Ipagtutulos kita

sa mga lapidang walang pangalan
sa duguang lansangan ng Taft at Mendiola
sa binging tarangkahan ng Malacañang
sa makasim na hangin ng Hacienda Luisita
sa madilim na iskinita
sa pusalian ng istero.

Ipagtutulos kita

sa mga binuwag na piketlayn
sa nangarilang na tiningkal
sa binaklas na iskwater
sa nabubulok na bagaso
sa mga lihim na himpilan.

Ipagtutulos kita

sa mga batong itinumpok
sa mga bingit ng bangin
sa dambuhalang ugat ng puno
sa pampang ng ilog
sa kubling guwang
sa maburak na laot.

Ipagtutulos kita

sa siyudad ng tirano
sa konsensiya ng NATO
sa pusod ng Wall St.
sa mga ganid na korporasyon.

Ipagtutulos kita

ng himno’t talinhaga
ng kuwento’t dula
ng martsa’t sigaw
ng krus na bala
NG ULOS NG ITAK!

Emanzky88
31 Oktubre 2011

© 2011 Kwentulang Marino

imahe mula sa Google