5815_1149939161975_1431166_n
Ang Monumento sa Tapat ng 7-Eleven
(Sa Ika-150 Guning Kapanganakan ni Dr. Mariano Ponce)

Ipinagtanong ko ang rebultong-
nakatayong lalake na may hawak
na baston, masid
ang aligagang kabayanan

sa kahero

mabilis na sagot
may bagong flavor po kami ng Slurpee

sa mga tambay na lalaking estudyante

mabilis na sagot
punta tayo ng SM mall

sa mga tambay na babaing estudyante

mabilis na sagot
lipat tayo sa Mcdo

sa tindera ng pantalon

mabilis na sagot
matumal po ang benta

sa vendor ng sigarilyo

mabilis na sagot
mahirap ang Fortune lights

sa mga tambay na traysikel drayber

mabilis na sagot
matumal po ang pasada

sa tindahan ng celfon

mabilis na sagot
ano pong network?

Tila hangal kong inulit-ulit
ang mga katagang

Naning
Kalipulako
Tikbalang

La Solidaridad
El Renacimiento

Propagandista
Polklorista
Diplomata
Bayani
Mananalaysay
Anak ng Baliwag

Foklore Bulakeno
Pandapira
Efemerides Filipinas
Cartas Sobre la Revolucion

Rizal
Del Pilar
Sun Yat-sen
Okiyo Udagawa

ang lahat ay napatunganga
sa monumentong hindi tiningala.

Emanzky88
22 Marso 2013

*imahen mula sa Google

Advertisements