Disyembre 2008


marx_engels_lenin_stalin_mini

I

Pinupuri ng matandang
babaeng- bugaw
si
Stalin
sa malasakit na ginawa
ng estado.
ang glastnost at
perestroika’y
ang kalayaan
naman
niyang itago
ang mga
puta,
sa madidilim
na sulok nang
naglalakihang
bato.

II

Ang dati- rating kwartel
ng partido’y
naging aliwan
ng mga magigiliw na
marino.
nalulunod sa patak ng
vodka
masaya, maingay
sa hindi
mawawaang
lenggwahe at
musikang
umaalingawngaw
sa mga matataas at makapal na pader
nang nakaraan.

III

Hinahalungkat ni
Alexander
ang hindi na binasang
libro
obra ng mga dakilang
proletaryo.
ipinagpalit ang lumang mukha ng tsar,
yabang na karangalan
at litrato ng angkan.
inuungkat ang idinidiktang
patakaran
sinasalungat ang agos ng
kalakaran,
sistemang nakatago sa kanyang
lumang bodega ng
kasaysayan.
kapalit ng mga
kwento,
mga kwento nang
pagka-
diskontento.

IV

Wala nang makathang
tula si
Pushkin

Wala ng malikhang
kwento si
Gorky.

Wala ng umusbong pa
na bagong
teyorya at praktika si
Trotsky.

Pinagpistahan ng mga
musmos na
usyoso,
nakapaskil na nilaong
dyaryo
lihim na dokumento
at manipesto ng organo
pati na, ang tiklado
ng makinilyang
pinipi
nang mga tanyag
at henyo.

V

Sintonado
ang tugtog na awiting
INTERNASYUNAL,
sa tipa nang
minanhid
na daliri ng matandang
musikero.
lakad ay nagpagewang- gewang
ang alon ng
akordiyon ay lasing na
sining
na pasuray- suray.

Masansang na amoy ng
batang- lansangan,
nakatanghod sa tapat ng
tindahan pabangong-
Calvin Klein,
kapatak na halimuyak
sa kanila’y
ipinagsungit.
higit na kumapit
sa balat
ang umaalimbukal na
anghit.

Sa makitid na kwadradong larangan
may hatid na kirot
ang ginaw.
pilit binibigyang kulay ni
Viktor Novotny,
mga kwadrong humihiyaw
hapis na mukha, matang
inagawan
nang kawalang
linaw.

VI

Asta silang pasugod
sigaw nila’y walang patid,
walang pagod.
mahigpit na kapit- bisig,
nanginginig na hawak
ay kinalawang
na maso at karet.
nanlilisik ang tingin
ng matandang kalbo
taas- noo na ibinabandila ang isang
libro,
may panunumbat ang mga rebulto
masahol pa sa matinding puna
ng kolektibo.
gustong ikuti, ipagsigawan
ang awit na
sintonado
ay minsan sa aking
buhay….
inawit nang may kulay,
may ningning ang bawat
tono.

Emanzky88
M/V Akra Sounion
Odessa, Ukraine
7 Oktubre 1998

* Kabilang sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)

b6c37297d6a5083eSa pelikulang Body of Lies, matatakot ka talaga sa U.S, biruin mo naman, na- monitor ‘yun mga “terorista” sa pamamagitan ng satelayt, prente lang ang pagkakaupo nu’n mga nagmamanipula sa base nila sa Langley, Virginia. Hay tets ika nga!

Magdadalawang isip ka talagang lumaban, baka pati utot at lampungan n’yong mag wishart ma-monitor, tipong naka-paranoyd, sabagay hindi lang ito ang unang pagkakataon na me ganitong istorya, kayang-kaya na likidahin o kidnapin ‘yun lider terorista o durugin ang isang rebolusyunaryong pwersa.

Kundi ako nagkakamali mahigit 125 ng noypi na seaman (kauri ko) ang nabiktima ng mga pirata sa Somalia, may 100 barko na ang inatake at 40 barkong tuwirang hinosteyds ayun sa International Maritime Bureau.

3461757014_e0b518052aKinukulit kong akin sarili bat hindi madale ng U.S ‘yun mga pirata? nasaan na ‘yun hay tets na ipinakikita sa pelikulang made in Hollywood?

Pumapel na ang U.N kailangan na daw masawata ang mga pirata sa Somalia pati na si Condoleezza (Condolenz mas approriate) Rice ay kumakatak sa miting ng U.N, kung susuriin mo naman ang kanyang isteytment ay walang kongkretong solusyon sa problema, maging ang Pentagon ay walang maisagot na kongkretong hakbang. Sabagay kung si Boyah na pinaka-lider pirata ng Somalia eh hindi madale ‘yun pa bang lider ng mga insurektos sa Iraq ang madadale nila, tingnan mo na lang sa Blinkx kung pano pasabugin ‘yun mga APC at Apache ng U.S!

Sa isang banda, sagot ng nangungulit kung isipan ,bat nga ba magtitiyaga ang U.S diyan eh wala naman silang malaking interes na mapapala sa Somalia. Hindi tulad sa Iraq mayaman na sa langis, tuta pa nila ang lider at istratehiko sa susunod nilang target- ang Iran. Totoong kasama ang ilan pwersa ng U.S sa paglaban, pero pansinin mo, mas itinutulak ay….. U.N, sa Iraq may sey ba ang U.N?, magtaka ka pa eh rubber stamp lang daw yan ng U.S! Pansinin mo ang China, pumapapel din, ipinakikita nila sa mundo (laluna sa U.S) na me sey na rin kami!

Ano nga ba pakialam natin dyan sa mga piratang Somalian na ‘yan! Ano ba pakialam natin sa “international politiks” at intellectual discussion kunu, ito nga lang noche buena ngayun darating na Pasko pino-problema ng malaking porsyento ng mamamayan noypi.

Pero hindi maitatanggi, kabilang sila, kabilang kayo, baka may kamag-anak din marino o nagbabarko o kaya’y sakay ng isang pampasaherong barko. Nitong unang linggo ng Disyembre, tumawag sa akin si pareng Dolfo, isang seaman din. Nasa Houston s’ya at ibinalita sa akin na nagkita sila ni Julie Nuygen, nagbebenta ng mga laptop sa barko. Ilan oras na lang at malapit ng umalis ang barko, may pagmamadali sa kabilang linya, huli kong narinig sa kanyang garalgal na tinig…. dadaan kami ng Somalia!

(c) 2009 Kwentulang Marino

Kagabi ko lang nalaman na may malakihang rally ngayon sa Makati nang mapadaan ako sa gma news.tv.

Pumosisyon na ang 24 na senador na tutol sila,na ang may kapangyarihan lang bumoto ay ang kongreso, syempre nga naman itsapwera sila. Pati na, ang ilan obispo ng simbahan katoliko at JIL ni Bro. Eddie Villanueva, PMP ni Erap, bisnes sektor at mga militanteng grupo ay “nag-merge” na.

Mukhang nagkakaroon na ng “polarization” ‘yun nga lang tipong hilaw pa. Kakayanin ba nila ang nangyari sa Thailand na inokupa ang pangunahing airport at ilan establisyamento ng gobyerno? Sabagay “muscle flexing” pa lang naman ika ‘yan masyado ka naman ekang atat. Ang tanong gumagalaw na ba ika ang militar? Solido ba ang simbahang katoliko, kasama o sasama ba sila Bro.Mike Velarde?

Sa tingin ko parang pagkain na naulaw ang masang noypi sa isyu ng impeachment, cha-cha, con-con, con-ass at kung anu-ano pang ka-asholan!
Ang ikina-elib ko kasi sa mga tao ng Maylakadyan, na anticipate nila ang isang bagay, malakas ang kanilang makinarya para bang KGB at CIA, me political officer sila sa mga estratehikong pwersa sa lipunan. Baka naman sabihin nyo mahilig ako sa mga Hollywood film na ang tema ay espionage, counter-intelligence, political assasination, terrorist o revolutionary setting. Hindi kayo nagkakamali, kaya minsan nakikiliti ang utak ko, bat kaya ang El Shaddai ay hindi mapasama sa rali? Masama yan, ang mag-isip na walang batayan, meron pa mandin akong panyo ng El Shaddai, kulay green na bigay din sa akin ni kumpareng Elmo, isa din seaman. Patawad po Bro.Mike!

