Kay Manny “Pacman” Pacquiao

cottopacquiaoinquirer.net

Hanggang kailan ka namin ipagtutulos ng kandila, ilalakad ng paluhod sa simbahan ng Quiapo, ipagdarasal sa lahat ng santo. Hanggang kailan kami aasam na lagi ang iyong panalo, makuha ang lahat ng titulo. Hanggang kailan hihiling na laging may laban para mabawasan ang sikip ng trapiko, krimen at operasyong militar partikular sa Mindanao.
Humanga kaming lubusan, parang kuto mo lang na tiniris si Cotto sa iyong laban, pitong titulo sa boksing sa iyo’y napasa-kamay.

Hanggang kailan mo pagtatakpan ang aming kahihiyan, mga binubugbog na pinay sa
gitnang silangan, atsay kung turingan, pakahulugan ng Filipina sa Italya at Hong Kong, mga binibihag na seaman ng mga pirata sa laot ng Somalia, mga pinay sa prostituiton den sa Macau at Malaysia. Mga nakabilanggong pinoy sa madidilim na piitan, hinahatulan ng kamatayan, mga pinoy na nakatira sa ilalim ng tulay (salamat na lang at may dumalaw na isang Gloria), bansang Pilipinas ay tanyag sa katiwalian. Hanggang kailan mo pagtatakpan ang bansa sa tagong bugbog nang kahirapan, kamangmangan at kasakiman nang iilan. Hanggang kailan mo pagtatakpan ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan, hanggang kailan mo pababanguhin ng bawat panalo ay pagdalaw sa palasyo. Hanggang kailan mo sila pasasakayin sa iyong kasikatan.

Hanggang kailan kami magigising sa katotohanan na hindi lahat ng pagkakataon ay nasa iyo ang kabataan, lakas at panalo… Hanggang kailan namin matatanggap na ito’y panandalian lang. Marami ang magagalit kung hilingin kong ikaw ay magpatalo baka sakaling ang maraming pinoy ay magising sa tagumpay ng pagdedeliryo.

Sapat na ang iyong binigay. Huwag mong kunsintihin ang kanilang mga kahangalan. Bigyan mo kami… di ng balato, bigyan mo kami ng gabay at talino kung paano dumisiplina sa aming mga sarili, kung paano at sino ang kaaway, kung saan dapat patamaan at puntiryahin ang kaaway, kung paano kumilatis ng kaaway…ang kaaway ng kagutuman, kamangmangan at kasakiman. Turuan mo kaming pag-ibahin ang realidad at pantasya.Turuan mo kaming kumilatis ng mga politikong pasirko-sirko sa 2010 eleksyon na tunay na mga hunyango, palipat-lipat ng mga partido; subalit iisa lang ang nagrerenda sa mga kabayo.

Hanggang kailan….hanggang kailan kami lulunurin sa iyong tagumpay…hanggang kailan kami pasasakayin at paasahin sa iyong kasikatan…hanggang kailan kami…magigising sa katotohanan.

Isa lang ang aking paalala…baka malunod sa tinatamasang grasya, tangayin kung saan ng politika, may dapat pagkalagyan ka na, sa tamang lugar doon- sa puso ng masa.

(C) 2009 Kwentulang Marino
_______________________________________
imahen sa laban ni Cotto at Pacman pdi.net

Advertisements

0a7b5706c17fbb40

“Ikinararangal ng Palasyo ang hindi mapapantayang kagitingan at paglupig sa mga kaaway. Nakatala ka na sa ating kasaysayan…”

Nagmula siya sa isang bayang mahina. Sa lupain ng mga alipin-sinakop nang ibat-ibang makapangyarihang kaharian sa Europa, Silangang Asya at Hilagang Amerika.

Kinakailangang lumaya ang bayang matagal nang binubusabos ng mga dayuhan. Sa pagdaan ng mga taon. Nakapagtatag sila ng isang maliit na kaharian. Patuloy ang mga pananakop sa mahinang bayan. Patuloy ang mga walang kawawaan digmaan.

Panahon na para magtanggol. Panahon na para lumaban. Panahon na para isabak ang napanday na mandirigma ng kanilang kaharian.Taglay ang talino, katapangan at pagka-uhaw sa kalayaan. Siya ang mandirigmang walang kinatatakutan…siya si Heneral Pacman!

