Disyembre 2009


Sa mesa ay inilapag
mga prutas na kay
sagana,
may ponkan, ubas, peras at mansanas.
Hamon at quezo de bola ay hiniwa
na parang sinukat,
serbesa at vino ay pinalamig na lubusan.
Amoy ng litsong pabo at carbonara
ay humagod sa
walang laman kong
sikmura.

Awiting pamasko
ng mga nanapatan
ay siyang
gumising
sa noche buena
na
inaasam-asam.

Sa takot na walang perang
ipambigay,
pabalikwas na
ilaw
ay biglang
napatay.

Emanzky88
27 Disyembre 1997

© 2009 Kwentulang Marino

imahe philip41

Advertisements

Kay Jay Taruc

Dinurog ang iyong
puso
sa nasaksihan mong
kahirapan
sa
Northern Samar.

Inihahanap mo
nang
kasagutan
sa sira-sirang
bubungang pawid
kung paano
hadlangan
na maglagos
ang init ng
araw,
lamig ng
gabi
at buhos ng
ulan.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Ang batang babae
na akala mo’y
walong taong gulang,
hindi ka dinadaya
sa iyong narinig
at nakita,
dapat ay nasa hayskul
na,
mapait na katotohanang
ganting sagot nang
kanyang ama.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Na pitong taon
na
siyang iginupo
ng
tuberkulosis,
marahas na kumapit
sa kanyang
buto
ang
balat niyang
nangangarilang.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Nabigyan silang
minsan
nang isang kilong
bigas
ni
Gloria,
hinilamusan
ng toyong inutang
sa tindahan,
pansagot sa limang sikmurang
kumakalam.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Sa nanginginig na kamay
nang kanyang nanay,
naghuhumiyaw ang mga tinta at letra
sa walang katapusang
daing at kahilingan.

Nakabibinging katotohanan
ang inilagda niyang
pangalan
sa
notebook
ng katotohanan –

Hope Granada.

Emanzky88
26 Nobyembre 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino
________________________________________
imahe aletniuq_ara12 flickr.com


Ang deklarasyon ng Martial Law sa Maguindanao ni PGMA ay isang malaking hamon sa mga kandidato sa pagka- Presidente sa eleksyong 2010. Huwag na muna nating silipin na ang naganap na masaker ay may kaugnayan sa idineklarang Batas Militar. Sabihin pa na malalim na analisis na sinasabi ng AKBAYAN na ito ay isa lamang paraan para maabswelto ang mga Ampatuan. Ganunpaman, para sa akin ito ay isang manipestasyon ng isang malalim na ugnayan. Mas pa, nakalundo ang paksa kung paano rumesponde ang mga nasabing kandidato.

Habang ipinapaskil ito, apat pa lamang ang nagsumite para sa pag-kwestyon sa ligalidad ng Martial Law, Atty.Sigfrid Fortun bilang abogado ng isa sa Ampatuan, Rep. Satur Ocampo, Rep. Didagen Dilangalen at Atty. Harry Roque.

Sa ganang akin, nasisilip ang kahinaan ng mga “presidentiables” kung paano rumesponde sa isang krusyal na isyu. Nasusukat ang kanilang kakayahan sa ganitong pagkakataon. Isa itong batayan para ipagpatuloy pa ng mga nasa palasyo ang mga posible pa nilang gawin. Nasaan ang sinasabi nilang pagmamahal sa bayan, kalayaan at kapayapaan? Hindi ba sila pwedeng magsumite nang pag-kwestsyon sa Korte Suprema? Ang mga puta-putake nilang pahayag sa media ay isa lamang palatandaan nang kahinaan sa pag-unlad ng politika sa bansa. Wala ba silang kakayanan na magbuo ng isang taktikal na alyansa o kombenor o anuman katawagan na silang mga presidentiables (isantabi na si Gibo) ang kakatawan para maging deterrent at tumugon sa isang krisis pampulitika na kinaharap gaya ng Martial Law? Kinakailangan ba na ang manguna ay ang mga nasa civil society o NGO at iba pang institusyon?

Marahil ang isasagot sa atin ay mas aasikasuhin nila ang pangangampaya at kung paano sila mananalo. Masakit nito, masayang lang ang kanilang pagod at mawalang saysay ang eleksyon sa 2010.

© Kwentulang Marino
_____________________
imahe news.yahoo

Binabalikan mo ba ang
probinsiyang pinagmulan,
pugad nang iyong kamusmusan —

natatakam ka ba sa umuusok na sisig,
maningning na parol, masayang kapistahan.
nagtatamisang melon at pakwan,
sa mga ibon, sa pinak
ang kanlungan,
sa panahon nang
migrasyon mula sa ibang
bayan.

Ito nga kaya ang tunay
na pakay o
baka naman sa laro nating mga
paslit,

ikaw ang laging bida
ikaw ang laging nasusunod sa kung anong pita
ikaw ang laging nag-uutos
ikaw ang laging tumutubos
ikaw ang laging pinupuri
ikaw ang laging lider- lideran
ikaw ang laging reyna- reynahan
ikaw ang laging may hawak sa susi ng kayamanan
ikaw ang laging nagsasabing tigapagligtas ng karamihan.

Hanggang ngayon pa rin ba
ay nahahaling ka sa
laro nating
ala- metamorphosis
ni
Franz Kafka,

hindi kaya ito ang tunay na
pakay
sa iyong pagbabalik,
muli ay maging isang
tugak
na
palundag-lundag,
sakim na
umaawit
nang
pakokak-kokak.

Emanzky88
9 Nobyembre 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino
________________________________________
imahe sasha’s attic_flickr.com