Hulyo 2010



(Payatas)

Ikinawag nila ang mga paa’t kamay.
Kasabay na kuminig
ang buong katawan.
Hindi na muli pang narinig
ang kanilang mga hiyaw.

Makasisigaw pa nga ba ang mga
bibig na hikahos?
Mga bibig na puno
ng langaw.
Mga bibig na binusalan
ng mga halimaw.
Mga bibig na sinanay
mula sa pagpag ng restawran.

Payatas! O Payatas!

Hanggang kailan ka lalaban ng patas?

Matagal nang kinakatas ang
nalalabi mong pag-asa’t lakas.

Hanggang kailan ka magluluksa?

Matagal nang ibinasura ang
mga kaluluwang humalo sa
nabubulok na sistema.

Payatas! O Payatas!

Isungaw sa mga tumabong
gabundok na basura ang
kumikislap mong kalahig
na sandata!

Emanzky88
15 Hulyo 2000

© 2010 Kwentulang Marino
****
imahe mula kay Ric Rocamora

Advertisements

Iginala ang naalikabukang mata.Tanaw
lang ang maangas na dambuhalang
SM Hypermarket. Patuloy
na gumapang ang mga buldoser
at trak sa malawak na bukirin. Pinipi
ang mga dayami. Binura
ang mga pilapil na gumuguhit
sa matagal na pananakahan. Pumagaspas
ang mga bandera’t banderitas. Nanukso
ang awit na tumatagos sa tangos
ng kamusmusan. Ininggit
ang mga palaboy ng batang babae
na prenteng nakahilata sa
malambot na sofa. Mayabang
na sabi “Ganito na kami ngayon.”

Bahaw ang tunog ng batingaw sa simboryo. Malapit
na ang buwan ng Mayo. Kapistahan
ng Patrong San Isidro.

Emanzky88
1 Hulyo 2010

© 2010 Kwentulang Marino
****
imahe mula kay sir herbe/flickr.com

“Playing upon the emotional and sentimental part
of the Filipino character.”
– Gov. Bandholtz
Pasyon and Revolution

Kaingat ka!

sa unang pagbisita ni Thomas Jr.
Sa matamis niyang pananagalog. Sa mga
kuwentong nilantakan niyang mangga
at adobo.

Kaingat ka!

sa kanyang papuri. Talumpating binigkas
mo’y kahulma daw nang kay Obama.

may diin na bukas-kamay ang bansa
sa malayang kalakalan. Bukas na
bukas sa dayuhang mamumuhunan.

Kaingat ka!

sa kanyang paulit-ulit na sinasabi.”Matagal na
ang ating pagka-kaibigan.”

Hindi mo ba napansin ang nangintab
niyang itimang kulay? Kumislap ang
mapuputing ngipin. Tila nangaligkig
sa tuwa ang katabaang katawan.

Emanzky88
5 Hulyo 2010

© 2010 Kwentulang Marino
****
imahe mula kay eric inocencio/flickr