Maraming laban ang kanyang dinaanan. May pakikidigmang batbat ng hirap. May pakikidigmang natapos nang madalian. Ang mga tanyag na Heneral…sina Heneral Diaz, Heneral Marquez at Heneral de la Hoya. Lahat ng mga ito’y nagdaan sa kanyang malupit na kamay. Lahat ng ito’y kanyang tinalo. Marami pang Heneral ang ibinasura ng kasaysayan sa larangan ng gyera.

Marahas ang bawat digmaan, bahagi nito ang gutom, epidemya at kamatayan. Para kay Heneral Pacman…ito ay isang misyon ng paglaya.

Alin? Iyon pinakahuling laban niya? Kinatatakutang Heneral ng Britanya-si
Heneral Hatton…
Hindi naging hadlang ang kumakalat na H1N1 Virus para sa madaliang pagpaslang kay Heneral Hatton. Sa una, minamaliit lang siya ng kampo ni Heneral Hatton, isang pipitsugin lang daw itong Heneral. Kampante silang dati pa rin istilo ng pakikidigmang gagamitin ni Heneral Pacman. Lingid sa kanila’y taktikang Spartan ang sa kanila’y nakaumang.

Nanangan sina Heneral Hatton na laging nagmumula sa kaliwa ang pwersa ni Heneral Pacman. Hindi alam ng aroganteng Heneral na kaya na rin kumumpas ang kanan pwersa…isang labanang tinapos lang ng madalian, isang labanang kahit na mga kaaway ay hindi maiwasang humanga. “Isang henyong gerero” sambit ng mga nakasaksi.

Naging bukang-bibig ang kanyang pangalan dahil sa kanyang katapangan at mga tinamong tagumpay. Ipinagmalaki siya ng lahing pinagmulan. Bawat bayan kanyang daanan ay mainit ang pagsalubong ng mga taumbayan, sinasamba gaya ng diyos ng digmaan. Maging ang mga dugong-bughaw sa ibang lupain ay labis ang paghanga at papuring ibinigay.

Dala niya ang tagumpay. Nag-uumapaw sa kasiyahang haharap sa mahal na Hari at Reyna, taglay ang pagmamalaki.

Ano’t sa kanyang paglalakbay patungo sa kanilang kaharian ay may tinanggap na kalatas mula sa Palasyo. Isang tagubilin na makapagpapabago sa kanyang buhay.

Naghuhumiyaw ang Kalatas;

Magiting na Heneral Pacman!

Ikinararangal ng Palasyo ang hindi mapapantayang kagitingan. Kahanga-hanga ang naging paglupig sa mga kaaway. Nakatala ka na sa ating kasaysayan!

Sa kabila nito, ikinalungkot naming ipaalam na pansamantala muna kayong magpalipas ng limang araw sa kaalyado nating kalapit-bayan.

0b5eae622612b864Gaya nang dating kinagawian (sa bawat tagumpay ng iyong laban). Pinag-utos na wala munang mainit na pagsalubong ng ating nasasakupan at marangyang pagdiriwang. Higit sa lahat, IPINAGBABAWAL ANG PAGPUNTA SA PALASYO PARA MAGBIGAY PUGAY SA MAHAL NA HARI AT REYNA.PAGTATANKANG MAKIPAG BESO-BESO.

MAHIGPIT NATING IPATUTUPAD SA KADAHILANANG PANGKALUSUGANG KALIGTASAN NG MAHAL NA HARI AT REYNA, KABILANG NA ANG MGA TAO SA PALASYO.

LABIS ANG PAGKABAHALA NG PALASYO NA MAARING NAGTATAGLAY KAYO NG H1N1 VIRUS KABILANG NA ANG MATATAPAT NINYONG HUKBO.

Lagda,

Punong Ministro ng Payaso

Epilogue

Tahasang sinuway ni Heneral Pacman ang kautusan ng mga Payaso. Mainit siyang sinalubong ng mga mamamayan bilang buhay na bayani. Hindi na niya ninais pang siya ay parangalan sa Palasyo.

Pinag-utos ng Pandaigdigang Bantay Kalusugan (PBK) at mga kaharian,restriksyong maglakbay ang mga opisyal ng Palasyo at dugong-bughaw para mag-aliw sa ibang bayan.Total banned sa pagpasok at paglabas sa lupain ni Heneral Pacman.

