Ulsan

Nilango ng
maputing inuming
Soju.
Anghang ng
Kimchi
ang siyang nagpa-init
sa nanlalamig na
kalamnan,
habang binabagtas
ang nagmamalaking
daungan
at pagawaan
Hyundai.

Chiwan

Umakyat sa barko
ang sanrekwang
Opisyal na Tsino,
layun ang magsiyasat
sa dalang kargamento.
Kasabay nang pasabi
na manananghalian
ang pihikan grupo.

Sumagi sa kinalawang
na gunita.
Ang mga atas
ni Mao Zedong
na dati’y aking
dinadakila.

Belawan

Sakay ng
Pedyak
na animo
turista.
Kasabay sa
paghitit ng
Kretek,
sa kakaibang amoy
ng usok.
Lumutang ang isip
sa mga sinariwang
kuwento ni
Mochtar Lubis.
Kaguluhan sa
Jakarta
ay naganap na
sa tulang propesiya.

Emanzky88
17 Hulyo 2009

© 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa Ulsan, Korea

Sinulyapan kong muli ang pabalat ng libro.Tapat na umusal ang aking puso. Winika ang mga katagang…. “At Natagpuan Ko Si Pablo Neruda.

Kamakalawa ko natanggap ang isang package mula sa LBC. Inaasahan ko na ang laman ng package. Mula sa isang kaibigan na Griyegong marino. Ganunpaman, hindi pa rin maialis ang pananabik na buksan ito. Isang libro ni Pablo Neruda- Neruda (Selected Poems) kasama sa libro ang orihinal na mga tula at salin sa Ingles, postcard sa Patagonia, kopya ng sertipikasyon mula sa pamahalaang Chile na dumaan sila sa Magellan Straits, diyaryong El Mercurio na may petsang – Pebrero 28, 2010 ito ang panahon na nilindol ang Chile at isang maikling sulat na nakaipit sa libro.

Sa iba, pwedeng tingnan ito na pangkaraniwan lang na bagay o kwento. Meron din naman pwedeng mabili na rin sa ating bansa ang mga libro ni Pablo Neruda. Para sa akin, di usapin kung anong edisyon, nagsalin at editor ang nasabing libro. ‘Yun nga lang, hindi ko maitatago na me kakaibang ‘dating’ sa akin na mismong galing sa Chile at tinubuang lupa ni Pablo Neruda ang libro. Hindi pa rin naalis ang ugali kong may pagka-romantisista/sentimentalista.

Bakit nga ba mahalaga ang mga bagay na ito? Ano nga ba ang lalim at nasa likod ng mga kwento? Isang simple nga lang bang paghahanap o may lalim o nais iparating ang paghahanap?

Sa ibang hindi nakasusubaybay ng aking blog. Si Ioannis Sapountzis ay isang Griyegong marino. Maiksi lang ang aming ipinagsama sa barko. Kahit hindi siya nakarating sa pinas para sa binyag nang aking panganay na anak. Ipinaabot ko sa pamamagitan ng sulat na isa siya sa mga ninong. Sa loob nang nakalipas na labing limang taon ay nasa tatlong taon lang ang aming komunikasyon (sulat).

Nakaraang taon ay nakatanggap ako ng sulat/postcard mula sa Thailand. Sa pamamagitan nang kanyang girlfriend na taga Cebu ay nakontak niya ko. Nagpalitan kami ng komunikasyon at numero ng celfon. Binigla niya ko nung nakaraang taon, bibisitahin daw niya ko dito sa pinas. Paano ko malililimutan ang araw na iyon, bukod sa bertdey ni misis, ‘yun ang araw ni Ondoy! September 26.

Nagmungkahi ako na mag-aral siyang mag e-mail. Nakatanggap ako na papunta sila sa Chile. May umuwing pinoy seaman kaya’t nakatanggap ako ng package (dito na rin inihulog sa pinas). Isang postcard mula sa Santiago de Chile, may petsang Pebrero 12, 2010. Kasama rin ang isang e-postcard mula sa Greece.

