Atas blg.1

Ikaw na nag-aastang makata:
sampay-bakod, pipitsugin
kakaning-itik, pinabili lang ng suka.

Huwag na huwag kang tutula
o lilikha ng tula.

Kung wala kang muwang
sa sukat at tugma.
(pipituhin at wawaluhin)
(lalabindalawahin)
?:($V#O&V#O!:(?

Hindi ka papasa sa pihikang panlasa
sa mga disipulo at sirkulo
nina Roberto at Rio.

Sa mga akademista’t henyo
diyos at diyosa ng panulaang
Filipino.

Atas blg.2

Ikaw na nag-aastang makata:
sampay-bakod, pipitsugin
kakaning-itik, pinabili lang ng suka.

Huwag na huwag kang tutula
o lilikha ng tula.

Kung ito’y tinilad o tinipak-tipak
mga siyokoy na salita at
editoryal na patula.

Kung wala kang muwang
sa kritisismo o maging
sa poetika.

Hindi ka papasa sa pihikang panlasa
sa mga disipulo at sirkulo
nina Roberto at Rio.

Sa mga akademista’t henyo
diyos at diyosa ng panulaang
Filipino.

Atas blg.3

Ikaw na nag-aastang makata:
sampay-bakod, pipitsugin
kakaning-itik, pinabili lang ng suka.

Huwag na huwag kang tutula
o lilikha ng tula.
O magtangkang lumahok
sa mga palihan at
patimpalak na salita’y
nililok.

Hindi ka papasa sa pihikang panlasa
sa mga disipulo at sirkulo
nina Roberto at Rio.

Sa mga akademista’t henyo
diyos at diyosa ng panulaang
Filipino.

Ito ang mahigpit
nilang atas.

Ito ang mahigpit
nilang babala.

Sa mga tulad nating
nag-aastang makata!

Emanzky88
Hunyo 28, 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa flickr

Advertisements