Tatlong gabi na ‘kong inaabala
nang paputol-putol na tulog.
Sinasalakay nang masidhing
inggit,

Yevgeny Yevtushenko!

Ano meron ka’t sinaksihan
at pinakinggan ang iyong
pagtula ng
42,000 katao?

Batbat daw ng kontrobersiya
ang iyong buhay.
Kwestyunable daw ang iyong
pampulitikang paninindigan.
Kompormista ang husga
ni Brodsky.

Pinasadahan ko
ang mga
obra ng mga dakilang
Ruso
baka sakaling sa kanila
ikaw ay humalaw
kay

Pushkin
Gorky
Turgunev
Tolstoy
Chekhov.

Yevgeny Yevtushenko!

ano ang meron ka’t
nabihag mo ang
42,000 katao?

hindi kaya sa iniinom
mong vodka na
Stolichnaya?

hindi kaya sa kinakain
mong masarap na
pelmeni?

hindi kaya sa lawa
ng iyong kamusmusan
sa lalim ng
Baikal?

Sinariwa kong muli
ang mga alaala,
tinalaktak ko
ang kahabaan ng
Deribasovskaya.
Pinagmasdan ang
kinukumpuning
Opera House.
Naglaboy sa mga museo
at parke. Tinitigan ko pa
ngang mabuti ang istatwa
ni Pushkin.
Minagdamag
nagpakalasing sa Irish Pub na
Mick O Neills. Sa inyong bayan
ko unang natikman
ang caviar.

Yevgeny Yevtushenko!

ano ang meron ka’t
nabihag mo ang
42,000 katao?

Hindi ko alam kung
ako’y nangangarap o
naalimpungatan

mukha ni Amado V. Hernandez
sa wari nakangisi’t nanunudyo,

“ hangal na makatang inggitero
lumilikha ng sining si

Yevgeny Yevtushenko

hindi sa wikang Ingles
hindi sa wikang Aleman
hindi sa wikang Espanyol
hindi sa wikang Pranses
hindi sa wikang Tsino
hindi sa wikang Filipino

sa sariling wika
umuugat, nagpupuri si

Yevgeny Yevtushenko!”

Emanzky88
29 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
imahe mula sa google