Marami ang kinilig kay Edward sa pelikulang Twilight, kabilang na ang dose anyos na anak kong babae. Ang tiyak mas maraming kinilig maging bata’t matanda sa mga eksena sa inagurasyon ni Barack Obama bilang ganap na presidente nang pinaka-makapangyarihang lider sa mundo.
Isa na’ko sa nag-ilusyon na kasayaw si Michelle sa Neighborhood Ball at kahawak kamay na naglalakad sa Penssylvania Ave. (‘wag sana kong ipadukot sa CIA).
Kaibahan lang ni Barack Obama sa mga pang-peyriteyls. Hindi s’ya talaga galing sa mga “dugong bughaw.” Hinalintulad ko lang s’ya sa prinsipe na may taglay na katangiang matikas o makisig, may dugong mandirigma; nagtatanggol sa mga naapi’t nagbibigay pag-asa sa mga mahihirap at naghahasik nang pagbabago.
Winasak n’ya ang tradisyunal na istorya nila Cinderella, Snow White at Barbie na ang mga bidang prinsipe’t prinsesa ay mga tisoy at tisay.
Gumamit s’ya ng mga simbolo at paghahawigan; idolo n’ya si Abraham Lincoln, naroon sumakay pa s’ya ng tren, pati na ang bibliyang pinanumpaan ni Lincoln nu’ng 1861. Lumakad s’ya kahawak kamay si Michelle para ipakita’t iparamdam sa mamamayang kano na ako’y tunay na lingkod-bayan at ‘low profile.”- pang masa ika nga.
Ang kwestyon, iba daw ang pantasya sa reyalidad, iba ang aktwal na kampanya kesa sa “post election” Mula sa pangako tungo sa pagsasakatuparan nang pag-asa’t pagbabago.
Maraming mga lider at ordinaryong tao nang ibat-ibang bansa- mahirap man o mayaman ay nagpaabot nang pagbati, kasama na ang Pilipinas at Kenya. Hindi man tuwiran sabihin, gusto nating iparamdam na hoy Barack Obama ‘wag mo kaming pababayaan, ‘kaw nalalabi naming pag-asa!
Hindi kaya ito’y patunay lamang na taglay pa rin natin mga mahihirap na bansa, kasama na ang Kenya ang kolonyal na katangian-palaasa?
Nu’ng narito pa ang base militar ng kano. Sabi, pag-umalis sila, paano na tayo. Napatunayang kaya naman pala nating ikumbert ang mga base bilang “economic zone”
Wala namang masama na humingi ng tulong o ayuda pero hindi sa punto na ang mga bansang mahihirap sa buong mundo’y parang isang pulubi na hindi kayang tumayo sa sariling paa. Bakit nga ba ang Tsina, Vietrnam ay natutong magsarili at umasa sa kanilang lakas.
Uunahin pa ba tayo ni Barack Obama na may mas matinding kinaharap na krisis ang U.S- humigit kumulang ay 11 milyon kano ang walang tiyak na trabaho. Isa sa bawat sampu naka- loan sa mga pampinasyang institusyon ay may problema,malaking gastos sa serbisyo sosyal at lumobong gastos sa mga g’yerang pinasukan gaya ng Iraq. Kung pampasinsin mong kanyang “inagural speech” parang sinabi n’ya na rin na huwag n’yong isisi sa Amerika ang paghihirap ng mundo.
Malaki pa ang kakaharapin ng ating bidang si Prinsipe Obama. Hindi pa tuwiran nalilipol ang mga grupo o nagtataglay nang kaisipang “neo-conservatives” sa U.S, tanging paniwala’y sila ang dapat mamuno sa mundo. Ang balaking n’yang widrowal ng tropang Amerikano sa Iraq at ilan mga maseselan usaping panseguridad ay hindi nangangahulugang lahat nang nakapalikid sa kanyang liderato at sa labas nito ay sang-ayon sa kanyang mga balakin.
H’wag naman sanang mangyari sa kanya, ang kinahinatnan nila Pres. John F. Kennedy at idolo n’yang si Pres. Abraham Lincoln….
(c) 2009 Kwentulang Marino