Kung sa Amerika ay nasasabik
at pagmamalaking ibalita
kung sinong makata ang tutula.
Magbibigay papuri at inspirasyon
sa iniluklok na mamumuno
sa makapangyarihang nasyon.

Sa lupaing natural na sumisibol
mga usisera at usisero
mga tsismosa at tsimoso
mga mahikero, sirkero at payaso.
Kabalintuanan ang selebrasyon
showbiz na showbiz
ang dating at estilo.

Isasantabi ang mga bagabag na taglay
mga dinemolis na iskwater sa kalusuran,
mga magsasakang sa Hacienda Yulo
ay patuloy na sinasalakay.

Mangingibabaw na balita’y
sa bagong manunungkulan.
Mabigat na problema’y
kung saan maninirahan
sa Times Street ba o Arlegui Mansion
o sa PSG na himpilan
katapat na luklukan
ng mga nasa kapangyarihan?

Isasantabi mga bagabag na taglay
mga inang walang ipambili
sa uniporme ng anak
ano’t hindi mapakali
sa pasukan ay atubili.

Mangingibabaw na balita’y
sa bagong manunungkulan.
Mabigat na problema’ y
kung anong kasuotan
ang pagpipilian.
Yari ba sa pinya o
yari sa abaka?
Iyon bang may tatak na mapa
mga watak-watak na isla
o simbolo ng namayapang ina?

Sa birtwal na larawa’y pagbabago
ang ipinakita.
Reretokehin ng kontrobersyal na si
Vicky Belo.
Ikukumpas ang medida ni
JC Buendia.
Mananaig naman ang talak ni
Kristeta.

Nalilito na ang
bagong pangulo.
Nalilito na ang
bayan ko.

Litong-lito na ang
bayan ko
sa mga usisera at usisero
sa mga tsismosa at tsismoso
sa mga mahikero, sirkero at payaso.
Na tila showbiz na showbiz
ang nagiging takbo.

Emanzky88
Hunyo 9, 2010

© 2010 Kwentulang Marino
****
imahe mula sa yahoo.com