11113021_10153790639683696_4810256031196050182_n
Ang Maleta ni Mary Jane

Ang maleta ni Mary Jane
may destinasyong- Dubai
gaya ng karaniwang OFW
may samut-saring laman
kahirapan
kamangmangan
kabiguan
hiwalayan
pangarap
pangamba
pangako
lakas ng loob
baka-sakali
kesa mamatay ng dilat
pagpuslit
pagtakas

Ang maleta ni Mary Jane
may samut-saring laman
gutom
pagod
puyat
mababang pasahod
alienasyon
diskriminasyon
maltrato
molestiya
pangungulila
pandarahas

Ang maleta ni Mary Jane
may destinasyong- Kuala Lumpur
gaya ng karaniwang OFW
may samut-saring laman
kahirapan
kamangmangan
kabiguan
hiwalayan
pangarap
pangamba
pangako
lakas ng loob
baka-sakali
kesa mamatay ng dilat
pagpuslit
pagtakas

Ang maleta ni Mary Jane
may destinasyong- Yogyakarta
bago
bagung-bago
sa biglang tingin ay walang laman
walang kalaman-laman
subalit may bigat
linlang
silaw
sindikato
takot
pulbos ng pantasya
akusa
trahedya
abandona
inhustisya
nagkumahog sa hatol
hugas-kamay
panangis
pagtanggi
paglaban
pagtanggap

Ang maleta ni Mary Jane
ay walang laman
walang kalaman-laman
kung hindi isang pagsamong

HABILIN

“Sa aking pagbitay
Iuwi ang aking bangkay.”

Emanzky88
25 Abril 2015

© 2015 Kwentulang Marino

*Mary Jane Fiesta Veloso ay isang OFW biktima ng “human at drug trafficking” tubong Cabanatuan, Nueva Ecija. Nuong 2010, natagpuan sa kanyang maleta ang tinatayang 2.6 kilo ng ‘heroin’ na ibinigay ng kanyang ‘kinakapatid’ para dalhin sa Indonesia. Nahatulan siyang ‘firing squad’ na nakatakdang araw ng 28 Abril 2015. Bilang pagpupugay kay Mary Jane Fiesta Veloso at sa mga kapatid na OFW ang tulang ito.


Nagawang maantig ang aming kahinaan
Kinurot ang nangangarilang na kalungkutan
sa matagal na pagtakas
Bukas-palad na inihatid ng mayabang na logo
ang mga inulila sa galak
Sinilip ang mga inabandonang pugad
Pinagyakap ang mga nanlamig na dibdib
Bumalong ang dati’y natuyong luha.

Umagos ang malamig na Coca-Cola

sa mga nagbabagang bagang
sa mga nagpupuyos na lalamunan
sa mga lagablab ng galit
sa mga natigang na libog
sa mga kinuyom na hinampo
sa mga namighating okasyon
sa mga namaos na katahimikan.

Nagdudulot ng saya sa pananghalian
Masiglang sinasalubong sa bayanihan ni Juan
Kinikilala ang mga paalila’t palaboy
Lumalagok nang sangkatutak na handog.

Ano nga ba ang tunay na lasa?

sa mga pinaslang na unyonista
sa mga lumapot na pawis
sa mga pumaklang bukas
sa mga tinakam na sahod
sa mga sinaid na tubig imbakan
sa mga bumulwak na lason
sa mga winakwak na dayukdok.
.
Bihisan man ang sumpong ng Kaligayahan
Baguhin man ang timpla ng patalastas
Antigin man ang sentimentalistang walang lakas
Sa Gahamang laway ito magwawakas.

Emanzky88
4 Disyembre 2011

© 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa sariling instalasyon

(Ikaw Ba Ay Pilipino?)
0,,20407772,00

Nakita ko sa news ang mag-asawang pinoy na pina-deport mula sa Japan. Bakas sa mukha nila, Arlan Calderon, 36 at kanyang kabiyak na si Sarah, 38 ang matinding kalungkutan sa pagkahiwalay nila sa anak na si Noriko, 13 na ipinasyang bigyan pagkakataon ng gobyernong maiwan at makapanirahan sa Japan.

