abc_obama_tears_tk_121214_wmain
MARUNONG DIN PA LANG LUMUHA SI OBAMA

Pilit na ikinahig ang daliri
sa sulok ng matang nangingilid
habang tinig ay nanginginig
sa panimdim na kimkim
sa Connecticut ay umulan
ng takot at dahas
panawagan ng pagluluksa
sa dalawampung paslit
na halakhak ang nalagas

sinong batong-puso ang hindi mababagbag?
kahanga-hanga sa kanyang pahayag

kailan naman kaya siya luluha?

sa mga musmos na binomba
sa Gaza
sa Libya
sa Iraq
sa Pakistan
sa Afghanistan

higit pa sa dalawampung inosente
na minasaker ang pangarap

armas

na tila ka lang bumili
sa isang burger outlet
sa kanyang bayan

ay katumbas
na alok

na giyerang kalakal.

Emanzky88
16 Disyembre 2012

©2012 Kwentulang Marino
imahen mula sa news.yahoo.com-


Pista sa Libya
(Pagsalubong sa mga Bagong Aso)

Duguang aso’y hamak na kinaladkad
nagwakas na ang bagsik ng apat na dekadang singkad
nagwakas na ang tikas ng gahamang rangya
nagwakas na ang bangis sa sukabang mukha.
Sa Sirte lang pala naglulungga
tangkas ang mga piling tuta.
Gintong angil ang handog na tropeo
sa hayok na pangil ng palalong mangangaso.

Mapula ang kaitaasan sa mga
sumisirit na bugang apoy.
Kumakandirit ang mga paang pagod
sa maingay na lansangan.
Litanya sa tuwa
ang mga tinig na paos.
Umaawit ang Koran
sa papuring kapos.

Koronel Khadaffi

Tapos na! Tapos na!
ang kilabot na alulong
mula sa tiranong naulol.

Nagpahiwatig ang kahol ni Obama

Diktadurya
Demokrasya
Reporma.

Sa kumpas ng lilong amo
matapat na nagmatyag ang berdugong NATO.
Masigla’t sabayang kumahol
kapanalig ng imperyalistang manunuhol.
Sa NTC na hilong talilong
maingat na regalong bitbit.
Kumikindat na bagong kulyar
sa mga naglalaway na leeg
palalong isinabit.

Emanzky88
21 Oktubre 2011

Umaagos ang galit mula sa Ilog Nile. Tumagos sa siyudad
ng Alexandria, Suez at Cairo. Mga sigaw ay hindi
maampat sa dating bibig na may busal. Katawang iginapos ng retaso
tila ba binalsamo ngayon ay bumubulwak ang poot
tila ba nagdideliryo. Sa Tahrir Square
ay mga nagtipon at sabay-sabay na yumukod kay Allah.
Umuusal ng tatlong dekadang inhustisya.

Hosni Mubarak! Dinaig mo pa ang mga antigong reliko
Hosni Mubarak! Dinaig mo pa ang katropang si Marcos
Hosni Mubarak! Tuta ng mga kapitalistang Amerikano
Hosni Mubarak! Napagod na sa labas-masok sa inyong canal
barko naming pangalakal.
Ikaw pa rin ang may kontrol ng Ehipto.

Huwag gayahin si Ben Ali
ng Tunisia. Mga tuta pa rin
ang ipinuwesto sa mga bakanteng silya.
Huwag ipag-andutan sina Suleiman at Shafiq
Iisa lang ang amoy at kulay. Sa kumpas ni
Uncle Sam ay numero unong sunud-sunuran.

Mapayapang lisanin ang sentro. Tangkasin ang mga alipures
sampu ng pamilya. Hihintayin pa bang itusok sa mga tulis
ng Giza? Magtago na
sa pundiya ni Clinton at Obama.

Emanzky88
31 Enero 2011

© 2011 Kwentulang Marino

“USAID can assist US COIN efforts by fostering economic growth, promoting human health, providing humanitarian assistance and enhancing democracy in developing countries. USAID has extensive experience in developing and implementing programs
with national governments and has field offices in 100 developing countries, working in close partnership with private voluntary organization, indigenous groups, universities, American businesses….”

– From Bureau of Political-Military Affairs, US Department of State, US Government Counterinsurgency Guide
(Washington, DC: Bureau of Political-Military Affairs, US Department of State, 2009)

May dapat bang ipangamba sa aming pagbisita?
Hindi kami dumayo para lang manginain ng
caviar sa Le Cirque. Ngumasab
nang biyas ng baka sa Bobby Van’s Steakhouse. Sangrekwang
engkargado’y sa pinas ay iniwan. Piniling
humimpil sa Hotel Sofitel. Pagmamalaking ibinasura
ang Waldorf Astoria.

