Mga Duguang Tsinelas
(Oda Sa Mga Manggagawa ng Kentex)
Bilang pagpupugay sa inyong kadakilaan
sa mga buhay na inialay
sa ngalan ng paggawa.
Bumili ako ng isang pares na asul na Havana
may sukat na sampung pulgadang haba
sa halagang animnapung piso
ay hindi ko tinangkang tawaran.
Tila nagyayabang ang disenyong
ribon sa plastik na lagayan
“Tsinelas ng Bayan”
Sumagi sa akin ang lupain ni Fidel Castro
ang makaysaysayang bansang Cuba
ang sentrong kapital na Havana
nagsulong ng rebolusyong Sosyalismo
may malasakit sa mga obrero
Balintuna sa tsinelas na hawak ko
nangangamoy usok ng pagkagahaman
masansang ang hangin sa lusaw na kalamnan
nakapinid ang lagusan ni kamatayan
tila mga manok na itinuring
sa alambre’y pinalibutan
kahit na nga pusa
ay hindi kayang matakasan
ng mga kalansay na nagsalansan.
Hihilab ang mga hindi natunawan
ang mga naimpatsong tiyan
sa masibang pagkamal.
Uusigin ng mga inuling na bungo’t buto
ang gabi ng bangungot
sa mga nagpabaya’t kasangkot.
Isasabit ko ang inyong
mga duguang tsinelas
sa sulok ng puso’t gunita
hihimasin ang lambot ng suwelas
ang maingat na pagbutas
patuloy na lalanghapin
sa mga makulay na dahon
ang nakaduduwal na amoy
nang pagkapabaya
patuloy kong madirinig
ang mga yapak ng panaghoy
sa isang banda
ang ngiti ng paglikhang kolektibo
sa isang produkto.
Manalig ka!
HUSTIYA ang aming ihuhugis
sa mga naulilang TSINELAS!
Emanzky88
15 Mayo 2015
© 2015 Kwentulang Marino
*imahen mula sa timesunion.com
Mayo 15, 2015 at 12:10 hapon
Namanhid na tayo sa mga balita. Balewala lang kung mahigit 72 katao ang namatay,balewala lang kung nangangamoy sunog ng tsinelas. Okey lang sa atin ang tugon ng may-ari, “sagot ko ang gastos ng libing”.
Mas nabagabag pa nga tayo sa sumbatan ni Xander at Agnes sa telenovelang Forevermore. Katumbas na lang ang buhay natin ng isang pares na tsinelas…
Mayo 21, 2015 at 3:27 hapon
Ang lalim ng hugot nito, ah. Malikhain ka sa’yong kathang tula, kaibigan. 🙂
Mayo 22, 2015 at 1:12 hapon
Salamat Adrian sa pagbisita sa KWENTULANG MARINO