Nilambingan ko siyang baka pwede niya kong padalan ng isang libro ni Pablo Neruda. may pasubali naman ako kung di makakaabala. Marso 5, 2010 ang muli nilang balik sa Chile. Hindi inaasahan ang paglindol nung Pebrero 28, 2010. Nag e-mail ako sa kanya na may tsunami alert at 8.8 intensity ng lindol at higit na pag-iingat. Nagpauna na rin ako na huwag na niyang intindihin ang akin hiling na libro. Sino ba naman ang aasa pa sa ganun sitwasyon. Itinulak na likhain ko ang tulang – “Pilit Mong Hinanap Si Pablo Neruda”

Sa huling palitan namin ng e-mail ay patungo na sila sa Australia. Nandoon ang pagpapalitan namin sa nagaganap na krisis pampulitika sa Greece at sitwasyon nitong nakaraang eleksyon. Ang mainit niyang pangungumusta sa aking pamilya. Pag-aalala ko sa kaguluhan sa Greece. Pagbabalik gunita sa pagkanta namin nang sabay ng Bella Ciao kasabay sa paglagok ng beer. Pagbabalak niyang mag-negosyo sa pinas. Pasasalamat sa ipinadalang libro.

Habang tinintingnan ko ang kanyang diyaryong padala na El Mercurio. Sumagi sa aking alaala ang ibingay niyang ElGrafico sa Guatemala nung 1993. Alam niyang kolektor ako ng mga mumunting bagay. Hindi man tuwirang sabihin, alam kong gusto niyang makapagpaligaya sa ganun paraan. Ipinagmalaki ko pa nga sa kanya ang tipong collage ng mga dyaryo at magasin na aking natipon nung dumalaw siya sa aming tahanan.

Sinulyapan kong muli ang pabalat ng libro.Tapat na umusal ang aking puso. Winika ang mga katagang…. “At Natagpuan Ko Si Pablo Neruda.”

Emanzky88
Mayo 25, 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
Imahe mula sa padala ni Ioannis Sapountzis

Kay Ioanni Sapountzis

Pilit mong hinanap si
Pablo Neruda,

sa siyudad
ng
Santiago.

sa mga gumuhong
tindahan at bahay
aklatan.

sa mga gumuhong
museo
at
simbahan.

sa mga gumuhong
bahay-aliwan
at
pahingahan ng marino.

Pilit mong ipinagtanong si
Pablo Neruda,

sa mga natulalang
babae na nagbibigay
aliw.

Augusto,
hijo de puta!

sa mga nagluluksang
ina
na may hawak ng
cuadro.

desaparecidos!

sa mga bundat
na
pulis at
sundalo.

golpe!

sa mga pawisang
istibador
sa pantalan.

internacional!

Pilit mong hinanap si
Pablo Neruda.

sa mga gumuhong
pangarap,
na patuloy na nililindol
nang kahapon at
ngayon.

Huwag!
huwag mo na siyang
hanapin.

Matagal mo na siyang
nakita,
sa tagal nang ating
pagkikilala.

Matagal mo na siyang
nakita.

Emanzky88
28 Pebrero 2010
3:00 n.u

© 2010 Kwentulang Marino

__________________________________
imahe padalang postcard ni Ioanni Sapountzis
*ilang linggo pa lang niya itong kapapadalang postcard mula sa Chile. Sa Marso 5 ay muling pabalik ang kanilang barko, sa di inaasahang lindol,marahil hindi ko na rin inaasahan na maipapadala niya ang pangakong libro ni Pablo Neruda.

s649926199_966265_551Sa kolehiyo pa lang “attracted” na’ko sa mga babaing tsinita at may “oriental feature”. Kaya’t nang maging marino ko, ‘yun “obsesyon” ‘kong makapag-asawa ng isang Haponesa, Koreana, Intsik, Vietnamese at iba pang kababaihang Asyana ay lalung nagsumidhi. Preperensya ko rin ang mga kababaihan sa Latin America, may pagkakahawig din sila sa’tin kultura at lambing nila. Gusto kong maglagos at lumangoy sa ibang kultura.