Malaking bilang ng mga turista sa Cairns, Australia ay mula sa Japan. Oktubre, 1993 nang madaong ang aming barkong M/V Maaslot-L. Namasyal kami ni Rolly, isang kasamahan seaman. May kasingkitan ang kanyang mga mata at ako naman ay may kaputian kaya’t napagkamalan kaming Hapon nung saleslady sa isang shopping mall.

Nung sumunod na araw, isang pinay na madre na bolunteer ng Stella Maris
ang nag-anyaya sa aming mamamasyal at magsimba. Sr.Carmelita ang kanyang pangalan tubong Laguna. Pagmamalaking kwento namin, kami’y napagkamalan mga Hapon. Sumagot s’yang mukhang proud pa kami, partikular na ako ang kanyang tinutukoy. Nakuha ko ‘yun mensahe nya. Nakaramdam ako nang matiding hiya sa akin sarili. Sa tingin ko’y di lang masabi ni Sr.Carmelita na mas gusto ko pa atang masabihan maging Hapon kesa ipagmalaking ako’y Pinoy.

Ang hindi lang n’ya alam, ‘yung unang barkong sinampahan ko’y naka-plano kong mag-jumpship sa oras na dumikit ang barko sa puerto, kaso angkorahe kami sa laot kaya’t ‘yung Japanese dictionary na dadalin ko’y napurnada. Ewan ko ba kung bakit may kakaibang karisma ang Japan at kultura nila sa akin, pangarap ko pa ngang makapag-asawa ng Haponesa, lahat ng ito’y naisantabi ng ako’y makapag-asawa’t magkaanak na. Marahil batbat ako ng adbenturismo
nu’ng panahon ako’y binata pa.

Kanina nakita ko sa news ang mag-asawang pinoy na pina-deport mula sa Japan. Bakas sa mukha nila, Arlan Calderon, 36 at kanyang kabiyak na si Sarah, 38 ang matinding kalungkutan sa pagkahiwalay nila sa anak na si Noriko, 13 na ipinasyang bigyan pagkakataon ng gobyernong maiwan at makapanirahan sa Japan.

Bago pa man ‘yun, nakibalita na ako sa kumpare kong Ariel na pabalik-balik sa Japan. Kwento n’ya, mahigit 15 taon ng naninirahan sa Japan, katayuan ay iligal.Kabutihan palad ang kanilang anak na babae ay narehistro bilang citizen. “Problema lang kasi pare gumamit sila ng ibang pangalan.” Hindi man n’ya naipaliwanag ng malalim, paano bibigyan ng pagkakataon manatili sa Japan ang mag-asawa sa una pa lang ay labag na ang kanilang ginawa. Sa tingin ko’y maging precedent sa iba pang may kamukhang kaso kung pagbibigyang ng gobyerno at ito’y kanilang ikinatatakot. ‘Yun nga lang pagbibigay tsansang makapanirahan si Noriko at hindi isinamang pina-deport ay isang pagbubukas ng pinto at bentahe sa mga batang ipinanganak na may kahalintulad na kaso.

Ganunpaman, malaking kyuryusidad at palaisipan pa rin sa isang sulok ng isip kong hindi maisantabi. Sa NAIA pa lang ay hindi maiiwasan “magtaas ng kilay” ang mga nakasubaybay kung bakit mga taga NHK o Japanese media lang ang sinagot ni Arlan dagdag pa sa news ay kahirapan magsalita ng lenggwahe natin. Imagine sa mahigit na 15 taon n’yang paninirahan sa Japan ay nalimutan na n’ya ang wika natin? Kinikiliti ako ng mga katanungan na gaya rin ba sya ng mga kilala nating napunta sa U.S, U.K ang nagpalit ng pangalan, ugali at diksyon ng pananalita? Nagpa-asimila na kaya s’yang tuluyan? May intensyon ba s’yang burahin ang kanyang nakaraan? Tulak ba ng kahirapan sa pinas? kawalan pag-asa? pagka-bangkarote ng bansa sa larangan ng ekonomiya, pulitika at moral na aspeto ng lipunang Pilipino?