Mahigpit na ipinagbawal ng kaharian ni Angkel Sam na lumapit,tumitig,makipag-kamay at bumeso kay Heneral Pacman ng mga dugong-bughaw sa Holywud.

Umani ng katatawanan,labis-labis na kasiyahan at paghanga mula sa mga makapangyarihan kaharian,internasyunal na institusyon sa maagap at matalinong desisyon ng mga Payaso sa bayan ni Heneral Pacman.

Dahil sa iniambag na kadakilaan ni Heneral Pacman.Tinawag ang kanyang bayan sa taguring “LUPAIN NG MGA PAYASO AT HENYO.”

37f39794133092a2

“Mahalagang mai-transporma n’ya ang mga disiplina at katangian ng isang tunay na boksingerong magiting at dalubhasang mandirigma patungo sa larangan ng politika.”

Sa mga katandaan,pag sinabing wala kang kabusugan bata ka, eh tumupi-tupi ka na’t wala ka na sa ayos.Kumbaga hindi maganda ang dating at kung maririnig ‘yun ng nanay mo,alin na lang eh malusaw siya sa kinatatayuan.Katakot-takot na sermon,ang iyong aabutin-“para kang patay-gutom,timawa at hindi pinalalamon.Inilalagay mo kami sa kahihiyan bata ka!”

Ganitong bansag ke Manny Pacquiao na PACMAN ay angkop na angkop sa kanyang katatayuan. Sa positibong pagsilip eh wala siyang kabusugan sa paghahangad ng tagumpay, walang kabusugan sa paghahangad na maitaas ang imahe nating mga Pilipino sa mata ng mundo.

Sa hanay namin mga seaman,isa s’yang gamot sa pangungulila at hirap na inaabot sa isip at pisikal na dinaranas sa gitna ng laot. Dangal laban sa mga dayuhan opisyal na lumalait sa ating pagkikilanlan.

Iyon nga lang, sa konstruktibong pagpuna, marami din ang nag re-ak sa anunsyong siya ay muling sasabak sa pulitika. Mga komentong gaya ng “okey na s’ya sa larangan ng boksing, isa na ‘yang icon, sapat-sapat na ang tinatamasa n’yang tagumpay.”

Sabi nga,’wag mo raw equate ang iyong katanyagan sa larangan ng boksing sa pulitika. Sumagi sa aking alaala ang namayapang Bert “Tawa” Marcelo sa kabila ng kanyang katanyagan bilang sikat na artista ay natalo siya sa laban pagka-gobernador ng Bulakan.

May mga bagay na dapat pakasuriin kung bakit hindi s’ya nagtagumpay sa nakaraan n’yang laban. Argumento n’ya ay kakulangan sa preparasyon kung bakit s’ya natalo. Parang lumalabas na hindi n’ya naiitransporma ang katangian n’ya bilang isang mahusay na mandirigma. Lumalaro s’ya sa tsansya o pagbabakasakaling manalo dahil sa kanyang tinatamasang kasikatan. Isina-isang tabi n’yang persepsyon ng masa na pasapat ka na sa iyong kinalalagyan ngayon at sabi nga ng mga matatanda, magkaroon ka naman ng kabusugan amang.

Isa pa sa malaking nasisilip kong factor kung bakit hindi pa s’ya dapat lumahok sa larangan ng politika sa ngayon ay ang kawalan n’ya ng isang pirmis na desisyon, maihahalimbawa ko na ang naging isyu kung saan ipapalabas na istasyon ang kanyang laban kay Hatton, kung sa Kapuso GMA o ABS-CBN, sa huli ay humingi s’ya ng dispensa sa daplis na disposisyon.

Mahalagang mai-transporma n’ya ang mga disiplina at katangian ng isang tunay na boksingerong magiting at dalubhasang mandirigma patungo sa larangan ng politika. Habang di pa niya ito napapanday, ang paglahok n’ya dito’y pag-aanak lang ng isang lider na mabuway ang disposisyon at makakabilang lang s’ya sa mga laksa-laksang trapo, gahaman at lider na naturingan, pero walang silbi sa bayan!

Sana hindi maging padalos-dalos ang bawat unday n’ya sa muling pagpasok sa politika.

MABUHAY KA PAMBANSANG KAMAO!