Abril 2010


(Sinaryong Lundo Ng Eleksyon 2010)


“Naalala ko yung librong Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto. May yugto dun kung bakit nahuli o naloko si Macario Sakay ng mga Amerikano. Sabi ni Gov. Bandholtz simple lang daw ang taktika sa mga pinoy -“playing upon the emotional and sentimental part of the Filipino character.”

Karamihan sa ating mga pinoy ay naniniwala na magkakaroon ng “failure of election” Ma-survey man ito, kwentuhan sa barberya, blogosipiro, text, Facebook, kolum, think tank at simpleng tsismisan sa kapitbahay ay maugong ang isyung ito.

Nakatuon lang tayo sa bangayan ng mga kandidato, paglipat sa kabilang partido, na may Villarroyo, na may Aquinoroyo, anti-komunistang hambalos at pataasan ng sarbey.

Mabibilang mo sa daliri ang mga komentarista, kolumnista, blogista (hindi kasama ang mga aktibista), networkista at masa na hindi lang tayo dapat magtuon sa mga nasabing isyu. Naniniwala tayo na may makapangyarihan kamay na gumagalaw sa darating na halalan. Na may nakikialam na pwersang dayuhan. Na hindi pinatatambol ng midya, na hindi hayagang kinokondena ng mga kandidato at iba pang institusyon sa ating bansa.

Kung papansinin natin ang mga sunud-sunod na pangyayari ay mahihinuha mo na mayroon ngang nakikialam sa panloob na usapin.

Nagpunta na dito ang National Democratic Institute mula sa U.S, isang nagkukunwang foundation na ang mga nasa likod ay malalaking korporasyon. Kinonsulta nila ang ilan sa mga NGO dahil sa pangambang magkaroon daw ng problema sa eleksyon. Pagbisita ni Michael Vickers isang eksperto sa mga “special ops” matapos ang pagbisita ay umalingawngaw na ang anti-komunistang banat. Nagpalabas rin ang isang think tank na posibleng magkaroon ng failure of election, kung hahalukayin mo sa kanilang website ang Pacific Strategies and Assessments (PSA) ay matutuklasan mong nasa likod nito ay mga dambuhalang korporasyon ng U.S at pangunahin o susing tao na nagpapatakbo nito ay mga dating ahente ng CIA at may mataas na katungkulan sa malalaking korporasyon.

Ang mga paramdam na ito kay PGMA mula sa mga samahan ng negosyante, PSA at mga kapares na think tank at foundation, banta nang dating opisyal mula sa State Department na si W.Scott Thompson (mula sa artikulong Special Friendship ni Carmen Pedrosa) ay mahihinuha mong lumilikha ng takot, opinyon, banta at pakikialam sa panloob na usapin ng bansa.

Hindi man sundin ni PGMA ang nasabing banta o paramdam. Sabihin man nating matigas ang kanyang ulo at hindi makinig sa mga pakialamerong Amerikano. Marahil may kakayanan siyang magmatigas dahil na rin sa kontrolado niya ang pamunuan ng AFP, Korte, Kongreso at COMELEC.

Para sa U.S okey lang ‘yan sangkap na iyan para may mag-trigger at suwabeng mailuklok ang kanilang manok. Sa tingin mo naman ba eh sino na ang minamanok ng U.S? Eh sa tingin mo ba’y ano yung pakahulugan sa paglalagay kay Noynoy sa kober ng TIME magazine.

Hindi ba iyon ay isang pagkokondisyon para makalikha ng opinyon at imahe sa mga pinoy? Naalala mo ba si Magsaysay? Ba’t kinokontak si Noynoy ng U.S? Pwedeng ba siyang maluklok kung di naman siya opisyal na panalo? Pwede! ikinokondisyon na nga ang lahat nang saray ng lipunan- mataas ang sarbey, anak siya ni Cory Aquino, kumakatawan sa demokrasya. Ano ang ibig iparamdam sa pasabog na military junta ni Boy Saycon ng COPA? Kanina lang umaga sa Unang Hirit kay Arnold Clavio ay tinanong si Neric Acosta, kandidatong senador mula sa LP . “Paano kung magkaroon ng failure of election? walang kagatul-gatol na sagot ay People Power! Di ako magtataka na sa susunod na mga araw ay itatambol ng kampo ni Noynoy at iba pang institusyon ang salitang People Power.Ikukumpas ang lahat ng institusyon mula sa simbahan, akademiya, midya, middle class, negosyo, NGO at militar. Patatagusin ito sa mga ordinaryong mamamayan.

Naalala ko yung librong Pasyon and Revolution ni Reynaldo Ileto. May yugto dun kung bakit nahuli o naloko si Macario Sakay ng mga Amerikano. Sabi ni Gov. Bandholtz simple lang daw ang taktika sa mga pinoy -“playing upon the emotional and sentimental part of the Filipino character.”

Sa tingin ko’y pwede pa rin gamitin ito ng U.S. Alam nila ang kahinaan natin. Lahat ng institusyon nakondisyon na ay kaya na muling ipanawagan ng People Power.Hihimasin muli ang malambot at sentimentalista nating puso, mga awit, rosaryo, imahe ng santo, patak ng luha, mga tangke, muling maninilaw ang mga lansangan ng EDSA at Ayala at kapit-bisig na nagmamalaking taas-noo sa mga nakamasid mula sa buong mundo na muli ay ipinaglalaban natin ang DEMOKRASYA at muli ay pamumunuan tayo mula sa mga angkan ng elitista, asendero at oligarkiya. At tayo’y magdiriwang, ipangangalandakan muling bumalik ang kaayusan at sa huli ay nakamit muli natin ang minimithing DEMOKRASYA.

