Ang Piging

Binusog ng monarkiya
nang sunud-sunod na anunsyo
ang mga ngumangawang
manggagawa
sa bawat panig ng mundo.

Ditalyado.

Sakop na kanilang
pinagharian.
Kung paano nagayuma
nabuo ang romansa.
Inimbitang yaya.
Sabay na mga padyak
ng kabayo.
Banayad na biyahe
mula Goring Hotel
hanggang Westminster Abbey.
Paunti-unting bilang
sa hapag kainan.
Nakabibinging
kalansing ng pilak
na kubyertos.
Tanyag na obra
ang kanilang hinimagas.

Ininggit ang mga
commoner
sa halik ni Kate at Prince William
sa balkonahe ng Buckingham Palace.

Ang Milagro

Mananalig nga ba ang mga
proletaryo
sa milagro ni
Papa Juan Pablo II

Sana hipuin niya

ang mga naulyaning
amo.

ang mga pinaglamunan
ng hari at reyna.

ang mga kinayod na
kaldero.

maging alak
ang mga pawis na tumagaktak.

maging sensilyo
ang mga kinalawang na turnilyo.

maging pabrika
ang mga palasyo.

Ang Sukli

Nagpupuyos ang
tunggalian
ng makina at kapital.
Patuloy
na tinatapakan
ang kanyang uri.
Nakakangawit
na maghintay
sa awit ng kababalaghan.
Ipinamumukhang
sukli
ay dapat nang tumbasan.

Emanzky88
1 Mayo 2011
6:30 n.g

(c) 2011 Kwentulang Marino
* imahe mula sa bulatlat.com