Mag ala-Thailand tayo? sila lang daw ang gumaya sa atin. Kawnter naman nila, na tsambahan lang daw natin noypi. Bat ilang EDSA na nga naman ang ginawa ay di madale “small but terrible” Hindi kaya na underestimate ang talino ng mga oposisyon at mga militanteng grupo at sa kabuuan ay ang masang noypi? Sabi, iba daw ang internal na lakas ng mga taga-Thailand, may kolektibo o pambansang kamalayan ang Thailand na wala tayo, hindi sila tuwirang napasakop sa mga dayuhan.

Sige na, wala na kung wala tayong tinatawag na kolektibo o pambansang kamalayan (nakakain ba ‘yun?) Ang bato naman natin sa mga Taylander, meron ba naman kayong pag-uugaling “unpredictable”- “kapag napuno na ang salop, dapat nang kalusin!”

(c) 2008 Kwentulang Marino

2283120925_c9c8e58a94

May kirot sa aking puso
habang binabagtas ko
ang iyong payapang dagat.
aninag ang mga bundok
sa liwanag ng buwan.
ang kulay-pilak na tubig
sa barko ay sumasabay.
maging ang lagaslas ng
mumunting alon
ay pumapawi sa pagal kong
isipan.

Sa kailaliman nito’y
naroon pa rin
ang lungkot,
poot at paghihimagsik!
sa aking dibdib ay
nararamdaman.

Habang nagsasaya ang mga
turista sa saliw
ng indak at musika
doon sa isla ng
Bali.
May minamasaker naman
sa sementeryo ng
Dili.
Dinig ‘kong panaghoy ng mga
kaluluwang nagnanais lumaya sa
limbo ng kolonyalismo
at ngayon sa tiranong si
Suharto.

Naglalakbay sila sa bukid
at parang.
lumalagos sa kabundukan, lalim ng
karagatan,
syudad,iskwater at iskwelahan
hanggang sa pusod ng
Jakarta
ay mararamdaman
ang rumaragasang
kasaysayan.

May kirot sa aking puso
habang binabagtas ko
ang iyong payapang dagat.
aninag ang mga bundok
sa liwanag ng buwan.
ang kulay pilak na tubig
sa barko ay sumasabay.
maging ang lagaslas ng
mumunting alon
ay pumapawi sa pagal kong
isipan.

Sa kailaliman nito’y
naroon pa rin
ang bulkang,
nagbabadyang sumabog!
sa aking dibdib ay
nararamdaman.

Emanzky88
M/V Clipperventure-L
Port Said, Egypt
19 December 1996

(c) 2008 Kwentulang Marino

*Nalathala ng dalawang beses sa PAROLA, seaman’s journal na nakabase sa Netherlands. Sept.-Oct.1999 at pang 100 isyu. Nalikha ang tula, hindi pa napapatalsik si Suharto at di pa lumalaya ang East Timor sa kontrol ng Indonesya. Kabilang
sa antolohiyang ANI 35 (2009) ng Cultural Center of the Phils.

Halos mag-isang linggo na ang pagkakasaksi sa ngumiting buwan, ang dalawang mata ay kumakatawan sa Venus at Jupiter. Marami sa ating mga pinoy ang nanghahawak sa mga simbolismo, pangitain, pamahiin laluna’t sa mga nakatatanda sa atin.

Nakatimo pa rin sa isip kong sabi ng mga matanda,”kapag nakakita ka ng buwan na pataob o nakaturo sa lupa ang mukha, ito’y magdadala ng swerte o magandang pasok ng taon, kung ito nama’y pasalok, ito’y nagbabadya ng matinding kahirapan, gyera at salot.”

Marami ang nagsasabi na kaya nangiti ang buwan ay katawa-tawa na ang nangyayari sa bansa natin. Para sa iba, isang joke na lang daw ang ginawa ni Jocjoc Bolante ang pagpapa-diretso n’ya sa St.Luke’s Hospital at kung paano paikutin ang mga senador, nangiti ang buwan, kung paano ibasura ang kaso ng “Impeachment”, sabi ng iba, ito ang tinatawag na “Anarkiya ng Mayorya”, nangiti ang buwan, dahil sa oras nang mataimtim na pagdadasal sa Malacañang ay may mga nalulukot na mukha, nangiti ang buwan, dahil lumutang na naman ang cha-cha, con-con, con-ass (hole nila!).

