Nobyembre 2010


Tinisod ang siyento beynte pesos na mapulang rosas na alay. Hanap
ang mamahaling bulaklak na may tukod. Doo’y nakasulat
mga mararangal na personahe’t samahang naghandog. Maingay
na bandang malapiyesta ang tugtog. Dagsang-tao
na hinakot ng trak, dyip at ambulansya. Sa gloryeta’t
liwasan ay hindi magkasya. Magiting
na mga kabalyerong may palong sa ulo. Pumapagaspas
ang kapa’t kumikinang na espada. Nabundat
ang mga nagsidalo sa pagkaing naka-istayro. Hindi magkamayaw
sa kaway at talumpati ang mga kakandidato.

Niliglig ng kabayo ang kanyang tulirong ulo. Nakaraang taon
pala ang pagdiriwang na hanap nito. Ginamit
lang ang kaarawan ng kanyang amo.

Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumisi.
Ngumisi nang ngumisi.
Ngumising-aso ang
kabayo
ni Gat Andres Bonifacio

Emanzky88
30 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
Ugnayan ang mga tulang ito- Pagkaawa Kay Bonifacio (2007) Nang Ngumisi Ang Kabayo ni Bonifacio (2009)
**
imahe mula sa flickr

Advertisements

(Kay Leonardi)

Namugto ang hamog sa malabay na dahon. Matamlay
na pumatak ang tubig sa siwang ng bato. Namait
ang malamig na inumin sa kumutim na bukal. Panaghoy
ang aninag ng buwan sa duguang damuhan. Dinilig
ng hapis ang mga katutubong ugat. Sukabang
punglo’y siyang itinudla’t sumugat.

Inulilang gubat ay muling dalawin. Sa pusod
nito’y malayang galugarin. Sa dalisdis
ay mga ilahas na halaman, bulaklak at puno. Lambing
ng payapang kamay, namanghang liwanag
at lumundag na sikdo –
masuyong hipuin, masuyong suriin. Wastong
dunong ay binyag ang pagsamo. Itanggi
sa dayuhan na lubusang ituring. Sa dakong
huli’y lubusang ariin.

Kaibigang silindro’y iluwal sa pagal na lukbutan. Haranahin
ang mga namutlang talulot. Diligin
ng matapat na berso. Binhing
pangarap na wari’y naudlot. Ituro
ang gamot sa bayang nauto.

Gunitang abo’y pananabik na ihasik ng palad. Pangakong
sa kagubatan ng Palanan-
sumanib. Yumakap.

Emanzky88
21 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa Inquirer

Namahika ang mga matang kumakalam
sa patawa ni Pokwang. Nilait ni
Vice ang maangas na mukha sa kubli
ng pintura. Humanga sa
nagbabagong anyo ni Angel. Sa maamong
titig ni Mateo ay tuwirang umibig. Tinubos ni
Kokey ang kalungkutan ng mga musmos. Binalisa
ang mga kinilig na puso sa kumplikadong
relasyon ni Jaime at Jewel. Binusog
nang limpak-limpak na premyo
ang mga bulsang may mapapait
na kuwento.

Mayabang ang makulay na corporate logo
sa ilang kilong bigas, pirasong sardinas
at pares ng tsinelas. Tinahi
ang mga napilas na ngiti. Binusog
ng spaghetti at chicken joy ang mga
umusling pusod. Kinalinga
ang binaboy na kalikasan. Dinalisay
nang libong paa ang agos
ng Ilog Pasig. Kinundena
ang humalong dugo sa putikan. Ipinamumukhang
panig sa katotohanan. Umaawit
ang islogan sa ngalan ng serbisyo.

Mahirap nga bang tuklasin ang virtual reality
ng isang ilusyon?
Maari ngang sa ating nakikita
ay mayroon pa tayong hindi nakikita.
Maari ngang sa ating naririnig
ay mayroon pa tayong hindi naririnig.
Maari ngang sa ipinagmamalaking huwarang
PAMILYA
ay mayroon mga anak
na hindi tinatratong tunay na
KAPAMILYA.

Emanzky88
15 Nobyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino

*imahe mula kay Vlad Martin