Nakaka-istres ang Krismas na darating

saan ka pa hahanap ng preso
kumpas na atas ang kapritso.
Ang wis sa La Vista mag-PASKO.
Paglipad sa hawlang ospital
manhid na mukha’y naging sangmalmal.
Sipat sa oras
gurlis na leeg ay naligalig.
Tumangging sa segundamanong tutubi ay ilikas
taginting ng tubig ay pinalipas.
De pindot na kama ang hiling
lababo ay busisiin. Irog ang kasiping
celfon at laptop ay makutinting.
Kusinero, labandero pati na hardinero
direktora na dating manikurista ng palasyo
umaalulong na ‘amo’ ang paboritong bigkasin
abogadong betlog ay kayang pigtasin
kulang na lang istap ay tangkasin.

Kahabag-habag na mga matandang beteranong sakitin
aba’y ibig pa ng ‘little girl’ na inggitin.

Nakaka-istres ang Krismas na darating

Imbes na pundamental na isyu ang talakayin
kung tunay na Hacienda ay kayang libreng partihin
Ano’t Coke Zero ang patuloy na inamin.

Nakaka-istres ang Krismas na darating

kampuhan sa Mendiola ay ipinagkait
hibik ng bayan ay di marinig
wasiwas ng truncheon ay anong sakit
tarangkahan ng kalayaa’y nakapinid.

Nakaka-istres ang Krismas na darating

mabuti pa ang gobyerno
namudmod ng sampung libo.
Kaming nasa labas
hinimas ang lagkitang balbas.

Nakaka-istres ang Krismas na darating

Korona ng hinete ay nais tagpasin
kabilang ang numbra ng pitong kabayo.
Mainit sa paningin ng dugong asendero.

Nakaka-istres ang Krismas na darating

dumayo ang Kapuso na may dalang regalo
mayabang na Ho! Ho! Ho!
mula sa nakapulang sambalilo.
Nagitla ang mga batang Manobo.

Nakaka-istres ang Krismas na darating

nagmagaling ang Hari ng MMDA
may X’mas Lanes na maaring gamitin.
Motorcade ay naglandas sa likaw ng siyudad
humantong sa corner nang kalituhan
at kawalang masulingan.

Nakaka-istres ang Krismas na darating

magalang na sumakay sa dyip ang lalaki
sa hita ng pasahero’y inilaglag ang sobre.
Pangalan ni Hesus ang nakasulat.
Sir at Mam ang kumbinsing bigkas
pagtulong sa kapwa ang kanyang himok.
Tambutso ‘y nagbuga ng itim na usok
pumaspas ang takbo na may yamot.
Tinangay ng hangin ang kanyang alok.

Emanzky88
11 Disyembre 2011

©2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa google