Tumaas ang singil sa SLEX/NLEX. Itataas
ang singil sa MRT/LRT. Tumaas
ang singil sa tubig kuryente. Itataas
ang presyo ng tinapay. Tumaas
ang presyo ng bigas isda karne gulay
mantika asukal sardinas. Itataas
ang presyo ng LPG diesel gasolina.

May food riot sa Algeria!

Emanzky88
11 Enero 2011

© 2011 Kwentulang Marino
**imahe mula sa Google

Namahika ang mga matang kumakalam
sa patawa ni Pokwang. Nilait ni
Vice ang maangas na mukha sa kubli
ng pintura. Humanga sa
nagbabagong anyo ni Angel. Sa maamong
titig ni Mateo ay tuwirang umibig. Tinubos ni
Kokey ang kalungkutan ng mga musmos. Binalisa
ang mga kinilig na puso sa kumplikadong
relasyon ni Jaime at Jewel. Binusog
nang limpak-limpak na premyo
ang mga bulsang may mapapait
na kuwento.

Mayabang ang makulay na corporate logo
sa ilang kilong bigas, pirasong sardinas
at pares ng tsinelas. Tinahi
ang mga napilas na ngiti. Binusog
ng spaghetti at chicken joy ang mga
umusling pusod. Kinalinga
ang binaboy na kalikasan. Dinalisay
nang libong paa ang agos
ng Ilog Pasig. Kinundena
ang humalong dugo sa putikan. Ipinamumukhang
panig sa katotohanan. Umaawit
ang islogan sa ngalan ng serbisyo.

Mahirap nga bang tuklasin ang virtual reality
ng isang ilusyon?
Maari ngang sa ating nakikita
ay mayroon pa tayong hindi nakikita.
Maari ngang sa ating naririnig
ay mayroon pa tayong hindi naririnig.
Maari ngang sa ipinagmamalaking huwarang
PAMILYA
ay mayroon mga anak
na hindi tinatratong tunay na
KAPAMILYA.

Emanzky88
15 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino

*imahe mula kay Vlad Martin

Ngumiyaw nang ngumiyaw
Kumahol nang kumahol
Pumutak nang pumutak
Umunga nang umunga
Dumada nang dumada.

“Global people power. Climate change,
pandemics, terrorism and weapons of
mass destruction, transnational organized
crime such as human trafficking,
continuing vulnerability of migrants, women,
person with disabilities, and the poor…”

“The quest for universal human dignity,
RIGHTEOUSNESS PATH of compassion
and communal responsibility. This basic
principle of social justice is also the most
basic humanitarian challenge of our times…”

Ngumiyaw nang ngumiyaw
Kumahol nang kumahol
Pumutak nang pumutak
Umunga nang umunga
Dumada nang dumada.

“Many governments are tackling this
challenge, including the government
of the Philippines. Our administration’s
pledge: To channel the gains we
might reap from Public-Private Partnership
into social services like those in health,
education, and poverty alleviations…”

“And while my nation continues to
benefit from the compassion of those
who are more able to help, this does not
mean that we, or our friends in the
developing world, will be entirely
dependent on the largesse of the
developed world…”

Ngumiyaw nang ngumiyaw
Kumahol nang kumahol
Pumutak nang pumutak
Umunga nang umunga
Dumada nang dumada.

Hanggang punggok na ilong
ay humaba nang humaba.

Emanzky88
26 Setyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa google

“Sultan Sanjar wished to go hunting and asked Khayyam to select a day when the weather would be suitable. Khayyam, who did not believe in predicting the weather, reluctantly was forced to do so. The Sultan, who made all the necessary preparations on the specified day, ran into stormy weather and called upon Khayyam. To everyone’s
surprise, Khayyam assured him that all would soon be well. Sure enough, the weather cleared, and the Sultan went into the desert with an increased respect for his chief astronomer.”

– The Wine Of Wisdom
The Life, Poetry and Philosophy of
Omar Khayyam
Mehdi Aminrazavi

Ay! Kahabag-habag na siyentipiko
gumulong ang ulo sa putikang
bagaso.

Naturingang doktorado
salat naman sa dalubhasaang
bangketa ng Quiapo.

Prediksyon ay sumablay
sa paglinya ng mga bituin,
galaw ng alon
maging ang hangin
ay naiba ang
pagtingin.

Sa kanya’y isinisi
hiwalayang Kristeta’t James,
nabubulok na bigas
sa tinggalang NFA.
PGMA ay hindi mabweltahan
sa kongreso ay reyna-reynahan.
Bigong makapwesto ang mga
turko sa senado.
Sumuko kay Mercedita at
Renato.
Nagsilayas ang mga piloto
maging tropa ni Mang Tany
ay kasamang nag-alburuto.
Presyo ng mantika’t asukal
ay hinigop ng hanging
sumirit pataas.

Ano’t hindi inianunsyo
na may bagong pakulo
ang mga dugong asendero.
Usaping agraryo’y
tunay na inabuso.

Ay! Kahabag-habag na siyentipiko
gumulong ang ulo sa putikang
bagaso.

Salat sa pagbasang may
namumuong sigwa
heto’t sumusulak ang
nagngangalit
na
sigaw!

Emanzky88
9 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
imahe mula sa yahoo.com


(Ritwal at Simbolo)

Sa halip na maging balut. Kailan ang isang
itlog ay nagiging penoy? Kailan naman ito’y
nagiging abnoy? Hindi mapigilan ang mabulok,
itlog na alanganin ay maaring bumantot.

Kung ito’y naulanan o kulang
sa araw. Kulang sa init o liwanag
ng ilaw. Hindi kaya’y sa semilyang
taglay. Sa maraming humipo’t
kamay na pakialam.

Kung sa panunumpa’t salita ang
retorikang taglay. Sa ritwal
at simbolo ang panuntunan;
sundo’t hatid, baba’t akyat sa
hagdanan. Patuloy na yumayakap
sa pamahiing umiiral.

Kung padadala sa matamis na
pananagalog ni Thomas. Sa kamay
ni Romulo tratado’y ipauubaya. Alipures ni
Ayala sa gabinete ay kabilang. Hacienda Luisita’t
repormang katulad sa “Panatang Pagbabago”
ay hindi inilahad.

Itlog na penoy ay handa nating kaining mga pinoy.
Itlog na mabaho’t kung tawagin ay abnoy. Rekado ay sagana,
estilong bibingka sa paghahanda. Makakaya pa ba natin
itong masikmura?

Emanzky88
Hunyo 30, 2010
3:01 nh

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa flickr


Kung sa Amerika ay nasasabik
at pagmamalaking ibalita
kung sinong makata ang tutula.
Magbibigay papuri at inspirasyon
sa iniluklok na mamumuno
sa makapangyarihang nasyon.

Sa lupaing natural na sumisibol
mga usisera at usisero
mga tsismosa at tsimoso
mga mahikero, sirkero at payaso.
Kabalintuanan ang selebrasyon
showbiz na showbiz
ang dating at estilo.

Isasantabi ang mga bagabag na taglay
mga dinemolis na iskwater sa kalusuran,
mga magsasakang sa Hacienda Yulo
ay patuloy na sinasalakay.

Mangingibabaw na balita’y
sa bagong manunungkulan.
Mabigat na problema’y
kung saan maninirahan
sa Times Street ba o Arlegui Mansion
o sa PSG na himpilan
katapat na luklukan
ng mga nasa kapangyarihan?

Isasantabi mga bagabag na taglay
mga inang walang ipambili
sa uniporme ng anak
ano’t hindi mapakali
sa pasukan ay atubili.

Mangingibabaw na balita’y
sa bagong manunungkulan.
Mabigat na problema’ y
kung anong kasuotan
ang pagpipilian.
Yari ba sa pinya o
yari sa abaka?
Iyon bang may tatak na mapa
mga watak-watak na isla
o simbolo ng namayapang ina?

Sa birtwal na larawa’y pagbabago
ang ipinakita.
Reretokehin ng kontrobersyal na si
Vicky Belo.
Ikukumpas ang medida ni
JC Buendia.
Mananaig naman ang talak ni
Kristeta.

Nalilito na ang
bagong pangulo.
Nalilito na ang
bayan ko.

Litong-lito na ang
bayan ko
sa mga usisera at usisero
sa mga tsismosa at tsismoso
sa mga mahikero, sirkero at payaso.
Na tila showbiz na showbiz
ang nagiging takbo.

Emanzky88
Hunyo 9, 2010

© 2010 Kwentulang Marino
****
imahe mula sa yahoo.com

Masarap

pangusin ang tubo na

mas magulang,

mahaba ang biyas at walang buko.

Hindi ‘yung mura o

pinagduluhan.

Kinakatas

ito na may ngalit sa kanyang

bagang.

Pigang-piga

hanggang sa umagos ang

dalisay na tamis

sa tigang na lalamunan.

Dekstros

na nagbibigay lakas

lumalawak, tumatagal

tumatatak

ang kapangyarihan at ngalan ng

angkan

sa mga binusabos na manggagawa sa

tubuhan.

Katas

ay kayang papulahin

manalaytay sa ugat na

dugong asendero

ay pairalin.

Bayan

ay patakbuhin, bagabag na tila

asyenda

na inari at ituring.

Buntot na mahaba’y

iwinagwag sa bawat

pita,

sa pagsumpa’y siya ang mapagpasya.

Huwag mong sinuhin kung kailan

tatapusin

sumusubong usok

sa bibig na may layaw,

karagdagan istres

ang maglaway.

Huwag ipagpilitang sa palasyo’y manirahan

sa minanang tahanan ay mas nanaisin

ang doon ay manahan.

Masarap

pangusin ang tubo na

mas magulang,

mahaba ang biyas at walang buko.

Hindi ‘yung mura o

pinagduluhan.

Kinakatas

ito na may ngalit sa kanyang

bagang.

Pigang-piga

hanggang sa umagos ang

dalisay na tamis

sa tigang na lalamunan.

Isip-batang ibubuga ang

pinagsapalan.

Katuwirang

baka sakaling may

makatas

pa

sa mga naghuhumiyaw

na sakada

sa aking bayan.

Emanzky88

1 Hunyo 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***

imahe mula sa flickr/diego rivera