Pintig ng Alon
(Oda sa Marino)

“I don’t like being stationary
I like the rocky wavy motion of the sea.”

– Tracy Chapman
I Used To Be A Sailor

Pumintig
ang aligagang
puso
sa himig ng
lakbayin.

Ginagalugad ang bawat
daungan
humihimbing sa maamong
kandungan.
Gumagaod nang makukulay
na kuwento
binbuksan ang pintuan
sa mga
bagong mukha.
Ipinipinid
ang mga
kabinang luma.

Pinatatangay sa
agos
isinuka mga
multong iginapos.
Hindi tuwirang
naghilom
tagas ng langis
sa madungis
na ngumangang makina.
Pasakan man pilit
nang puting istupa
bubulwak ang kanyang
nasa.

Balisa ang mga
alon
humahampas sa tinakasang
kahapon.
Walang tiyak na
rombo
sa nalilitong sukat
ng kasalukuyang
hanap.
Higit na pinabigat
ng kargamento
sumasalakay
na tone-toneladang
argumento.

Bagaheng puno nang
panaginip
matibay na kalasag
laban sa piratang-pating
sa dagat ng
Somalia.
Maging ang traydor na latigong
buhos ng tubig
sa look ng
Biscay
ay hindi magawang
bangungutin
ang kasungitan ng
magdamag.

Mapabibilis ba ang
sikdo
ng mga
kataga
para mapasaya
ang
pagsagwan?

I. Tagapaghatid ng kuwentong-biyahe

M/V Clipperventure-L
M/V Akra Sounion
M/V Maasslot-L

II. Kanlungan ng talihanga’t mga gunita

Odessa
Buenos Aires
Lisboa
Houston
Amsterdam
Belawan
Kuantan
Cairns
Barcelona
San Nicolas
Honiara
Pontianak
Tuxpan
Kobe
Ulsan
Panama Canal
Hamburg
Algiers
Panganiban

III. Iba-ibang kulay. Iba-ibang mukha ng buhay

Mrs. Nuygen
Ioanni Sapountsis
Alexander
Viktor Novotny
Julie Nuygen
Luda
Erni Setiawati
Dr. Angel Pereira
Penny Soh
Yao Shi Hong
Na Thokuntot
Maria Ascensao de Sousa
Fr. Avel
Pinoy sa Sabah
Hsu Lan
Esther Bravo

IV. Samu’t saring bagay na ibayong nagpatibay

The Rime of the Ancient Mariner
Literary Museum
Paradiso
Caviar
Parola
Hong Kong Bar
Kimchi
ITF
Houston Seaman’s Center
Sex Museum
Gloria Trevi
Tequila
Carlos Bulosan
Russian bible (1898)
Lenin
Greek coffee
Federico Garcia Lorca
Village Voice
Charlie’s Bar
Parker’s
Fetah cheese
Rashomon
Kretek
Joey Ayala
Vintage photo
Lualhati Bautista
Pablo Neruda

Sinisid

ang
laot
ng
mga

kataga.

Pintig

ay
nilagom
sa sinapupunan
ng

karagatan.

Para
sa
panibagong

biyahe

ng
mga

alon.

Emanzky88
5 Oktubre 2008

© 2011 Kwentulang Marino

imahe mula sa google

( Kay Lea )

 

Matamis na pangarap ang

mahigpit na iniwan.

Pinasasaya ng mga sobreng selyado

ibinabalita kung paano lumuha ng yelo,

mamukadkad ang mga bulaklak.

Sumilip

ang init at muling malagas.

Minanhid ang mga pangako at

tuwirang nalimot.

 

Hindi hadlang ang pluma at papel

na sumusukat sa mga tanong

mula sa makapangyarihang dayo.

Baluktot na dila’y natutong

tumuwid.

Banyagang salita’y tuwirang

nabatid.

 

Kinokompronta ang mga gunita

at ipinamumukha ang paglimot.

Sa pusong namahay ang kirot

hindi maikubling sa isang sulok

ay mayroon pa rin kurot.

