JUSTICE KENTEX FIRE VICTIMS PIX
Mga Duguang Tsinelas
(Oda Sa Mga Manggagawa ng Kentex)

Bilang pagpupugay sa inyong kadakilaan
sa mga buhay na inialay
sa ngalan ng paggawa.

Bumili ako ng isang pares na asul na Havana
may sukat na sampung pulgadang haba
sa halagang animnapung piso
ay hindi ko tinangkang tawaran.
Tila nagyayabang ang disenyong
ribon sa plastik na lagayan

“Tsinelas ng Bayan”

Sumagi sa akin ang lupain ni Fidel Castro
ang makaysaysayang bansang Cuba
ang sentrong kapital na Havana
nagsulong ng rebolusyong Sosyalismo
may malasakit sa mga obrero

Balintuna sa tsinelas na hawak ko
nangangamoy usok ng pagkagahaman
masansang ang hangin sa lusaw na kalamnan
nakapinid ang lagusan ni kamatayan
tila mga manok na itinuring
sa alambre’y pinalibutan
kahit na nga pusa
ay hindi kayang matakasan
ng mga kalansay na nagsalansan.

Hihilab ang mga hindi natunawan
ang mga naimpatsong tiyan
sa masibang pagkamal.
Uusigin ng mga inuling na bungo’t buto
ang gabi ng bangungot
sa mga nagpabaya’t kasangkot.

Isasabit ko ang inyong
mga duguang tsinelas
sa sulok ng puso’t gunita
hihimasin ang lambot ng suwelas
ang maingat na pagbutas
patuloy na lalanghapin
sa mga makulay na dahon
ang nakaduduwal na amoy
nang pagkapabaya
patuloy kong madirinig
ang mga yapak ng panaghoy
sa isang banda
ang ngiti ng paglikhang kolektibo
sa isang produkto.

Manalig ka!

HUSTIYA ang aming ihuhugis
sa mga naulilang TSINELAS!

Emanzky88
15 Mayo 2015

© 2015 Kwentulang Marino

*imahen mula sa timesunion.com

Advertisements


Akala ko’y manggagawa’t lider
lang ang iyong
pinapaslang.

Mag(g)ing noodles
mo’y
nakamamatay.
Pulbos
na tinunaw
sa isang
kalderong
tubo
na umaapaw.

Emanzky88
6 Mayo 2011

(c) 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa flickr.com


Kuya… sa aming pong barangay
may batang apat na taon gulang
ang namatay. Tubig sa katawan
ay hinigop ng tag-araw. Bunsong
kapatid ang sumunod
na inagaw. Tumirik
ang walang kulay na bilugang
mata. Kumiwal na palabas
ang ilang maputlang bulate
sa bibig, ilong at tainga. Panganay
sa lahat ay nasa mababang paaralan
ikatlong grado. Tanong ng titser
na galing sa mula. Kung bakit
lagi siyang tulala. Sagot
ng batang namumutla.

“Lagi pong nalilipasan ng
pagkain ang humpak na sikmura.”

Inabala ang malungkot na kuwento. Balita
ay bumulaga sa telebisyon segundamano.

“Dumalaw sa may sampung manggagawang pumanaw. Sa Eton
Condominium ay sumalalak ang mga buhay. Masiglang
bumaba sa bagong bullet proof na
Lexus
ang bagong pangulo.”

Emanzky88
28 Enero 2011

© 2011 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa google