Titigil Nga Ba Ang Mundo
(Sa Ikatlong Salpukan ni El Dinamita at Pacman)

Titigil nga ba ang binigwasang kalam ng sikmura?
Sa mga batang nagbungkal ng basura.
Sa tumihayang namuting kaliskis ng tilapya.
Pisbol na lumutang sa sunog na mantika.
Tumabang na samalamig na buko
Bilang na bilang ang butil ng asukal.
Maputlang tinapa ay kumapit ang tinta ng tumal.
Nangawit na binti sa simangot na tindera.

Titigil nga ba ang dinagukang balakang?
Sa ginapas na palayan gumapang.
Mahapding init ng araw sa pasmadong karlit ng lilik
Tatlong kaban palay na pinamtubos sa bagong kilik.
Atungal ng duguang tiningkal sa Hacienda Luisita
Hanggang sa mababaw na tambak sa Maguindanao.

Titigil nga ba ang pataksil na buntal?
Sa kinalyong palad, winarat na bulsa
Sa walang habas na pagtaas ng gasolina.
Tangkang paglayas ng pamilyang kawatan
Sa Dominican Republic ang tangging hantungan.
Ganid na tubo’y sa Wall St. ang luklukan
Okupasyon ay patuloy ang dagok na laban.
Litanya ay hindi maampat sa akusang sandatang nukleyar
Nang gugumigil na upat
Salakayin ang Iran.
APEC ang umpukan doo’y muling iwinangwang
Dapurakin ang likas at lakas na iniyangyang.

Titigil nga ba ang nagsanga-sangang balitaktakan?
Sa kung sino ang tunay na tagumpay sa bakbakan.
Malikhaing isip ay kay yaman
Saganang umuusbong ng kulay.
Tumatalim pagsusuri’t katwiran
Sa bayan na ang tanging aliwan
Maging henyo sa tanghalian
Halalan ay isang peryaan
Larong basagang-bungo ni Pacman.

Emanzky88
13 Nobyembre 2011

© 2011 Kwentulang Marino

*imahe mula sa google

Kay Manny “Pacman” Pacquiao

cottopacquiaoinquirer.net

Hanggang kailan ka namin ipagtutulos ng kandila, ilalakad ng paluhod sa simbahan ng Quiapo, ipagdarasal sa lahat ng santo. Hanggang kailan kami aasam na lagi ang iyong panalo, makuha ang lahat ng titulo. Hanggang kailan hihiling na laging may laban para mabawasan ang sikip ng trapiko, krimen at operasyong militar partikular sa Mindanao.
Humanga kaming lubusan, parang kuto mo lang na tiniris si Cotto sa iyong laban, pitong titulo sa boksing sa iyo’y napasa-kamay.

Hanggang kailan mo pagtatakpan ang aming kahihiyan, mga binubugbog na pinay sa
gitnang silangan, atsay kung turingan, pakahulugan ng Filipina sa Italya at Hong Kong, mga binibihag na seaman ng mga pirata sa laot ng Somalia, mga pinay sa prostituiton den sa Macau at Malaysia. Mga nakabilanggong pinoy sa madidilim na piitan, hinahatulan ng kamatayan, mga pinoy na nakatira sa ilalim ng tulay (salamat na lang at may dumalaw na isang Gloria), bansang Pilipinas ay tanyag sa katiwalian. Hanggang kailan mo pagtatakpan ang bansa sa tagong bugbog nang kahirapan, kamangmangan at kasakiman nang iilan. Hanggang kailan mo pagtatakpan ang mga tiwaling opisyal sa pamahalaan, hanggang kailan mo pababanguhin ng bawat panalo ay pagdalaw sa palasyo. Hanggang kailan mo sila pasasakayin sa iyong kasikatan.

Hanggang kailan kami magigising sa katotohanan na hindi lahat ng pagkakataon ay nasa iyo ang kabataan, lakas at panalo… Hanggang kailan namin matatanggap na ito’y panandalian lang. Marami ang magagalit kung hilingin kong ikaw ay magpatalo baka sakaling ang maraming pinoy ay magising sa tagumpay ng pagdedeliryo.

Sapat na ang iyong binigay. Huwag mong kunsintihin ang kanilang mga kahangalan. Bigyan mo kami… di ng balato, bigyan mo kami ng gabay at talino kung paano dumisiplina sa aming mga sarili, kung paano at sino ang kaaway, kung saan dapat patamaan at puntiryahin ang kaaway, kung paano kumilatis ng kaaway…ang kaaway ng kagutuman, kamangmangan at kasakiman. Turuan mo kaming pag-ibahin ang realidad at pantasya.Turuan mo kaming kumilatis ng mga politikong pasirko-sirko sa 2010 eleksyon na tunay na mga hunyango, palipat-lipat ng mga partido; subalit iisa lang ang nagrerenda sa mga kabayo.

Hanggang kailan….hanggang kailan kami lulunurin sa iyong tagumpay…hanggang kailan kami pasasakayin at paasahin sa iyong kasikatan…hanggang kailan kami…magigising sa katotohanan.

Isa lang ang aking paalala…baka malunod sa tinatamasang grasya, tangayin kung saan ng politika, may dapat pagkalagyan ka na, sa tamang lugar doon- sa puso ng masa.

(C) 2009 Kwentulang Marino
_______________________________________
imahen sa laban ni Cotto at Pacman pdi.net

b1

Kung magtatag nang bagong partido si Vice Pres. Noli De Castro
Kung nasa TIME 100 ng TIME Magazine si Manny Paquiao
Kung mapanganib ang H1N1 Virus
Kung di nag-alis ng sapatos si Pope Benedict XVI
Kung mabangis ang mga pirata sa Somalia
Kung hindi pa lumalayas ang tropang U.S sa Iraq
Kung mas matindi ang tama ng resesyon sa Amerika
Kung ikulong nila si Jun Lozada
Kung nagdagdag sila ng partylist sa kongreso
Kung sumayaw sila ng cha-cha, sumigaw ng con-ass (@#^)
Kung nagbayad ng kinain na burger sina Pres.Obama
Kung may Louis Vuitton na bag si Nanay Dionisia

Eh ano! Eh ano! Eh ano!

May hihigit at tatalo pa ba sa dakilang pagmamahal ng
INA?

Emanzky88
10 Mayo 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino

37f39794133092a2

“Mahalagang mai-transporma n’ya ang mga disiplina at katangian ng isang tunay na boksingerong magiting at dalubhasang mandirigma patungo sa larangan ng politika.”

Sa mga katandaan,pag sinabing wala kang kabusugan bata ka, eh tumupi-tupi ka na’t wala ka na sa ayos.Kumbaga hindi maganda ang dating at kung maririnig ‘yun ng nanay mo,alin na lang eh malusaw siya sa kinatatayuan.Katakot-takot na sermon,ang iyong aabutin-“para kang patay-gutom,timawa at hindi pinalalamon.Inilalagay mo kami sa kahihiyan bata ka!”

Ganitong bansag ke Manny Pacquiao na PACMAN ay angkop na angkop sa kanyang katatayuan. Sa positibong pagsilip eh wala siyang kabusugan sa paghahangad ng tagumpay, walang kabusugan sa paghahangad na maitaas ang imahe nating mga Pilipino sa mata ng mundo.

Sa hanay namin mga seaman,isa s’yang gamot sa pangungulila at hirap na inaabot sa isip at pisikal na dinaranas sa gitna ng laot. Dangal laban sa mga dayuhan opisyal na lumalait sa ating pagkikilanlan.

Iyon nga lang, sa konstruktibong pagpuna, marami din ang nag re-ak sa anunsyong siya ay muling sasabak sa pulitika. Mga komentong gaya ng “okey na s’ya sa larangan ng boksing, isa na ‘yang icon, sapat-sapat na ang tinatamasa n’yang tagumpay.”

Sabi nga,’wag mo raw equate ang iyong katanyagan sa larangan ng boksing sa pulitika. Sumagi sa aking alaala ang namayapang Bert “Tawa” Marcelo sa kabila ng kanyang katanyagan bilang sikat na artista ay natalo siya sa laban pagka-gobernador ng Bulakan.

May mga bagay na dapat pakasuriin kung bakit hindi s’ya nagtagumpay sa nakaraan n’yang laban. Argumento n’ya ay kakulangan sa preparasyon kung bakit s’ya natalo. Parang lumalabas na hindi n’ya naiitransporma ang katangian n’ya bilang isang mahusay na mandirigma. Lumalaro s’ya sa tsansya o pagbabakasakaling manalo dahil sa kanyang tinatamasang kasikatan. Isina-isang tabi n’yang persepsyon ng masa na pasapat ka na sa iyong kinalalagyan ngayon at sabi nga ng mga matatanda, magkaroon ka naman ng kabusugan amang.

Isa pa sa malaking nasisilip kong factor kung bakit hindi pa s’ya dapat lumahok sa larangan ng politika sa ngayon ay ang kawalan n’ya ng isang pirmis na desisyon, maihahalimbawa ko na ang naging isyu kung saan ipapalabas na istasyon ang kanyang laban kay Hatton, kung sa Kapuso GMA o ABS-CBN, sa huli ay humingi s’ya ng dispensa sa daplis na disposisyon.

Mahalagang mai-transporma n’ya ang mga disiplina at katangian ng isang tunay na boksingerong magiting at dalubhasang mandirigma patungo sa larangan ng politika. Habang di pa niya ito napapanday, ang paglahok n’ya dito’y pag-aanak lang ng isang lider na mabuway ang disposisyon at makakabilang lang s’ya sa mga laksa-laksang trapo, gahaman at lider na naturingan, pero walang silbi sa bayan!

Sana hindi maging padalos-dalos ang bawat unday n’ya sa muling pagpasok sa politika.

MABUHAY KA PAMBANSANG KAMAO!

d7a3a0af4fe55c4cSa kultura nating mga Filipino, ang hindi pagpansin o pag-istima sa isang bisita ay “kawalang modo”. Kahit na isang presidente lang na galing sa Carribean o Pacific Island at malaki pa ang Babuyan Island na may ilan libo lang ang populasyon, mainit natin itong winewelkam.

Nitong nakaraang linggo na pangyayari sa National Prayer Breakfast (Interfaith ba o para maligtas sa patuloy na pagbulusok ng U.S economy?) sa Washington, tanging si dating British PM Tony Blair lang binigyang pansin o binati ni U.S Pres. Barack Obama (pagtatanggol naman ng mga tagapagsalita “di naman daw nag-abot), kabawasan ba naman kung i-acknlowledge ang presensya ni GMA, s’yempre naman titimbre ang punong-abala kung sino ang mga VIP, lumabas tuloy na “gate crasher” sa mata ng iba ang pangyayarari. Sabagay hindi lang ilang beses na tinangkang makadaupang-palad ni GMA si Obama mula sa pagkampanya hanggang sa pagkapanalo, bigo ang lahat nang pagsisikap. Napa-paraynoyd na tuloy ang ilan sa ating mga kababayan (kabilang na ko!?) – komo ba naman isang mahirap na bansa tayo at laging nangangayupapa sa bawat presidente ng U.S eh gaganunin na tayo. O baka naman namemersonal na itong si Obama komo sinasabi nang iba na mas malaki ang kiling ni PGMA ke Bush, nabubuo tuloy ang impresyon suplado o isnabero si Obama o baka naman may “cordon sanitaire” na! .Pero teka, hindi kaya tayo ang me problema?

Sociology I at II lang ang ‘tanda ‘kong na teyk-ap n’ung kolehiyo, kaya di pwede ‘kong mag-astang Sociologist, pero sa karanasan, hindi naman siguro matatawaran ang mga naakumula ko nang pakikipagbuno sa buhay.

Karaniwan ay hindi natin napapansin at ‘yun pala’y isa ng kalakaran o nagiging psayke na ng ating lipunan. Kadalasan kumukuha tayo ng magiging ninong o ninang ng ating mga anak mula sa binyag, kasal hanggang sa pagkamatay (proud tayo na dumalaw sila) eh ‘yung sikat, politiko, me sinasabi sa lipunan. Hindi naman masama ‘yun, ang masama eh hindi naman natin kilala nang malalim o personal, mabilis pa sa resulta ng eleksyon sa U.S eh kinukuha na, gusto nating naka-asosyet tayo ke mayor, kongresman, gobernor, senador hanggang sa kapitan ng barangay, sa isang artista, nakakaramdam tayo ng dagdag na lakas at impluwensya, nahuhugasan ang ating pagkatao laluna’y basa na ating image. Hindi masama ang makipag-ugnayan sa kanila laluna’t may integridad ka naman pinanghahawakan at hindi sa gusto mo lang magpa-piktyur at voila! Tanggal na ang kasalanan mo sa katawan dahil humalik ka sa kamay ng papa sa Roma, kasama kang bumuhat sa ring sa pagkapanalo ni Manny Pacquiao , “makalaglag panty” kang nginitian at mainit kang kinamayan ni Obama.

Sa mga pistahan at iba pang okasyon, kahit hindi sila (karaniwan sa mga politiko) ang guest speaker i-anowns mo na ang kanilang presensya eh gusto pang magtalumpati at monopolyohin ang programa. Sa patay kunwari’y nakikiramay kasabay nito’y pangangapamya sa umpukan.

May isa ‘kong kaibigan na dating “political operator” ng isang kongresista, marami ang nagtataka at nagtatanong.

“kung dikit ka ke kongresman, ba’t di kita napagkikitang laging kasama nu’n kampanyahan?” at “ba’t hindi mo man lang nakukumbida kapag may okasyon sa inyo?” tanong na magkahalong nagugulimihanan at nang-uuyam na isang kapitan ng barangay.

“Hindi ko po papel ‘yun kasama s’yang magkakaway sa kampayahan at kumbidahin s’ya sa bahay para lang maipakita sa aking mga kapitbahay na malakas ako ke kongresman” timpi n’yang sagot.

Kaya’t sa pangyayari sa hindi pag beso-beso, at umpugan-siko ng dalawang presidente, ‘wag na nating palakihin pa ang isyu. Ang ipinunta n’ya doon ay para sa mga beteranong pinoy. May tamang protocol, tutal di naman ‘yun “state visit.” ang asahan na nating sagot.

Sabi nga ng nanay ‘kong hindi nakapag-aral (daig pa ang titulado), nu’ng sya pa’y nabubuhay “alam mo kung saan ka lulugar, hindi ‘yun para kang isang langaw na natuntong sa kalabaw – gagamit ka nang impluwensya para sa pansariling kapakanan”

(c) 2009 Kwentulang Marino