Nobyembre 2008


Ilan taon na kitang pinapansin
tuwing sasapit ang a-treynta
ng nobyembre,
wala man lang
bulaklak
sa iyong rebulto.
tanging memorya’y
ang paglipat-lipatin ka,
sa iyong pwesto.
hindi ka ba nahihilo
o kaya’y nalilito?
hindi ka ba
naninibugho
kay Rizal at Ponce,
may alay ng bulaklak
sa programa ay kumpleto
rekado?
may hinanakit ka ba
kay mayor,
sa mga taong
munisipyo
samahang pangkasaysayan
at mamamayan ng bayan
ko?

Ipagpatawad
handog na isang pumpong na
rosas
sa ibabaw ng ‘yong
monumento.
sa palengke’y binili,
ibinalot lang sa
diyaryo.
huwag mong isiping
labis ang pagkaawa
o nakonsensya
sa kalagayan mo.
maaring kabaligtaran
pa nga ito.

Titindig ka nang may tikas
ipagsisigawan!
hindi ikaw ang tunay na
biktima,
kaawaan nang todo.
bagkus, kaming hindi
nakaunawa sa
tunay
na kasaysayan…1896
Rebolusyong Pilipino!

Emanzky88
30 Nobyembre 2007

© 2008 Kwentulang Marino
________________________________________

imahe flickr.com

Advertisements

Binibilang ang mga kahon na nagdaan
hindi alintana ang mga bugang usok
na higit nagpadilim sa mga gunita.

Pitong guhit sa noo’y
aninag nang panglaw,
tanging kahol ng aso
ang galak na kasama.
Sa limos ni Menem
laging nakaasa.

Tipid ang kwentong
ipinadpad nang ikalawang giyera.
May sumaging kirot
sa tanong na gulo
sa nahating
Yugoslavia.

Patawarin sa kinuyom na duda
tunay na pinagmulan ay bayang
Alemanya.
Inampon ng kapwa diktadura
lagim ng kahapon ay ikinubli
sa Argentina!

Emanzky88
M/V Clipperventure-L
2 Nobyembre 1992

© 2008 Kwentulang Marino

*Kabilang sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)
imahe flickr.com daniel2005
**rebisyon 13 Setyembre 2012

“Itay, inay napakasama ng aming kapitan.
Sayang, marami pa sana kong pangarap…”

-Freddie Jandusay
Seaman

Maningning
ang kaitaasan
kumikislap,
halintulad ng mga
bagong huling isda
mula sa naliglig
na lambat,
pumipisig
at kumikinang.

Kalmada
ang laot
kasabay ng banayad
na usad,
walang bahura.

Makatao
ang trato
kay gaan lang
ng trabaho.

May fresh milk, brewed coffee
jasmine tea,
bacon, salami, Chinese fried rice
pao, noodles, mandarin
at peras.

May slopchest,
malayang mamasyal
at gumimik.

May extra-overtime,
galak sa pamilya
ang iniwan.

-PANAGINIP

BANGUNGOT –

Maunos
ang mga panaginip
haplit ng mga alon
ay may hapdi

Tungayaw
sa wikang dayuhan
maagang paalmusal,
higit na binusabos
mga bitukang nalawlaw
nilubid ng lamig
at pagod.

Nginatngat na katinuan
ang s’yang lumukob
sa putang-ina mong kapitan!

Pagkagahaman
sa ngalan ng kalakal,
dinidiyos ay naghuhunos
na kapital

Sumisigid
ang ginaw
sa bodegang
kinalagyan.

Maligalig
ang bawat gabing
dumalaw.

Mauritius!

nasaan
ang ‘yong buwan
mapanglaw
kahit kapirasong pisngi’y
ipatanaw,
kay lungkot ng iyong
mga bituin
gaya ng mga
pangarap
na may sungit
unti-unting nilamon
ng dilim
ang makulimlim
mong langit.

Emanzky88
Former Crew
MV Clipperventure-L
13 Nobyembre 2007
Pilipinas

© 2008 Kwentulang Marino
________________________________________
imahe mula sa ITF, litrato ay walang kaugnayan sa
nasabing tula kundi ang kanilang pagiging marino

Iskata’t malaka’y hindi dasal
na laging inuusal
kahit kami’y pagal.
hindi isang sayaw ang bulyaw
na sa bawat naisin
sa trabaho’y nakakubabaw
tinungkab mantikang tumigas
kaulayaw sa beynte dos oras
tanging hiling, higaa’y makapiling.
pritong daing huwag laitin
igaya sa amoy rasistang kambing.
hindi diniyos itong dolyar.
tulak ng kahirapan
kaya nangibang bayan.
salungat sa agos pagbalikwas
hudyat ng tsunami ang kawangis.
lilisan, hindi talunan
babalik sa dating larangan!

Emanzky88
MV Clipperventure-L
St. Eustatius, West Indies
19 Marso 1993

© 2008 Kwentulang Marino

*Unang Nalathala sa Parola 1994
at Ani 23 Culutural Center of the Philippines (1996). Kabilang
sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)

_________________________________________
imahe news.yahoo

Inilipad ng hangin, mabigat
na damdamin
habang ginugunita, huwad
na kasarinlan:

pinay, humalik sa papaalis
na sakang
luha sa kinse – anyos
na dalagita’y nangilid
tutungo sa bayang
lapad ang sisikatan.

pamilya’y tumunganga sa anak
na paalila
kinodakan ang malungkot na mata
hindi alam kung saan pupunta.

asawa’y iiwan, nakatanaw
sa kawalan.
magsing-irog, walang katapusang
pagpapaalaman.

matanda’y pinamaypay ang visa
niyang tangan.

nilaro ng ulap
kahirapang iniwan.

Emanzky88
Philippine Airlines
Himpapawid
12 Hunyo 1992

© 2008 Kwentulang Marino

*Unang nalathala sa Parola
at Ani 23 (Cultural Center of the Philippines)
December 1996. Kabilang sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)