Dati
(Pasintabi sa lovelife ng Pangulo)

Kumakain tayong pinoy
ng Regular
naging Light
ngayon, tila ba Zero.

Ikinahihiya ang ulam
kung tuyong dilis
naging galunggong
ngayo’y bumabahang noodles.

Tirang pagkain sa restoran
sa basura ay tinatapon
ngayo’y pinapagpag
muling nilalamon.

Sa garapon ang binibiling
Nescafe
naging baso’t 3 in 1 sachet
ngayo’y humihilab ang tiyan. Bulsa ay
kinakabagan.

Mayabang na hinihitit ay Marlboro
naging Hope ni Lucio
ngayo’y nauwi sa
Winnsboro.

Tinatagay ay San Mig Pilsen. Brandy ay
Fundador
ngayo’y matabang na Colt
at mumurahing
Emperador.

Kababaihan ang nasa
tahanan
ngayon
Kalalakihan ang nasa
labahan.

Guro ang dala
ay lesson plan
iginagalang
at hinahangaan
ngayo’y bitbit ay droga
sa ibayong dagat
dinudusta.

Trabaho ay regular
kahit saa’y umaapaw
naging arawan
at kontraktuwal
ngayo’y sanlaksang kawal
ng mga tambay.

OFW pananabik ang agad
ay makabalik
ngayo’y nais bumabad
manatili sa dayong hidwaan.
Kahindik-hindik ang mamatay
nang dilat sa sariling bayan.

Tsina ay nililibak
tinatawanan
damit ay iisang korte
iisang kulay
ngayo’y sinasamba
at inuutangan.

Presidente ay diktador
naging tomador
at babaeng mandarambong
ngayo’y bihasang komikero’t alaskador.

Emanzky88
2 Setyembre 2011

© 2011 Kwentulang Marino

*imahe mula sa gmanews.tv