Ang tanong po niya. Kung hindi ko siya kilala…

– Ricardo Bonayog
Guwardiya
UP-Ayala Land Technohub

Magbibigay pugay ako
sa dumarating na aroganteng kotse. Pipiliting
isaludo ang nanginginig na bisig. Iluluhod
ang nangingiking tuhod. Magpapatirapa
na animo sumasamba. Yuyukod
ang nangangawit na batok. Mananahimik
ang pinilantik na dila. Ibabaling
ang naduwag na mata sa mayabang na plaka. Matatas
na uusalin ang katagang Porsche. Tampal sa
noo na kambal na marangyang sasakyan
sa palasyo. Pilak na
sumisilaw sa nilibak na batuta. Buong buhay
kong kakabisahin ang palalong numero. Walang puwang
ang pagdalaw ng hikab. Umula’t umaraw
patuloy na hihimasin ang gatilyo. Bigwas na
ipalalamon ang mga batas
na binalangkas. Pakiramdaman ang bugang
galit sa gulong ng kapangyarihan. Matayog na
paghatol ay ma-otso.

Emanzky88
6 Setyembre 2011

© 2011 Kwentulang Marino

*imahe mula sa google