Kung masasabi lang n’yang ‘wag ninyo kong husgahan. “Kung bakit hindi sanay magsalita ng lenggwaheng pinoy ang akin anak, kung bakit ganito akong kumilos, manalita na higit pa sa isang tunay na Hapon. Makapag-mamalaki ba akong pinoy kung ang bayan ko’y tinagurian ng ibat-ibang di magandang pangalan “bansa ng mga alipin”, kasama sa mga listahan ng mga ganid at mandarambong, nagugutom, korap, paalila? Magagawa ba ng mga pinoy ang magpatiwakal kapag nakataya na ang integridad at kahihiyan ng kanilang sarili, pamilya at bansa? Sa Japan nakikita kong katiyakan ng aming mga pangarap at kinabukasan!”

Marahil bigyan natin s’ya ng pagkakataong magnilay. Sa yugtong ito’y napakabigat ng kanilang kinakaharap na krisis. Mga taon kanilang pinagsikapan bumuo ng mga pangarap, magiging sukli ay pagkawalay sa kanilang pinakamamahal na anak.

Hindi sasapat ang mga matatamis na salita’t talinhaga. Gayunpaman, iginawa ko kayo ng isang tula…c012eb12b1b6dde6

MALUNGKOT NA PAMUMUKADKAD NG SAKURA*
Kay Noriko

Hindi
ako
mapasasaya
ng
pamumukadkad
ng
Cherry
sa siyudad
ng
Kyoto.

Wala
nang
mahika
ang
klasikang
pagtatanghal
ng
mga
geisha.

Anong
saysay
pa
ng
ritwal
na
Chanoyu.

marahil

ngayon
buwan
ng
Abril

ang
pinaka
malungkot
na
sandaling
masilayan
ang
mga
bulaklak
ng

Sakura.

kasabay
ng
aming

pamamaalam.

Emanzky88
14 Abril 2009

(c) 2009

* Napabilang ang tulang ito sa ANI 35 CCP (2009) The Pinoy As Asian. Nalathala sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)

0e4c18fe615f7946Napangiti na hinaluan nang kurot sa’kin didbdib ang kababasa ko lang nyus- ‘Pinoy loses job for ‘un-Australian toilet habits’ Sa loob-loob ko’y iisa lang ang kinasapitan nating kapalaran – Amador Bernabe, 43 machine operator sa Townsville Engineering Industries (TEI) -diskriminasyon!

Narating ko na rin ang Townsville sa Australia, mismong dito rin s’ya nakatikim nang diskriminasyon. Kung bakit si Amador Bernabe ay natanggal sa kanyang trabaho dahil lang sa paghuhugas ng puwet at di sa pamamaraan nang paggamit ng tisyu! Sa akin naman ay hindi sa usapang hugas puwet.

Gumimik kami ni 3/Officer Isidro Natalaray sa isang disco bar, totoo pag-usapang sayaw alaws akong binatbat. Sa lahat ng marinong pinoy tonto ako sa sayawan,’yan ang madalas ikantyaw sa’kin ng mga babae sa South America. Banat ba naman sa amin nung dalawang Australyano “saan ba kayo galing na tribu?” napaka-primitibo daw yun sayaw namin.

“Wala ka na kakong pakialam sa sayaw namin at ‘yun iniinom namin ay hindi kayo ang nagbabayad!” may paghahamon ‘kong sagot.