Hindi man natupad ang pantasya’t obsesyon kong makapangasawa ng ibang lahi. Wala naman akong pagsisi sa pinay na ina ng aking tatlong anak .

Sumagi sa akin ang bagay na “inter cultural marriage.” Dahil sa araw na ito (Pebrero 15,2009) ay ikakasal ang isang kaibigan ko, sa katauhan ni Joei, isang pinay at Jason, isang purong Tsino sa mainland China.

Si Ana o Joei (mas komportable s’yang tawagin sa kanyang nickname) ay mula sa angkan Ilusorio-Villarama.Kahit sabihin pang nasa kanya na ang lahat ng bagay,masasabi kong s”ya ‘yung taong “down to earth” ika nga.

Humigit kumulang ay limang taon din kaming hindi nagkita. Kung tutuusin nga ay pwedeng hindi na mamasukan o magpakahirap pa. Pero nandoon pa rin ang patuloy n’yang pagtuklas sa buhay, pagka-uhaw n’ya sa mga kaalaman ng isang ordinaryong nilalang, adbentura na may kahulugan. Sa China,nagtuturo s’ya ng English, consultant din s’ya ng isang pharmaceutical firm sa Tianjin at nagsusulat din s’ya sa isang journal para sa mga expat, ito rin ang naging daan kung paano sila nagkakikilala ni Jason, para sa isang interbyu na may kaugnayan sa larangan ng sports at negosyo, mula doo’y sumibol ang isang pag-ibig.

s668787640_1157056_734Ikinasal na sila sa China at Pilipinas nitong nakaraang taon. Syempre pa, sa tradisyunal na Intsik ay kailangan din silang magpakasal ngayon Lunar o Chinese New Year. Kahapon ay bertdey ni Mareng Joei (isa s’ya sa ninang ng aking bunso, si Karlos Eson) Pebrero 14-Araw ng mga Puso, sa e-mail ko na lang ipinaabot ang matapat na pagbati ng buong pamilya. Para sa mga Intsik, mas akma ang February 15 para sa kanilang kasal.

Likom-likom ko pa ang mga bagay na kanyang ibinigay, kung tuusin ay maliit lamang ito sa iba, pero para sa akin ito’y nakadagdag sa aking pagkatao- ang bigay n’yang picture frame na kasama s’ya at ang grupo plus si Joey Ayala na kasama pa ang kanyang pabalat sa CD na Panganay ng Umaga, ipinahiram n’yang libro na Neuro-Linguistic Programming (NLP). Ang homemade book na ginawa n’ya mula sa librong “The Man Who Planted Trees” by Jean Giono, translated by Peter Doyle, sabi sa note

“Wish you enjoy this homemade book and may the story inspire you and your family for many years to come.Let’s plant seeds of hope and love always’ A joyous and blessed Christmas 2004 and New Year 2005”
Joei Villarama

Ang pag-iimbita nila na masaksihan ng aking pamilya ang isang konsyerto sa Cultural Center of the Phils. (CCP) ng kanyang kapatid na si Mariel Ilusorio (kabiyak n’yay isang Chilean musician) na isang tanyag na “classical pianist”.

Pinakikinggan kong bigay nilang CD na pinaka-tema ng kanilang kasal, sa labing anim na kanta ‘y pinaka-gusto ko’y Nine Million Bicycles (Katie Melua), Here, There & amp; Everywhere (The Beatles), Kiss Me (Sixpence None The Richer), I Love You More Today Than Yesterday (Goldfinger), Grow Old With You (Adam Sandler).

Sa pabalat ng CD makikita mo ang kanilang masayang pagkikilala at pag-iisa ng kanilang mga pangarap at tibok ng puso, kislap ng mga ngiti at mata.

s1482282970_217684_7990Hangad kong pag-iisa n’yo sa kabila ng pagkakaiba ng lahi at kultura. Sana’y makapag-ambag kayo at magiging anak n’yo para sa pagpapabuti ng ating lipunan.