Alam mong hindi na sa iyo

ang nakaraan.

Sa huli’y inangkin

ang kasalukuyan.

 

Pinatatag nang matinding

danas.

Sa lungkot at lamig ng siyudad

ay higit na lumakas.

Inilulan sa tren ang pait at saya

na lumalagos sa mga subway,

sa mga susing lungsod at nagmamadaling

unahan ang oras.

Taas noong sinasalubong ang iba’t ibang

mukha

ng multi-kulturalismo.

 

Masayang nilalagom ang

natitirang kislap

ng buhay.

 

At maningning na

ngumingiti sa

iyo.

Ang mga namumulaklak

na

Sakura.

 

Emanzky88

12 Hunyo 2010

 

© 2011 Kwentulang Marino

* imahe mula sa centralpark.com

(Sandaang Taon Na Hindi Mo Pananahimik)

Wala akong kakayanang
iguhit ka
na may kilik na bata at
sa kabilang balikat ay
may sukbit na
sandata.

tunay na may ngiti sa
iyong mukha,
banaag at
hindi pa rin maikubli
na may
pagtuligsa.

Wala akong kakayanang
lumikha ng
awit,
sa bawat kalabit nang abalang gatilyo’y
hindi makuhang
mangawit.

Umaalingawngaw!

nagbubuga ng mga
sintonadong atungal,
sa kasarian
mong patuloy na
hinalay.

nangingibabaw

na makismo,
sistema at kasaysayan.

Wala akong kakayanang
magpormula ng
islogan,
sa bawat plakard at istrimer
ay kapit-bisig, taas kamaong
sumisigaw.

Tanging kaya ko’y
ilala ka
ng mga katagang

mapagpalaya.

sabihin mang hindi
kritikal,
sabihin mang hindi
radikal
sabihin mang hindi
kauri’t

walang saysay,
walang lalim
mga likhang papuri sa iyong
hanay.

patuloy akong
lilikha ng mga bersong
magpipinta’t
aawit
sa mga sigaw
na

hindi matahimik

hindi mananahimik

hindi mapatatahimik

laban
sa sinapupunan
ng mga
walang

imik.

Emanzky88
9 Marso 2010

©2010 Kwentulang Marino

cory-aquino_special_315x170Iisa
ang lipad nating
dalawa,
laban sa buwitreng
diktadura.

Awit
ay nagkaiba
dahil sa
tonong
pampulitika.
Ikaw ay
dilawan,
kami ay
pulahan.

1987

sa kuko ng
kapangyarihan,
tinig
ng mga
magsasaka
ay naghumiyaw.
Ganting putok
ay umalingawngaw
sagot
ng iyong kawan.

Sa kahabaan ng
Mendiola,
pinaghalong amoy ng
tirgas at pulbura;
ngitngit
kong isinigaw
na rehimen mo’y
pasista!

Kristalisasyon

ngayong ako
ay wala na,
sa anumang kulay
ng pulitika
nalagom na mga karanasan;
balik ng
kamalayan.

Bakit nga ba
ikaw ay
paghahanapan?
Tularan si
Fidel Castro,
mga lupaing kanyang
minana.
Ipinamahagi sa mga
campesinos ng
Cuba.
Katotohanang
hindi ka naman
tunay
na galing
sa aming uri
at linya.

Mahalaga ay nag-ambag
ka,
sa kamulatan ng
masa.
Inamin mong
kahinaan,
naganap sa
Mendiola.
Pagkahayok sa
kapangyarihan
ay iyong
tinalikdan.
Wala sa hinagap mong
mag-astang isang
mesiya,
na siyang sasagip
sa hirap
nila.
Ipatanaw na utang
na loob,
tinamasang
demokrasya.

Dalisay ang iyong
kulay,
pakpak ay walang bahid
ni mantsang
tunay.
Kita ko sa
huling
lipad mo,
may ningning sa
dilawan
mong
balahibo.

Emanzky88
4 Agosto 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino

*litrato mula sa pdi.net