PAGNINILAY:

Nakakalungkot isiping namamanipula ang ating kasaysayan nang iilan tao o uri sa ating lipunan.Nang makapangyarihan kumpas ni Uncle Sam.

Nauulit lang daw ang kasaysayan o baka naman ang tamang kasagutan ay hindi tayo natututo sa aral ng kasaysayan?

Advertisements

Lokal at internasyunal na mga NGO na may kaugnayan sa isyung Kalikasan/Kapaligiran ay tahasang tumututol sa pagbibigay kay PGMA ng award (US ‘green’ award for Arroyo draws outrage (Philippine Daily Inquirer) mula sa International Conservation Caucus Foundation sa April 13. Igagawad sa kanya ang Teddy Roosevelt International Conservation Award.

Karaniwang nangyayari ay naka-pokus lang ang pagtuligsa kay PGMA subalit hindi nailalantad ang tunay na mukha ng International Conservation Caucus Foundation (ICCF), nasasabi man na ito’y front ng mga malalaking korporasyon sa U.S ay hindi naman nahihimay ang mga ugnayan nito o pagkakawing-kawing.

Malaki ang naitulong sa akin ng Confessions of an Economic Hit Man, isang libro ni John Perkins. Itinuturo ang mga ugnayan, mga nagkukunwang organisasyon at mga taong nasa likod nito’t kanilang magagandang buladas sa kanilang Vision, Mission, Goal (VMG) at serbisyo. Itinuro din na huwag pakasapat sa mga personal profile ng mga taong nasa likod nito. Kailangang tumingin sa iba pang mapagkukunan ng impormasyon.

Mahalagang mailantad ang tunay na mukha ng ICCF at ang ugnayan nito sa Eurasia Group ni Ian Bremmer. Sa unang sulyap ay hahangaan mong tulad ng ICCF na nagmamahal kuno sa Inang Kalikasan. Gaya ni William Reynold “Bill” Archer Jr. sa isang sulyap ay isa lamang siyang abogado at naging kongresista mula sa Texas. Siya ang magbibigay ng award kay PGMA bilang chairman ng ICCF.

Ano naman ang kwestyun o problema sa kanya? Well connected lang naman siya sa Pricewaterhouse Coopers na isang auditing firm, isa lang naman siya sa Senior Policy Analyst nito. O eh ano naman ngayon? Kliyente lang naman nila Exxon, Yahoo, IBM. Sa pagmimina ay kliyente nila ang Barrick Gold, Newmont Mining, Rio Tinto at Vale.

Mas mabigat nito ay connected sila sa Eurasia Group. O eh ano naman ang big deal dito?
Sa kanilang website ay bumabando dito ang mga katagang “The leading political risk research and consulting company.” Dito pumapapel si Ian Bremmer bilang presidente at founder ng Eurasia Group. Pinakabatang senior fellow ng Hoover Institution. Karaniwang fellows dito ay mga alipures ng Bush administration. Ano ang kaastigan niya? Hindi lang serbisyo sa pinansya at korporasyon ang kanyang mga kliyente. Take note pati mismong mga nasa gobyerno. Ang Eurasia Group ay may mga inilabas ng forecasting/analysis sa ekonomiya at politika na mangyayari sa mga bansa at lider – gaya ng U.S, China, Pakistan. Mga implikasyon sa kaguluhan, coup at pagbabagong kaayusan sa politika at ekonomiya.

Ano pa ang big deal sa isyu na ito? Ang isyu sa Mt.Hamiguitan Range sa Davao del Sur
ay pinatatakbo ng kompanyang Australya BHP Billiton at nakipag joint venture sa Rio Tinto (2009) na isa sa nasabing kliyente ng kumpanya nila Bill Archer.

Sa ganang akin, isantabi na muna natin ang pagtuligsa kay PGMA at mahalagang ilantad ang tunay na mukha ng International Conservation Caucus Foundation na siyang nagmamanipula sa mga lider mula sa mahihirap na bansa. Kaya’t kung ako si PGMA ay di ko tatanggapin ang nasabing award. Maliban na lang kung sa simula’t simula ay may tuwirang kaalaman na siya sa manipulasyon ng mga dambuhalang korporasyon na nagtatago sa mga foundation, consulting firm at iba pang institusyon. Suma tutal, ang mga tulad ng International Conservation Caucus Foundation at Eurasia Group ay mga facade lamang ng isang maamong tupa pero sa likod nito’y manipulasyon at pagsasamantala sa likas yaman na gaya ng Pilipinas.

Sana ay magdalawang isip si PGMA sa pagtanggap sa nasabing award. Maliban na lang, kung may bukod pa siyang pakay sa paghingi ng payo sa mga nasabing kompanya gaya ng Eurasia Group ni Ian Bremmer.

Dahan-dahan sa paghigop
ng kape,
sa usok at init
ay baka mapaso ang
ngusong namantikaan.
linisan mo ang pagkain
ng tinapay.
gaya ng tipikal
na pamamaraan,
maingat na isawsaw
pero huwag
katagalan.
baka mahulog ang
nababad na
pandesal,
masalabusab
ang kape
at lumabong
tuluyan.

Emanzky88
12 Agosto 2007

© Kwentulang Marino 2010/ ed nelson r. labao