Naalala ko tuloy si Sr.Chit, isang madreng pinay na nakatalaga sa isang Seaman’s Center.

“Akala mo ba lahat ng mga Australyano na ‘yan eh sanay bumasa, hindi rin nakapag-aral ang mga ‘yan, mayayabang ‘yun mga nangdidiskrimina na ‘yan, eh ano ba dati ang Australya- tapunan lang ng mga patapon na tao mula sa Britanya” pagmamalaki n’yang kwento.

Sa batas ng pananakop, kailangang ipakita mo na superyor ka sa lahat ng aspeto-lahi, pamamalakad, pag-iisip, pagkain, musika, pelikula, lakas pang-gyera at iba pa. Hindi kataka-taka na ang mga nasakop o nakolonyang bansa ay ganun na rin ang pag-iisip, kumilos at kadalasan ay mas masahol pa sa kanilang mga amo.

Bawat lipunan o indibidwal may “prejudice” o hindi paggalang sa ating kapwa o kanyang kulturang pinagmulan. Mismong tayong mga pinoy ay dinidiskrimina natin ang nanggaling sa Bisaya, Kabikulan at mga kapatid natin sa Mindanao.”Bisaya ka ba?” may tonong lahat ba nanggaling sa Kabisayaan ay katulong o kasambahay?

Nakaraang buwan, tinanong ko ‘yun isang beterano na matagal na rin naninirahan sa U.S

“Sino po ba ibinoto n’yo, si Obama po ba?” pakumbaba ‘kong tanong.

“Ba’t ko iboboto ‘yun alam mo bang ‘yun mga negro na ‘yan ang karaniwan gumagawa ng krimen sa U.S?” arogante n’yang sagot sa’kin.

Karaniwan persepsyong nakukuha ko sa pakikipag-usap sa mga pinoy naninirahan sa U.S at Canada ay mababa ang pagtingin sa mga itim, midel istern at Latino.

Nagmamalaki tayong malinis sa katawan, ilan beses tayong maligo sa isang araw. Sa usapang OFW may diskriminasyon tayo sa mga Intsik, Koreano na bihirang maghugas ng pekpek ang mga kababaihan nila. Ang mga Koreano naman, “bat daw tayo kumain ng naka-kamay”? Katwiran naman nung kausap kong kabayan nag-trabaho sa Korea.”kanan naman ang ginagamit natin, sila nga pag-pumufu hindi naghuhugas, tisyu lang!” kontra-argumento n’ya.

Sa barko, nakipagtalo ko sa isang opisyal na Griyego, ipinagmamalaki n’yang mayaman ang kanilang kasaysayan kesa sa mga Intsik.

“H’wag mong maliitin ang mga intsik dahil mayaman din sila sa kasaysayan,” nayayamot ‘kong sagot. Bat ko daw alam, siguro komo mutsaso lang ang trabaho ko sa barko, ganun na tingin sa akin.”nagtapos ako sa kolehiyo” tumahimik!

Ayaw nilang pritong daing o tuyo; nagdidipa sila na sobra ang baho. Ala rin magawa, Pwede ba sila sa pinoy na makikipag-away pag pritong tuyo na ang pinag-usapan, magkaka-mutiny sa barko! Nakagawa tuloy ako ng isang tula dahil sa pangyayaring ito na may titulong “Salungat Sa Agos” (tingnan sa kategori-Tulang Byahe) ilan sa linya ay;

pritong daing
h’wag laitin
igaya sa amoy
rasistang kambing…

Mahalaga, anuman kulay natin, lahi, kinakain at itinatae, gumagamit man tayo ng tisyu o hindi, nagkakamay o kubyertos, sama-sama man ang pagkain sa isang plato, tumatakam, amoy sibuyas o tupa man ang hininga’t kili-kili, hindi regular na naghuhugas ng kepyas, pang-kulturang pagrespeto sa kanilang kinairalan gawi at paniniwala ang kailangang ikuti sa mga superyor at rasistang isip!

(c) 2009 Kwentulang Marino

“Itay, inay napakasama ng aming kapitan.
Sayang, marami pa sana kong pangarap…”

-Freddie Jandusay
Seaman

Maningning
ang kaitaasan
kumikislap,
halintulad ng mga
bagong huling isda
mula sa naliglig
na lambat,
pumipisig
at kumikinang.

Kalmada
ang laot
kasabay ng banayad
na usad,
walang bahura.

Makatao
ang trato
kay gaan lang
ng trabaho.

May fresh milk, brewed coffee
jasmine tea,
bacon, salami, Chinese fried rice
pao, noodles, mandarin
at peras.

May slopchest,
malayang mamasyal
at gumimik.

May extra-overtime,
galak sa pamilya
ang iniwan.

-PANAGINIP

BANGUNGOT –

Maunos
ang mga panaginip
haplit ng mga alon
ay may hapdi

Tungayaw
sa wikang dayuhan
maagang paalmusal,
higit na binusabos
mga bitukang nalawlaw
nilubid ng lamig
at pagod.

Nginatngat na katinuan
ang s’yang lumukob
sa putang-ina mong kapitan!

Pagkagahaman
sa ngalan ng kalakal,
dinidiyos ay naghuhunos
na kapital

Sumisigid
ang ginaw
sa bodegang
kinalagyan.

Maligalig
ang bawat gabing
dumalaw.

Mauritius!

nasaan
ang ‘yong buwan
mapanglaw
kahit kapirasong pisngi’y
ipatanaw,
kay lungkot ng iyong
mga bituin
gaya ng mga
pangarap
na may sungit
unti-unting nilamon
ng dilim
ang makulimlim
mong langit.

Emanzky88
Former Crew
MV Clipperventure-L
13 Nobyembre 2007
Pilipinas

© 2008 Kwentulang Marino
________________________________________
imahe mula sa ITF, litrato ay walang kaugnayan sa
nasabing tula kundi ang kanilang pagiging marino

Iskata’t malaka’y hindi dasal
na laging inuusal
kahit kami’y pagal.
hindi isang sayaw ang bulyaw
na sa bawat naisin
sa trabaho’y nakakubabaw
tinungkab mantikang tumigas
kaulayaw sa beynte dos oras
tanging hiling, higaa’y makapiling.
pritong daing huwag laitin
igaya sa amoy rasistang kambing.
hindi diniyos itong dolyar.
tulak ng kahirapan
kaya nangibang bayan.
salungat sa agos pagbalikwas
hudyat ng tsunami ang kawangis.
lilisan, hindi talunan
babalik sa dating larangan!

Emanzky88
MV Clipperventure-L
St. Eustatius, West Indies
19 Marso 1993

© 2008 Kwentulang Marino

*Unang Nalathala sa Parola 1994
at Ani 23 Culutural Center of the Philippines (1996). Kabilang
sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)

_________________________________________
imahe news.yahoo

Inilipad ng hangin, mabigat
na damdamin
habang ginugunita, huwad
na kasarinlan:

pinay, humalik sa papaalis
na sakang
luha sa kinse – anyos
na dalagita’y nangilid
tutungo sa bayang
lapad ang sisikatan.

pamilya’y tumunganga sa anak
na paalila
kinodakan ang malungkot na mata
hindi alam kung saan pupunta.

asawa’y iiwan, nakatanaw
sa kawalan.
magsing-irog, walang katapusang
pagpapaalaman.

matanda’y pinamaypay ang visa
niyang tangan.

nilaro ng ulap
kahirapang iniwan.

Emanzky88
Philippine Airlines
Himpapawid
12 Hunyo 1992

© 2008 Kwentulang Marino

*Unang nalathala sa Parola
at Ani 23 (Cultural Center of the Philippines)
December 1996. Kabilang sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)