Marso 2010


Buhay na buhay ang istorya sa libro ni John Perkins na Confessions of an Economic Hit Man sa aking bansa…”

Para namang nanadya ang pagkakataon. Katatapos ko lang basahin ang libro ni John Perkins, Confessions of an Economic Hit Man (2004)
kung saan ay isa siya sa mga instrumento ng U.S para higit na mapagsamantalahan ang mga mahihirap na bansa sa larangan ng ekonomiya, politika, kultura at militar.

Nasabi kong nanadya dahil nabasa ko sa kolum na With Due Respect ni Artemio V. Panganiban sa Philippine Daily Inquirer (March 21, 2010) na may titulong “To be a holdover president, GMA needs the U.S”
Sa nasabing artikulo ay bumisita pala nitong Marso ang National Democratic Institute U.S based think-tank na mas naka-kiling sa administrasyong Obama. Nakipag-pulong sila sa may 30 organisasyon sa 27 beses na upuan. Bago sila umalis ay nag-iwan sila ng 11 pahina na ulat/rekomendasyon.

Naikwento din ni Artemio V. Panganiban na bumisita sa kanyang tahanan ang isa sa kinatawan ng NDI na si Dr. Jamie F. Metzl, nagtapos sa Oxford at Harvard. Personal nilang pinag-usapan ang mga posibilidad na mangyari sa eleksyong darating.

Tunay Na Mukha Ng National Democratic Institute (NDI)

Ano’t hindi ako nagkasya’y may kung anong kuryusidad kong tiningnan sa web ang pangalang Dr. Jamie F. Metzl, isa siyang eksperto sa tinatawag na “public diplomacy,” visiting scholar ng Carnegie Endowment for International Peace na sa maraming pampulitika’t iskolar na librong nalathala ay instrumento o front ng CIA. Sa kanyang artikulong nalathala na U.S Must Win Battle of Images
ay mapapansin ang pagbibigay niya nang direktiba o paglikha ng isang opinyon. Click ko rin ang profile ni Madeleine K. Albright bilang chairperson ng NDI, sa mga nagmamasid sa politika alam na nang lahat na siya’y naging dating nanungkulan sa State Department. Isa sa interesadong natuklasan ko’y nagtayo siya ng isang international strategy consulting firm– Albright Group (2001) na pangunahing kliyente ay gaya ng Coca-Cola, Merck, Dubai Ports World & Marsh & Mclennan Companies. Nakaka-excite pa nito, bukod sa Federal Fund ang nagpopondo dito, nitong 1998 ay nagpondo na rin ang Democratic Century Fund may diin pa dito na “It is managed by the Emerging Markets Group” na kyuryus kong mas tsinek ang pangalang Gregory Fossedal na nasa BOD at may posisyon din na Chief Investment Officer ng DCF. Karamihan sa BOD ng DCF ay dominante ng grupo nila Gregory Fossedal bilang chairman ng Alexis de Tocqueville Institute (AdTi), sabi pa- right-wing think-tank, produced reports & policy research.. Marami silang kliyente sa ibat-ibang larangan ng negosyo, agrikultura, pinansya at imprastruktura. Pati na ang World Bank, Asian Development bank ay kliyente nila. Ibig sabihin di pala tuwirang mga democrats lang ang bumubuo sa NDI! Pati na ang mga nasa right-wing!

Pagsusuma

Ang pagpunta nila dito sa bansa ay hindi nangangahulugan ng kanilang mission statement, tumulong para sa ngalan ng demokrasya at tugunan ang kahilingan ng ilang mga pinoy sa U.S na pagpaabot kay Obama na matiyak na maging maayos ang eleksyon. Para sa akin, ang pakikipagpulong nila sa usapin ng eleksyon,

1. Tuwiran nilang ma-asses ang sitwasyon ng bansa sa pakikipag-pulong sa 30 organisasyon at pakikipag-usap sa mga piling personalidad na lumilikha ng opinyon;

2. Nagsisilbi pa rin ito sa seguridad o katatayuan ng kanilang mga kliyente at kabuang interes ng U.S sa bansa.

3. Pagpaparamdam kay Arroyo at sa iba pang politiko na anumang hakbangin ay kailangan nila ang basbas ng U.S laluna’t makakasama sa kabuuang interes nito.