Sa Chiwan ako unang napunta sa mainland China. Hindi ko alam ngayon ang panahon sa lugar nila. Ang tiyak para sa mag-asawang Joei at Jason, ang kanilang paligid ay maningning, mabango at puno ng pag-ibig. Isandaang porsyentong- TAGSIBOL SA TIANJIN!

(c) 2009 Kwentulang Marino

Note: Nagbago na moda ng komunikasyon sa atin bansa at maging sa pagbabarko.Ang dati-rati nating sulat o liham ng mga OFW at marino, natapos na kontrata’y di pa natatanggap ay pinalitan ng celfon at internet.

Para sa akin ang sulat ay isang “social documentary” na unti-unting naglalaho.

Si Erwinda ay isa sa mga babaing Indonesyana na nagtatampisaw sa laot ng Samarinda, Banjarmasin at Pontianak na nagbibigay aliw sa mga marinong may ibat-ibang nasyonalidad, mas popular sila sa katawagang mga babaing “akyat-barko” Gaya nang iba pang ilalabas sa kategoryang- Mga Sulat Mula Sa Laot, minabuti nating itago ang tunay nilang pangalan bilang pag-respeto sa kanilang pagkatao’t may kaselanan ang paksain.

Hindi ko ninais i-post ito para lamang sila’y libakin, husgahan, pagtawanan o gawing isang “piyesang panliteraratura” ang mga nasabing sulat. Layunin ‘kong maipakita kung anong kanilang kalagayan, paano sila mag-isip at lumangoy sa agos ng buhay.

Pitong (7) pirasong sulat ang ingat-ingat ‘kong halos ay may isang dekada na rin ang nakaraan mula ng makilala ko ang mga Indonesyanang umakyat sa’min barko. Kahit na nga sa barko umikot ang istorya, walang petsa ang mga sulat na sa karaniwan ay nilalagay ito, hindi natin batid ang tunay na kadahilanan. Kung pagbabasihan ay ang aking “travel journal” sa pagitan ito ng Abril-Mayo 1998 na kung saan ay nagpalipat-lipat ang barko sa mga nasabing lugar.

Mapapansin ang kanilang pagsisikap na makipag-komunika sa wikang Ingles kahit na nga may maling ispeling o pagkakasalansan ng mga salita pero mapapansin din ang ilan paggamit nila ng mga salitang gaya ng “culture, far across, Asia, you make me crazy honey, wonderful, spaces between us,”- ay may kiliti at lalim sa babasa. Wala akong ginalaw sa orihinal na sulat, maliban na lang sa tunay na tel. no. nya na nirambol ko na lang para itago ang totoong numero. Ang mga dotted line ay nangangahulugang nasira o na dameyds na ang porsyon ng sulat dahil sa katagalan nito. Isa pa lamang ito sa pitong sulat nailalabas ng Kwentulang Marino.

Sagwanin natin ang Erwinda’s Journey!

For Captain:

Honey, I don’t know what happen to me. I can’t forget you and everytime I always remember you. I don’t know why I love you very much. And I’m crazy about that. Every night in my dreams I see you. And I feel you… that is how I know you go on. Far across the… spaces between us. You have come to show you go on.

Why you come inside my heart if you can’t stay in my heart? Why you come and you must go. Why? tell me if we can’t be together why you give me love like that. Why? You make me crazy honey! You give only a few time and a very wonderful time which I never feel like this before. Thank’s honey for your best time you give me. But why only a little?

Wherever you are. Near far I always miss you please. Do something for I forget you. Because I think. It’s very imposible to see you again. Please let me be together with you until you leave Indonesia in the last port. If you’ll come back to Indonesia, please remember that I will always waiting for you and don’t forget your promise that you will buy for me something in Amerika. I’m always waiting.

Ok! that’s all. I will stop my write until here.

