Masungit ang ganti
ng lawa
Masungit ang mga
nagahamang
panginoong may palaisdaan
Masungit ang mga
sanitary health inspector
Masungit ang mga
taga BFAR
Masungit ang mga
nasa checkpoint
Masungit ang mga
nasa kapangyarihan.

Ipinagkait na makatikim
ang mga sikmurang
nalamigan

sisig
pinaksiw
kinilaw
inihaw
prito
nilaga
sinigang
sarciado
tocho
bistek
relyeno

Pinakain lang sa mga
alagang
buwaya sa Pasay
Ayaw namang
lamunin ng mga
alagang
buwaya sa Batasan
Inalibadbaran sa masansang
na amoy
ang mga nagtutulug-tulugan.

Huwag tabunan!
Huwag tabunan!
Huwag tabunan!

Kaya pang sikmurain
lalamunan at tiyang
nasanay
sa pagpag na
hinalukay.

Tone-toneladang
putaheng bangus
sa baklad ng
panaginip ay
naglutang.

Ed Nelson R. Labao
7 Hunyo 2011

(c) 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa google