Aquino-and-Pope-Francis-Malacanang

Kumpisal sa Palasyo

Mahal na Santo Papa Francesco
kabanal-banalang Papa sa Roma
mahabaging Pope Francis
mapagkumbabang dating kardinal ng Buenos Aires
nais kong sa ‘yong pag-alis
ikumpisal mga ugali’t gawa kong daplis
inilalapit sa iyo
kaluluwang tinatahak ay daang lihis

Walang hindi pinatawad ang diyos
sa kanya’y nagbabalik-lubos
pasibulin sa puso ang awa at habag
Sa panaghoy ng bayan
matuto kang manangis
Aroganteng katwiran
itapon sa basurahan
Biyayang isda’t tinapay
sa kapuspalad ay ipamigay
Akayin ang mga nasasakupan
sa landasing maaliwalas
Huwag pakalunod
sa agos ng salapi’t kapangyarihan

“MAGSISI ka sa ‘yong mga kasalanan!”

Mahal na Santo Papa Francesco
kabanal-banalang Papa sa Roma
mahabaging Pope Francis
mapagkumbabang dating kardinal ng Buenos Aires
kaparusahang sa aki’y ipinataw
dating gawi’y hindi mapangibabawan

“MANISI sa mga kasalanan!”

Emanzky88
20 Enero 2015
© 2015 Kwentulang Marino

*imahen mula sa globalita.com

Advertisements