nochebuena

Nagmamadali sa pagbili
ng Today’s fruit cocktail
Nestle cream at Alaska condensada
para sa gagawing fruit salad

Nagmamadali sa pagbili
ng Mama Sita’s marinade
pilit na binabaklas ang pumpon ng stick
para sa gagawing pork barbecue

Nagmamadali sa pagbili
ng Fiesta pasta, Ellaine Banana catsup
Eden Cheese at Del Monte spaghetti sauce
para sa lulutuing spaghetti

Nagmamadali sa pagbili
ng Malagkit powder
asukal, linga at sago
para sa lulutuing ginataan bilu-bilo

Nagmamadali sa pagbili
ng bihon, canton, sotanghon
Lucky Me Noodles, Nescafe 3 in 1, plastic ng yelo
paminta, atsuwete, kasubha, oregano
kanela, sangke, clavo
harina, corn starch, cassava flour
asin, munggo, breadloaf, mayonesa, peanut butter
mga bilog na alay sa mesa ng paniniwala

Tila mga hinahabol
ng labingtatlong asong ulol

Nagmamadali sa pagbili
ng sigarilyong Marlboro
Fortune lights, Mighty at Emperador brandy
(Nagwawala sa pagkawala!
Umuusok ang bintang sa mga negosyanteng gahaman
pagsalubong ay nangangamoy
sa ligis ng makasalanang-buwis
)

Makupad na isinupot
ng kumikinig at kulubuting kamay
ang malaking garapon ng Cheez Whiz
nang walang bayad.

Emanzky88
1 Enero 2013

© 2013 Kwentulang Marino
imahen mula kay phil41

Advertisements