Ipamumukha
natin sa buong mundo. Pantay lang sa trato
ang turing sa atin ng mga namumunong Amerikano. $434 milyon
ay hindi isang sensilyo na tila limos
sa isang ngumangawang musmos. Tumataginting na doblekarang bitag,
Millenium Challenge Corporation (MCC) = US counterinsurgency (COIN)
dito nga ba’y naka-angkla? O isang lagaring hapon
sa naghihingalo nilang ekonomiya? Titiyaking iuuwing
pasalubong ay mga mugmog na tinapay. Sa dahop
na pinoy ay isang tagumpay. Ipagyayabang
na tayo pa rin ang paboritong numbra na
mamahala sa ASEAN. Manunumpang hindi
pagagayuma sa alok at lasa ng mooncake
mula sa umaalsang Tsina.

Ipinangangalandaka
kong sa inyo’y ibalita,
dugo man akong asendero. Kasike sa turing.
Ginampanan ko lang, mula sa tradisyon ni Aguinaldo. Humimod
sa tumbong ni Obama’t mga lider
Amerikano.

Emanzky88
21 Setyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa google

“Three days before the official end of the US combat mission in Iraq. US President Barack Obama said yesterday that the war in the country was “ending” and called Iraq a “sovereign” nation free to determine its own destiny.”

– Obama: Iraq war ending
The Philippine Star
August 29, 2010

Matingkad ang anino ni Mckinley sa postura ni Obama. Umaalingawngaw
ang sigaw ng “Manifest Destiny” sa malawak na ubasan ni Martha.

Mayabang na ipinangalandaka ang wasiwas ng demokrasya. Pinagana
ang mga institusyon. Itinalaga
ang mga maasahang kamelyo. Tiniyak
na ligtas ang mga tinggalan ng langis. Muling itinayo,
kinumpuni ang mga daan, riles, paliparan, sistemang patubigan,
kuryente, telekomunikasyon, bangko at pang-konsumo. Lahat ng ito
sa tulong ng mapagpalang korporasyon ng US. Bukas-palad
ang pautang ng Ex-Im Bank. Sige lang
na magkanda-baon sa utang!

Hintay lang! Paparating na ang mga
naglalaway na korporasyong Amerikano. Piliin
ang natipuhan sa mahabang listahan,

1. America Cargo Transport Company – Seattle, Wash.
2. Bell Helicopter Textron, Inc. – Fort Worth, Texas
3. Bond Building Systems, Inc. – Fort Lauderdale, Fla.
4. CSECO – Alameda, Calif.
5. Flatter & Associates – Stafford, Va.
6. General Electric – Schenectady, N.Y.
7. ICON Global Architectural Engineering – Bloomfield Hill, Mich.
8. KT Engineering – Rancho Dominguez, Calif.
9. Newport Global Group, Ltd. – Middletown, R.I.
10. Omnitrans Corporation – New York, N.Y.
11. Sallyport Global Holdings – Bridgeville, Pa.
12. Ted Jacob Engineering Group – Oakland, Calif.
13. The Boeing Corporation – Chicago, Ill.
14. TVC-MaxCell – Annville, Penn.
15. Wamar International Inc. – Simi Valley, Calif.

Tapos na ang tungkulin ng mga mersenaryo
sa dokrina ng kapayapaan. Bibigyang pugay
ang 4,400 nagbuwis ng buhay. Mga sumabog na bungo,
lumuwang mata, nalasog na bituka. Iuwi
ang marami pang ikinubling bangkay. Aaluin
ang mga inagawan ng katinuan, nawalan ng paningin,
biningi ng karahasan at inutil ng digmaan.

Ipagpag ang kanilang mga namantsahang uniporme. Umaamoy
ang pulbura at masangsang na dugo. Titigan mabuti
ang kumikislap na medalya. Paulit-ulit na
ikukuti sa ngalan ng demokrasya. Laban
sa mga berdugong terorista.

Panadaliang mamahinga ang mga mersernaryo. Mag-istratedyais
ang mga gahamang korporasyon. Pangambang
baka makaporma sa Afghanistan at Sentral Asya
mga tagasunod ng ayatollah.

Sa ngalan ng “Global War on Terror”
wangwang ng “Axis of Evil”
mga sundalo’t kapanalig ng US. Turing
sa inyo’y masahol pa sa isang mersenaryo. Malapit
na muli kayong idestino!

Emanzky88
2 Setyembre 2010

© 2010 Kwentulang Marino
***
imahe mula sa wikipedia.org

“Playing upon the emotional and sentimental part
of the Filipino character.”
– Gov. Bandholtz
Pasyon and Revolution

Kaingat ka!

sa unang pagbisita ni Thomas Jr.
Sa matamis niyang pananagalog. Sa mga
kuwentong nilantakan niyang mangga
at adobo.

Kaingat ka!

sa kanyang papuri. Talumpating binigkas
mo’y kahulma daw nang kay Obama.

may diin na bukas-kamay ang bansa
sa malayang kalakalan. Bukas na
bukas sa dayuhang mamumuhunan.

Kaingat ka!

sa kanyang paulit-ulit na sinasabi.”Matagal na
ang ating pagka-kaibigan.”

Hindi mo ba napansin ang nangintab
niyang itimang kulay? Kumislap ang
mapuputing ngipin. Tila nangaligkig
sa tuwa ang katabaang katawan.

