( Kay Lea )

 

Matamis na pangarap ang

mahigpit na iniwan.

Pinasasaya ng mga sobreng selyado

ibinabalita kung paano lumuha ng yelo,

mamukadkad ang mga bulaklak.

Sumilip

ang init at muling malagas.

Minanhid ang mga pangako at

tuwirang nalimot.

 

Hindi hadlang ang pluma at papel

na sumusukat sa mga tanong

mula sa makapangyarihang dayo.

Baluktot na dila’y natutong

tumuwid.

Banyagang salita’y tuwirang

nabatid.

 

Kinokompronta ang mga gunita

at ipinamumukha ang paglimot.

Sa pusong namahay ang kirot

hindi maikubling sa isang sulok

ay mayroon pa rin kurot.

Alam mong hindi na sa iyo

ang nakaraan.

Sa huli’y inangkin

ang kasalukuyan.

 

Pinatatag nang matinding

danas.

Sa lungkot at lamig ng siyudad

ay higit na lumakas.

Inilulan sa tren ang pait at saya

na lumalagos sa mga subway,

sa mga susing lungsod at nagmamadaling

unahan ang oras.

Taas noong sinasalubong ang iba’t ibang

mukha

ng multi-kulturalismo.

 

Masayang nilalagom ang

natitirang kislap

ng buhay.

 

At maningning na

ngumingiti sa

iyo.

Ang mga namumulaklak

na

Sakura.

 

Emanzky88

12 Hunyo 2010

 

© 2011 Kwentulang Marino

* imahe mula sa centralpark.com