Bonifacio jpeg

Naging maaga ang aking gising, alas kwatro ng medaling-araw ay bumangon na ‘ko. Inihanda ko ang harina, butter, itlog at asukal para sa paggawa ng Binangkal, isang klase ng tinapay na pwedeng pagkamalang Buchi dahil ang panlabas na anyo nito ay nakukulapulan ng linga; matigas ang texture nito. Popular sa dakong Kabisayaan, sa karaniwan ito’y di nilalagyan ng palaman, para maiba nilalagyan ko ng haleyang ube, keso at peanut butter.

Umaambon, hindi naman ganun nabasa ang suot kong puting seda na may tatak ng mukha ni Gat Andres Bonifacio sa gawing kanan at nakatitik naman ang KKK sa gawing kaliwa. May limang minuto rin lakarin bago ako nasakay ng traysikel papuntang kabayanan.

Alas-sais ng umaga nang ako’y makarating sa kabayanan, patuloy pa rin ang pag-ambon. Dinaanan sa bangketa ang ilan biyahero na natutulog sapin lang ay karton. Sa harap ng groseri tumawag sa aking pansin ang isang lalaking gusgusin, nangingitim ang talampakan at nanlalagkit ang mahabang buhok. hindi alintana ang ambon para abalahin ang mahimbing na pagtulog na tila nagdadagdag init ang mga abubot na damit sa kanyang payat na katawan. Patuloy pa ring nilala sa isip ko ang isang tula o diona.

Tinalunton ko ang mga tindahan ng dvd ng mga kapatid mula sa Mindanao, umaapaw sa palanggana ang pancit bihon at pritong lumpiang-toge sa isang karinderya, nagmamadali na ang mga mamimili sa pasilyong pinasok ko papunta sa pwesto ng bilihan ng mga bulaklak.

“Magkano po ang pumpon ng pulang rosas?” magalang kong tanong.

“Beynte pesos” mabilis na sagot ng matandang lalake.

“Du’n po sa mas maraming pumpon?” na umagaw sa aking paningin.

“Sandaang piso” ang kawalang siglang sagot.

Sumilong ako sa isang fastfood , isinatitik sa table napkin ang kanina ko pa nilala na tula. Laking-gulat ko sa hindi inaasahang huling titik ng tugma na maaring makalikha ng simbolismo!

Taas hawak na tabaK
Namumulang bulaklaK
Kabayo ay pumadyaK

Umaambon pa rin, matamlay ang galaw ng mga tao. Mabilis kong tinalunton ang kasalda papunta sa terminal ng bus. Iginala ko muna ang aking mata sa paligid. Mabilis kong tinungo ang monumento.

Emanzky88
30 Nobyembre 2014

© 2014 Kwentulang Marino

Advertisements

Tinisod ang siyento beynte pesos na mapulang rosas na alay. Hanap
ang mamahaling bulaklak na may tukod. Doo’y nakasulat
mga mararangal na personahe’t samahang naghandog. Maingay
na bandang malapiyesta ang tugtog. Dagsang-tao
na hinakot ng trak, dyip at ambulansya. Sa gloryeta’t
liwasan ay hindi magkasya. Magiting
na mga kabalyerong may palong sa ulo. Pumapagaspas
ang kapa’t kumikinang na espada. Nabundat
ang mga nagsidalo sa pagkaing naka-istayro. Hindi magkamayaw
sa kaway at talumpati ang mga kakandidato.

Niliglig ng kabayo ang kanyang tulirong ulo. Nakaraang taon
pala ang pagdiriwang na hanap nito. Ginamit
lang ang kaarawan ng kanyang amo.

Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumising-aso ang
kabayo
ni Gat Andres Bonifacio

Emanzky88
30 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
Ugnayan ang mga tulang ito- Pagkaawa Kay Bonifacio (2007) Nang Ngumisi Ang Kabayo ni Bonifacio (2009)
**
imahe mula sa flickr

Muli akong nag-alay
sa nangungulilang bantayog ni Bonifacio,
isang pumpon ng mapupulang rosas
na binalot lang sa lumang diyaryo.
Gumalaw ang kaliwang
tuhod ng kabayo.
Ang kaninang nakayukong
ulo, tumutok sa
blangkong mukha ko.

Ngumisi nang matalim ang kabayo,
sumagad sa nangitim na gilagid
umusli ang gapalakol na
ngipin, tumulo ang
kanyang malapot na laway at
nagsabing,
“humingi ka muna ng permiso
sa punong tanggapan
ng isang mataas na departamento;
hindi na daw kailangang gunitain
sa bayang ito-
kaarawan ng aking amo.”

Hindi ko maiwasang
mapakamot sa nakakalbong ulo.

Ngumisi nang matalim ang kabayo
ngumisi,
ngumisi nang ngumisi,
ngumisi,
ngumisi nang ngumisi,
ngumisi lang
ang
kabayo
ni Gat Andres Bonifacio.

Emanzky88
16 Nobyembre 2009

* Isa sa limang tula na dapat ay kalahok sa isang kompetisyon. Dala ng ilan limitasyon ay di na umabot pa sa nakatakdang petsa ng pagsusumite. Karugtong ito ng aking tula na (“Pagkaawa Kay Bonifacio”Nobyembre 30, 2007) na ipinaskil din sa Kwentulang Marino. Gunitain natin ang kanyang ika- 146 na taong Kaarawan.

(c) 2009 Kwentulang Marino
_________________________________________

imahe flickr.com