With Me:

Erwinda

(c) 2009 Kwentulang Marino

garyParang pinagtiyap ng pangyayari ang pagka-panood ko- sa pelikulang “The Red Shoes,” isang British feature film (1948), sa direksyon ni Michael Powell at Emeric Pressburger, binase sa peyriteyls ni Hans Christian Andersen at nagkataong pagdaan sa blog ni RLLQPH (htpp://rllqph.wordpress.com) sa podcast ni Gary Granada sa isyu ng “Trepid jingle” laban sa GMA kapuso nitong nakaraang araw.

Umikot ang istorya na may kaugnayan sa ballet. Ang pagkakahawig lang sa isyu nang kay Gary Granada ay may yugtong inangkin ang orihinal na komposisyon ng bidang lalaki (Julian) nang kanyang propesor at kontrabidang si Lermontov.

Ipagpapaumanhin sa panig ng GMA Network na ako’y mag-koment kahit hindi pa masusing nabasa o napag-aralan ang kanilang side. Sa daloy ng isteytment ni Gary Granada, walang binabanggit na hindi pwedeng galawin ni Gary ang ultimo tuldok, kuwit at letra nang kanilang ibinigay para aregluhin o lapatan ng musika, it mins pwede n’yang katayin o ataduhin ang nasabing jingle, may “collective effort” man na sinasabi ang GMA Kapuso komo s’ya’y kinomisyon, s’ya pa rin ang “susing tao” maliban na lamang na may berbal o kontrata sila ng GMA Kapuso na kahit s’ya pa ang kuminis nito. Hindi pa rin n’ya pagmamay-ari at makakatikim man lang ng kredito sa ginawa n’yang pagkikinis. Bukod pa ang usapin kahawig na inilapat n’yang musika (ipaubaya natin sa mga eksperto).

Hindi man kami personal na magkakilala ni Gary Granada, di na banyaga ang pangalan n’ya sa akin. Sa una ‘kong pagsampa sa barko. Bukod sa dala ‘kong cassette tape (hindi pa sumusulpot ang CD) ni Joey Ayala, Jess Santiago, s’yempre dala ko rin ‘yun ke Gary Granada, sa teyp na ‘yun eh me tipong interbyu pa sa kanyang ng isang babae na boses pa lang ay ma-el, este ma-en lab ka na. Paborito ko ‘yung sa “Pamantasan Ng Puso”, “Iisa” at “You Can Never Stop Me.” Sinikap ‘kong ilako o ipadinig sa mga kasamahang ‘kong marino. Bukod sa hindi nila kilala, hindi nila sakay ang musika ni Gary Granada.

Sa pakikibakang -lansangan, no nid mo nang ipagtanong s’ya, mapa-rali, maliitang forum o kumperensya-bumabagting ang kanyang gitara. Pinakahuling kita at rinig ko sa kanya’y mga 15 taon na ang lumipas, inimbita ko nang isang kaibigan bilang “guest-participant” sa isang National Conference ng mga NGO sa buong ‘Pinas na ginanap sa isang hotel sa Antipolo City. Pinalaya ang gabi ng kanyang awit at serbesa!

Kahit hindi ko na s’ya napagkikita. Ini-introdyus ko pa rin ang kanyang musika (kahit ala ‘kong “K” sa pagkanta) sa mga Karaoke Bar kapag na-gimik ang tropa. Kalimitan ‘kong nire-rekwes sa mga GRO ay ang awiting “Sa Puno Ng Mangga” at “Mabuti Pa Sila.” kadalasang resulta ako’y supladahan o ismiran sa pag-aakalang niloloko lang sila, palasak na ang sagot na “meron bang ganun kanta?” Kapag sa iskrin ay lumitaw at na-awit na’y isusukli ang matamis na ngiti’t sasabihin…”meron pala.”

