Pagod na puso ay nilunod ng gabi,
Usok, alak at halakhak ng mga babae.
Pagmamahal ay hinanap mula Houston hanggang Kaohsiung,
Nilibot ang Lisboa, Amsterdam at Barcelona,
Nagbakasakaling sa Antwerp masumpungan yaong nasa.

Ngunit parang kay ilap na gaya ng alon,
Sa barko ay hahalik, kapagdaka ay naglalahong,
Hindi mo mahabul-habol.
Liwanag ng buwan tumatagos sa katubigan,
Galaw ng agos ay hindi maipinta nang lubusan.

Bakit pa mangingibang bayan?
Tanong ng pusong may kalituhan.
Wala sa kabilang ibayo ang pagmamahal,
Narito sa baybay-dagat, dito sa dalampasigan.

Sa inihagis na puting bato na may pag-asam,
Iginuhit ang iyong mukha sa tubigan.
Para bang isang musmos na may ka-inosentihan,
Sa mata mo sumasalamin tapat kung magmahal.
Ilong ay hindi katangusan,
Sa tinig ay may lambing at panghalinang taglay,
Puso’y lumakas, kumabog nang tuluyan…

Nagkabuhay ugat, dugong nanamlay,
Supling na inihandog ngalan niya ay Asiah,
Higit na pinagbigkis sa isa’t isa.
Binigyang kulay ang kinabukasang walang katiyakan.

Sigaw mula dito sa laot ng Alemanya,
Itong kaganapan ng isang pag-asa.

Emanzky88
M/V Clipperventure-L
Hamburg,Germany
11 September 1996

(c) 2009 Kwentulang Marino

*Unang nalathala sa PAROLA, seaman’s journal na nakabase sa Netherlands. Sept.-Oct. 1996 na isyu.

Sa kasalukuyan ay hindi na sila dalawang tala ng pag-asa, bukod kay Asiah, nasundan pa ni Emman at Eson. Apat na silang nagbibigay kulay sa aking buhay. Kay Beck, isang pag-ibig na walang hangganan at pagbati sa ARAW NG MGA PUSO!