(Payatas)

Ikinawag nila ang mga paa’t kamay.
Kasabay na kuminig
ang buong katawan.
Hindi na muli pang narinig
ang kanilang mga hiyaw.

Makasisigaw pa nga ba ang mga
bibig na hikahos?
Mga bibig na puno
ng langaw.
Mga bibig na binusalan
ng mga halimaw.
Mga bibig na sinanay
mula sa pagpag ng restawran.

Payatas! O Payatas!

Hanggang kailan ka lalaban ng patas?

Matagal nang kinakatas ang
nalalabi mong pag-asa’t lakas.

Hanggang kailan ka magluluksa?

Matagal nang ibinasura ang
mga kaluluwang humalo sa
nabubulok na sistema.

Payatas! O Payatas!

Isungaw sa mga tumabong
gabundok na basura ang
kumikislap mong kalahig
na sandata!

Emanzky88
15 Hulyo 2000

© 2010 Kwentulang Marino
****
imahe mula kay Ric Rocamora