Hindi matatawaran ang integridad ni Gary Granada bilang mang-aawit, kompositor at tunay na alagad ng sining, dahil minsan ang mundong inikutan n’ya sa “paghawan nang masukal na daan” ay inikutan ko rin. Kaya’t ang aking suporta ay para sa kanya. Nanangan akong hindi n’ya sisirain ang integridad n’yang nilikom sa matagal na panahon.

Sa mga adbertayser, dambuhalang negosyante’t korporasyon, pabliser, media network at indibidwal na may pansariling intensyong magkamal ng salapi’t maging tanyag…h’wag ninyong nakawin ang karapatang-ari, kinatas na talino’t isip nang tunay na may likha.

(c) 2009 Kwentulang Marino

b6c37297d6a5083eSa pelikulang Body of Lies, matatakot ka talaga sa U.S, biruin mo naman, na- monitor ‘yun mga “terorista” sa pamamagitan ng satelayt, prente lang ang pagkakaupo nu’n mga nagmamanipula sa base nila sa Langley, Virginia. Hay tets ika nga!

Magdadalawang isip ka talagang lumaban, baka pati utot at lampungan n’yong mag wishart ma-monitor, tipong naka-paranoyd, sabagay hindi lang ito ang unang pagkakataon na me ganitong istorya, kayang-kaya na likidahin o kidnapin ‘yun lider terorista o durugin ang isang rebolusyunaryong pwersa.

Kundi ako nagkakamali mahigit 125 ng noypi na seaman (kauri ko) ang nabiktima ng mga pirata sa Somalia, may 100 barko na ang inatake at 40 barkong tuwirang hinosteyds ayun sa International Maritime Bureau.

3461757014_e0b518052aKinukulit kong akin sarili bat hindi madale ng U.S ‘yun mga pirata? nasaan na ‘yun hay tets na ipinakikita sa pelikulang made in Hollywood?

Pumapel na ang U.N kailangan na daw masawata ang mga pirata sa Somalia pati na si Condoleezza (Condolenz mas approriate) Rice ay kumakatak sa miting ng U.N, kung susuriin mo naman ang kanyang isteytment ay walang kongkretong solusyon sa problema, maging ang Pentagon ay walang maisagot na kongkretong hakbang. Sabagay kung si Boyah na pinaka-lider pirata ng Somalia eh hindi madale ‘yun pa bang lider ng mga insurektos sa Iraq ang madadale nila, tingnan mo na lang sa Blinkx kung pano pasabugin ‘yun mga APC at Apache ng U.S!

Sa isang banda, sagot ng nangungulit kung isipan ,bat nga ba magtitiyaga ang U.S diyan eh wala naman silang malaking interes na mapapala sa Somalia. Hindi tulad sa Iraq mayaman na sa langis, tuta pa nila ang lider at istratehiko sa susunod nilang target- ang Iran. Totoong kasama ang ilan pwersa ng U.S sa paglaban, pero pansinin mo, mas itinutulak ay….. U.N, sa Iraq may sey ba ang U.N?, magtaka ka pa eh rubber stamp lang daw yan ng U.S! Pansinin mo ang China, pumapapel din, ipinakikita nila sa mundo (laluna sa U.S) na me sey na rin kami!

Ano nga ba pakialam natin dyan sa mga piratang Somalian na ‘yan! Ano ba pakialam natin sa “international politiks” at intellectual discussion kunu, ito nga lang noche buena ngayun darating na Pasko pino-problema ng malaking porsyento ng mamamayan noypi.

Pero hindi maitatanggi, kabilang sila, kabilang kayo, baka may kamag-anak din marino o nagbabarko o kaya’y sakay ng isang pampasaherong barko. Nitong unang linggo ng Disyembre, tumawag sa akin si pareng Dolfo, isang seaman din. Nasa Houston s’ya at ibinalita sa akin na nagkita sila ni Julie Nuygen, nagbebenta ng mga laptop sa barko. Ilan oras na lang at malapit ng umalis ang barko, may pagmamadali sa kabilang linya, huli kong narinig sa kanyang garalgal na tinig…. dadaan kami ng Somalia!

(c) 2009 Kwentulang Marino