Nanadya

Muli kong sinulyapan ang libro, hindi ko maiwasang mangiti at mag-isip nang malalim. Buhay na buhay ang istorya sa libro ni John Perkins na Confessions of an Economic Hit Man sa aking bansa.

Emanzky88
21 Marso 2010

© 2010 KWENTULANG MARINO

(Dispensa Kay Federico Garcia Lorca)

Kumukumpas ang kanyang bastong bakal,
walang kapaguran,
papalit-palit ang mga tanod, tsuper, mayordoma’t
atsay.

Binaluktot ang mga kautusan,
nagawang ituwid ang bali.
Higit na matangkad
sa kanyang
katusuhan.

Matalim niyang mga
tingin,
paismid
niyang mga ngiti
ay hudyat na
pagtalima
sa kanyang mga
atas.

Sunud-sunuran ang mga
lumilikha ng
batas,
tagapag-bantay ng
batas,
tagapag-patupad ng
batas,
na humahadlang
sa mga
mag-aaklas.

Walang kusang
ipaubaya,
tahanang dapat ay
ipamahala.

Bahay
mo’y masasabing matibay,
alambreng tinik
sa pader
ay napalilibutan,
haliging bato
sa loob naman ay
inaanay.

Talamak na
halakhak
ang
tugon,
sa mga nagbabalak
na pumalit sa iyong
posisyon.

Ay Bernarda!

nasa
katinuan
ka pa ba?

Emanzky88
18 Marso 2010

(C) 2010 Kwentulang Marino
_________________________________________________
imahe mula sa librong The House of Bernarda Alba/La Casa de
Bernarda Alba ni Federico Garcia Lorca

(Handa Na Ang Mga Tanod)

Handa na ang mga
tanod ng
demokrasya,
istratehikong nakaposisyon na si
Norberto,
ganundin si Delfin
at Reynaldo.

May mga bagong
nakatalagang ministro sa
palasyo,
lumarga na ang mga
dating kabinete
at sekretaryo
sa bawat probinsya’t
distrito.

Handa na ang mga
tanod ng
demokrasya,
magigiting na dating
heneral
sa bawat embahada,
maingat na
katwiran
at salag
sa bawat kondena.

Kulang sa tambol
ang mga rebolusyunaryong
pwersa,
salat sa antisipasyon
at rekurso
ang sa kanila’y nakikita.

Handa na ang mga
tanod ng
demokrasya,
dakipin
ang mga piling kandidato,
nag-aastang galing sa
hirap
na pagka-pangulo.

“May sabwatan sila sa kilusang rebolusyunaryo,
tankang agawin ang tinatamasang
demokrasya
nating mga Pilipino!”

Binangungot
ang katanghaliang tapat
ng mga
balotang
sinakmal nang nabibitak
na pinitak,
mga natutuyot na
pangarap.

Emanzky88
13 Marso 2010

© 2010 Kwentulang Marino

(Sandaang Taon Na Hindi Mo Pananahimik)

Wala akong kakayanang
iguhit ka
na may kilik na bata at
sa kabilang balikat ay
may sukbit na
sandata.

tunay na may ngiti sa
iyong mukha,
banaag at
hindi pa rin maikubli
na may
pagtuligsa.

Wala akong kakayanang
lumikha ng
awit,
sa bawat kalabit nang abalang gatilyo’y
hindi makuhang
mangawit.

Umaalingawngaw!

nagbubuga ng mga
sintonadong atungal,
sa kasarian
mong patuloy na
hinalay.

nangingibabaw

na makismo,
sistema at kasaysayan.

Wala akong kakayanang
magpormula ng
islogan,
sa bawat plakard at istrimer
ay kapit-bisig, taas kamaong
sumisigaw.

Tanging kaya ko’y
ilala ka
ng mga katagang

mapagpalaya.

sabihin mang hindi
kritikal,
sabihin mang hindi
radikal
sabihin mang hindi
kauri’t

walang saysay,
walang lalim
mga likhang papuri sa iyong
hanay.

patuloy akong
lilikha ng mga bersong
magpipinta’t
aawit
sa mga sigaw
na

hindi matahimik

hindi mananahimik

hindi mapatatahimik

laban
sa sinapupunan
ng mga
walang

imik.

Emanzky88
9 Marso 2010

©2010 Kwentulang Marino