Para sa akin gusto kong burahin ang mga iniisip ng iba, bigat na bigat na tayo sa mga nangyayari sa atin, dumudugo na utak ko sa pangyayari sa melamine, global financial crisis (karma kaya ang nangyayari sa U.S? wag naman sana me relatib din ako don), Mumbai Terror Attack!

Ngumiti ang buwan. dahil sa laban ni Pacquiao ke Dela Hoya (habang tinatayp ko ito di ko pa alam kung sino ang panalo). Manalo o matalo si Pacquiao, para sa akin (baka pwedeng sa inyo din) PANALO ANG PEOPLE’S CHAMP! Dapat natin s’yang ikarangal, magdiwang tayo dahil may isang pinoy na kumakatawan sa adhikain ng isang tagumpay, paglaban sa kawalang pag-asa, katangian ng isang mandirigma, malikhain at disiplinado. Makapagdagdag s’ya sa buslo ng ating ” kolektibo o pambansang kamalayan. “Sabi,gawin natin si Manny Pacquiao na isang ehemplo bilang pagkikilanlan natin na isang Filipino, ‘yun nga lang, maging gising tayo sa katotohanan na hindi isang mesiya si Pacquiao na hahango sa ating lusak nang pighati at kagutuman.

Teka, kasasabi ko lang na h’wag gawing komplikado ang mga bagay, baka ibalik mo lang sa akin na kahit gawin ehemplo si Pacquiao ay di naman talaga maisabuhay nating mga noypi ang mga simbolismo’t aral.

Ganito na lang, hahabol pa kasi ko sa laban, ayoko naman na tipong isusubo sa iyo ang lahat ng kasagutan. pwedeng mag-isip ka naman o kaya ay…. itanong mo sa buwan!

(c) 2008 Kwentulang Marino

Algiers Algeria 1998KWENTULANG MARINO ay hindi lamang umiinog sa pusod ng dagat. Gaya ng buhay, may kwento’t berso din sa pampang nito.

Karamihan sa mga kwento o sanaysay ay nasa pormang “dyornal entri” na ilang taon ‘kong sinulat sa’kin “red dyornal” mapa-eroplano, eyrport, kabina, parke, sa mga restobar habang umiinom ng serbesa, soju o vodka.

Hindi man nailagay sa dyornal ang ibang kwento, sa rekoleksyon-naging daluyan ang mga naipon sa ibat-ibang bansa na ultimo nota, dyaryo, resibo, tarheta, celfon card, cassette tape, cd, dvd, litrato, tiket, postcard, libro, sulat, coins, mumunting koleksyon at mga “buhay na kwento.” Ang mga ito’y s’yang gumaod at nagpatingkad sa laot ng aking karanasan.

Ilan sa mga entri at tula ay sinadya kong itago ang tunay nilang pangalan. Iba naman ay nanatili. Sa kanila…..isang malaking pasasalamat…isang paghingi ng dispensa.

Kulang man sa kinis, sukat, balangkas, sablay man sa “grammar” at mga kautusan sa literatura. Binigyang puwang ng PAROLA – “seamans journal” na nakabase sa Netherlands at ANI- “literary journal” ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na malathala ang ilan sa aking mga piling tula at kwento. Karangalan din na maging bahagi ng “Kuhang Marino: Images of Filipino Seafarers,” isang eksibisyon sa University of the Philippines, Jorge B. Vargas Museum (2006). Higit na “pinataba ang puso” nang bigkasin sa Conspiracy Bar nila Bobby Añonuevo at Fidel Rillo ang mga tulang “Sa Paghampas ng Alon,” “Salungat sa Agos,” at “Patuloy sa Pag-asam.”

Solomon Is.Sa usapang marino, “gintong alaala” na lang tawagin ito, sa panahong wala pa ang pamosong kataga na “September 11 Terror Attack” at istriktong paghihigpit panseguridad na malaking nagpabago sa mukha ng maritima at global na kaayusan.

Ganang akin, pwedeng ikonsidera itong “social documentary” na nais ilako ng isang hampaslupang marino.

Sakay na!

Sagwanin natin ang KWENTULANG MARINO!