Tribute-photo-made-by-fan-Epee-Rafanan-as-posted-on-the-Facebook-page-Nora-Aunor-for-National-Artist1
KUNG BAKIT WALANG HONOR SI NORA AUNOR
(SA PIHIKANG PANLASA NG BINATA SA PALASYO)

“Walang himala! Walang himala!”
sa batang babaing lumaki sa istasyon ng tren
kesa sa batang lalaking lumaki sa malawak na tubuhan

“Walang himala! Walang himala!”
sa aktres na tanging puhuna’y umarte’t umawit
kesa sa politikong tanging puhuna’y katas ng kabyawan
kasikatan ng angkan

“Walang himala! Walang himala!”
sa artistang akusa ay sumisinghot ng droga
kesa sa binatang usok lang ang ibinuga

“Walang himala! Walang himala!”
sa patuloy na bigwas
sa presyo ng petrolyo
pamasahe’t bigas
luya’t bawang, bumirit pa ang sibuyas
karneng manok, baka’t baboy
sabon, harina’t de-latang sardinas

“Walang himala! Walang himala!”
sa mga binusabos na biktima
ng Zamboanga seige at bagyong Yolanda

“Walang himala! Walang himala!”
sa tunay na biyaya ng lupa
kung titulo’y nasa korporasyon
mga magsasaka’t sakada’y may pinapanginoon

“Walang himala! Walang himala!”
sa hinimod na sinambang EDCA
sumbat sa lamay ng kapatid sa tropang Amerikano

“Walang himala! Walang himala!”
sa inang iniluklok ng mga dumipa sa EDSA
kesa kay Elsa na puno ng pag-asa

“Walang himala! Walang himala!”
sa mga mandaramdong sa kongreso, senado at palasyo
huwag kang kukurap sa PDAF at DAP
sa isang iglap daig pang hinoldap

“Walang himala! Walang himala!”
sa humal na wangwang
sa paliku-likong katwiran
sa tuwid na lansangan

“Walang mapapala! Walang mapapala!”
sa aroganteng elitista
hinubdan ang maskarang moralista

Husga mula sa luklukan ng katarungan

“SALIGANG PUNDASYO’Y NILABAG
YAMAN GALING SA PAWIS
SA PAGGASTA AY LIHIS!”

Emanzky88
5 Hulyo 2014
3:50 n.u

©2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa interaksyon.com/epee rafanan

600x450xgarlic.jpg.pagespeed.ic.gZfvdek58C

Ang Rekado

Niluto ang tatlong pisong balot
na miswang manipis
sa limang pisong mantikang tingi
kawali’y saglit na sumagitsit
labing-apat na pirasong hebi
sa tinamad na init ay sumagi
namumutlang pinatuyong hipon sahog
matamlay na sumanib
sa inihagis na hiblang nadurog
dalawang tabong tubig ang tumambog
sa wisik nang walong butil na dagat-asin
sabaw ay pamaktol na bumulabok
po(rk)tang ‘nang naka-iiskandalo!
saha ng saging ang kalasa
bunton sa ibinato kong kaldero
hangad ay tumama sa makintab na ulo
boom panot!
usig sa salat na rekado
hanap sa tunay na lasa
luya’t bawang na pang-sangkutsa
mahal pa sa mangilong karneng manok
sa mga politikong mahilig sa pork
Anak ng Baka!
ang sumbat ng panlasa!

Emanzky88
15 Hunyo 2014

© 2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa inquirer.net

mideo-AFP
MAY LISTAHAN DIN ANG LANGIT

Kung si Napoles ay may Napolist
may listahan din ang langit
sa mga mandarambong

sa Palasyo
sa Senado
sa Kongreso
sa Korte Suprema
sa AFP
sa DBM
sa NBI
sa BI
sa DepEd
sa DA
sa DAR
sa DPWH
sa mga nagpasarap sa PDAF
sa lumikha ng mga pekeng NGO
sa lahat ng departamento

hindi sila maaring husgahan
hindi sila maaring salingin
hindi sila maaring kutyain

pagkat sa kanilang pera may donasyong titirikang simbahan
pagkat sa kanilang pera may marmol na altar
pagkat sa kanilang pera may mataas na pader
pagkat sa kanilang pera may maningning na aranyas
pagkat sa kanilang pera may malambot na luhuran
pagkat sa kanilang pera may pintuang narra
pagkat sa kanilang pera may antigong santo
pagkat sa kanilang pera may sedang abito
pagkat sa kanilang pera may masarap na putahe
pagkat sa kanilang pera may pantustos sa mga bisyo
pagkat sa kanilang pera may mamahaling Montero
pagkat sa kanilang pera may marangyang karo
pagkat sa kanilang pera may Pabasa ng Pasyon
pagkat sa kanilang pera may libreng pakain sa Semana Santa
pagkat sa kanilang pera may kotseng parapol
pagkat sa kanilang pera may sariling titulo
pagkat sa kanilang pera may bahay-ampunan
pagkat sa kanilang pera may feeding program
pagkat sa kanilang pera may takbuhan ang mga dalagang-ina
pagkat sa kanilang pera may kanlungan ang mga gurang
pagkat sa kanilang pera may libreng pabahay
pagkat sa kanilang pera abswelto na sa kasalanan

O mahabagin diyos ng LUMA at BAGONG TIPAN!
Kulang na lang ay ibilang sa mga SANTA at SANTO!
Bakit kinakandili ang mga kampon ng DEMONYO?

Emanzky88
10 Hunyo 2014

© 2014 Kwentulang Marino
imahen Mideo-AFP

interphoto_1344846982

Tinamaan ng kidlat
ang MRT

Kailan naman kaya ang mga mandarambong?

sa Palasyo
sa DBM
sa Senado
sa Kongreso
sa Hudikatura
sa AFP
sa Lokal na Pamahalaan
sa Reyna ng PDAF scam
sa mga nagsasakit-sakitan
sa mga kabarilan
sa mga nangingikil sa dayong kontratista
sa mga kasabwat sa bidding
sa mga substandard na relokasyon
sa mga nagpabaya sa biktima ng Bagyong Yolanda
sa mga nagbibigay ng bulok na relief goods
sa mga nagbubugaw sa embahada
sa mga Tsinong hari-harian sa karagatan
sa mga pumaslang ng ‘daang pawikan
sa mga nagsasabing sapat ang silid-aralan
sa mga nagsasabing handa na ang K-12
sa mga lumilikha ng pekeng NGO
sa mga kapartido
sa mga humihimod sa tumbong ni Obama
sa mga sumasamba sa EDCA
sa mga nagbebenta ng soberanya
sa mga nagpabaya kay beybi Diona Andrea
sa mga gumagahasa sa Inang Kalikasan
sa mga humahadlang sa biyaya ng lupa
sa mga pumipiga sa lakas ng manggagawa
sa mga sumasagka sa kalayaan.

Hintayin ninyo ang ngalit ng bayan
Higit pa sa talim ng kidlat
na dapat paghandaan.
Banta ay hindi isang pitik
Sigaw namin ay gumuhit sa langit
“MGA TINAMAAN NG LINTIK!”

Emanzky88
6 Hunyo 2019

© 2014 Kwentulang Marino
*imahen mula sa http://www.interaksyon.com