakaway.

Emanzky88
5 Mayo 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa yahoo.com.