Pangungulila

Siyudad ng Heidelberg
Atake ang nostalgia
Salag ay talinhaga.

18 Setyembre 2011

Kanser

Tinta at pluma’y lunas
Sa sakit na dinanas
Pinakayod sa dahas.

21 Setyembre 2011

Asendero

Usapin sa agraryo
Kay Rizal pang kuwento
Ngumisi ang pangulo.

21 Setyembre 2011

Prayle

Anino ni Damaso
nagtago sa abito,
bayan ay minumulto.

21 Setyembre 2011

Noli

Sa dayong Alemanya
nobela ay nilimbag.
Simbahan, binagabag.

21 Setyembre 2011

Ilog

Sa Ilog Rhine ay agos
na pumisig sa lagos
halik ng Ilog Pasig.

22 Setyembre 2011

Anak ng Kura

Pinantakot ang langit
Donya’y bumuka singit
Prayle, mata’y naningkit.

23 Setyembre 2011

Kura

Mabuti pa si Lolong
Kabusuga’y ‘sang linggo
Damaso’y naimpatso.

23 Setyembre 2011

Indulhensiya

Barya ay kumalansing
Sermon ay sumingasing
Bulong ang tumaginting.

23 Setyembre 2011

Sisi ni Sisa

Dayuhan ang bumaliw
Sa bayan kong ninakaw
Kalayaan at aliw.

23 Setyembre 2011

Fraulein

Babaeng Alemanya
Seryoso sa aralin
Dibdiban sa gawain.

18 Oktubre 2011

Alemanya

Makasaysayang ambag
Sa nobelang lagalag
Sa kanila nilimbag.

18 Oktubre 2011

Blumentritt

Malayo man sa kulay
Amigo namang tunay
Bigo’t saya’y kadamay.

20 Oktubre 2011

Emanzky88
©2011 Kwentulang Marino

*nagtangkang lumangoy sa katutubong tula na kung tawagin ay Diyona. Maaring amatuyurista pa ang nasabing tula. Inilahok sa isang patimpalak tulaan sa Facebook para sa ika-115 Anibersaryo ng Kamatayan ni Dr. Jose Rizal. Ang siste, naging ‘kontobersiyal’ ang nasabing patimpalak dahil marami ang kumuwestyon sa naging resulta. Ganunpaman, isang pagsisikap na mahandugan ang isa sa ‘Dakilang Pilipino’ na hindi nangiming ibuwis ang buhay.