Malamlam ang liwanag ng
buwan,
sa siyudad ng
Algiers.
Pinasasaya na lamang ang
kaitaasan,
nang mapanlinlang na mga
bituin,
isinabog sa binaog na mahabang
kabundukan.
Ikinukubli ang tunggalian umiiral
na mga nakausling
pangil,
nang panganib at
takot.
Pilit ibinabalik ang lambong ng
kahapon,
iginigiit, doktrinang salik sa papel
na kuwadrado.
Nakapupuwing na gaya ng
buhangin sa disyerto.
Umaalingawgaw
ang mga putok,
mula sa nguso ng
karahasan.
Nangingibabaw
ang mga panaghoy,
kinimkim na himutok.
Mga kaluluwang binistay
nang kawalang katwiran.
Sino nga bang dapat maghawak ng
tingarong-espada?
Dulo ay nakaturo sa tahanan
ni Allah!
Dinggin mo!
El Djezair
ng aking kamusmusan.
Tagulaylay
nang katotohanan ay may nais
wakasan.
Aninong tanikala
na nag-uugnay sa toreng-bakal
ng kanluran.
Malamlam ang liwanag ng
buwan,
sa siyudad ng
Algiers.
Pinapupula
na lamang ang kaitaasan,
nang mga tilamsik ng
dugong pumupusyaw.
Malayang tinig ay kanilang
ninakaw.
Malamlam ang liwanag ng
buwan,
sa siyudad ng
Algiers.
Hindi pa ganap na
sumisilip,
sa mga nagluluksang
ulap
ang ninanasang
kislap
ng
kapayapaan.
Ed Nelson R. Labao
M/V Akra Sounion
Baybay-dagat
El Djezair (Algiers), Algeria
26 Agosto 1998
(c) 2011 Kwentulang Marino
***unang tinula sa pantalan ng Algeria (1998) sa barkong M/V Akra Sounion saksi ang ibang tripulante sa katabing barko. Nalathala sa antolohiyang “IPUIPO SA PIGING (2010)”
**imahe mula sa google
Enero 9, 2011 at 6:59 umaga
Maselan ang balita sa bansang Algeria, may mga nagaganap na ‘riot’ dahil sa krisis sa pagkain, hanapbuhay atbp.
Naalala ko tuloy ang tulang ito na ginawa ko sa Algeria(1998).Maririnig mo ang mga putok kahit di pa kami dumidikit sa pantalan.Ipinagbabawal ang paglabas nu’n para mag-relax.Gwaryado ang port ng mga sundalo na may AK-47.
Nagkasya na lamang kaming uminom sa loob ng barko, imbitado ang ilan sa crew ng katabing barko.
Madamdamin ko itong tinula. Nalathala sa antolohiyang ‘IPUIPO SA PIGING (2010)’