Emanzky88
5 Hulyo 2010

© 2010 Kwentulang Marino
****
imahe mula kay eric inocencio/flickr

pic-08010226280310

Kung tutuusin hindi naman ako nagtapos na may kaugnayan sa diplomasya o international study man lang. Magkahalong kiliti at pagkadismaya ang aking naramdaman sa nabasa kong news sa isang net.

Mukhang wala pa yatang nag-reak man lang. Sa ganang akin, hindi approriate na gawin o “designate” ni Pres.Obama ang ating pangulo na regional coordinator sa ASEAN. Sa wari ko parang lumalabas na isa siyang BIG BOSS ng multinational corporation na-Promote si PGMA sa Asia. Parang level eh usaping negosyo.Sana man lang isa siyang kinatawan ng isang international institution gaya ng U.N.

Sa ganang akin eh hindi maganda ang dating o ako lang ang nagbibigay ng masamang motibo.

Iyon man lang eh sinabi niyang “major o leading partner” Lumalabas na ang status ng U.S at Pilipinas ay hindi co-equal sa mata ng mundo o pang-diplomasyang paggalang.

Sabagay kung tutuusin titingnan tayo ng U.S na ” ganun kababaw ang mga Pilipino bigyan mo lang ng titulo eh kayang-kaya na nating utuin. Uuwi sa kanilang bansa na may pagmamalaki.”

Sabi nga ng matatanda ang “isda eh nahuhuli sa bibig” Ang dulas ng dila eh manipestasyon lang na meron pala tayong pingangamuhan. Hindi man tuwiran sabihin ni Obama kami ang inyong amo eh mahihinuha sa mga bagsak ng kanyang salita.

Sana ay hindi pa naman huli ang lahat na matahak natin ang tamang daan para sa makulay na kasaysayan nating mga Pilipino at mga namumuno sa bansa natin.

*litrato mula sa PDI.net

pic-07311039420570Mga nakaraang araw pilit kong inaabala ang isip ko sa pag biyahe ni PGMA, kung tutuusin wala naman akong mapapala dahil di naman ako politiko. Hindi rin naman ako myembro ng kung anuman pampulitikang organisasyon. Hindi rin naman akong isang nag-aastang “political analyst” ng isang bayaran presidential aspirant.

Kung iyon dating iniisip ko na kaya sila magbeso-beso eh dahil sa usapin sa VFA, patuloy na pagbibigay ng pabor sa mga negosyo ng U.S sa bansa, pagiging matapat pa rin alyado.Mas pa lumikot ang isip ko, di man sabihin na babasbasan siya ng U.S sa anuman hakbangin sa mga darating na araw. Na “de facto” itong tinatanggap ng U.S bilang isang mensahe ng pakikipagkita niya kay Obama at bilang isang paglikha ng “world opinion” at magandang imahe nito sa huli.

Mvd963733Higit pang pinangangambahan ko’y ang tahasan niyang sinabi sa SONA na hindi siya magdedeklara ng Martial Law. Ikinalilikot ng isip ko’y yung formulation kong “The Honduras Twist” Kung si President Zelaya ay pinatalsik ng isang kudeta dahil sa balakin niyang extension sa kanyang term. Maaring mangyari naman sa Pilipinas ay isang “coup na magmumula sa kanyang matatapat na heneral at kasundaluhan” Hindi rin ito patatagalin at magpapatawag na i-convene ang kongreso at di kinakailangan ng partisipasyon ng senado syempre pa nasa renda ito ng militar. Presto, may iluluklok silang pinuno na hindi na dapat pang pagtalunan ang kinababaliwan CHA-CHA o CON ASS.

Sagot mo kokondenahin ito ng U.S? Tingin ko’y hindi, kung sa Honduras ay pabalat bunga na kinondena ito ni Pres.Obama ; sa katotohanan ay may palihim at lantad na partisipasyon ang U.S sa naganap sa pagpapatalsik kay Pres.Zelaya. Gaya rin ng naging kaguluhan sa Iran. Malalim na paliwanag rito ang nagiging daloy ng pagsasama-sama ng mga bansa sa Latin America na kontra sa
U.S gaya ng Venezuela, Nicaragua at Bolivia. Ang ikinahanga ng marami sa mga naging lider ng Venezuela at Honduras ay galing sa mga konserbatibong linya na tumungo sa pagiging makabayan at laban sa dominasyon o panghihimasok ng U.S.

Gaya ng dati sa mga iba ko pang post. Wala bagay dito sa mundo na simple lang ang dahilan kung bakit napadalaw sa bansa ang CIA Director na si Robert Panetta. O simpleng kaya ka lang pupunta ng U.S ay para makamayan mo si Obama. Para lang iyan ng isang “body language” kahit hindi mo sabihin ay matutukoy mo kung ano ang intensyon.

Para sa akin hindi naman lagi nating sundan ang kasaysayan at sabihin nauulit lang ito. Mukhang natuto na ang U.S na hindi lahat ng pwedeng mangyari na ginawa nila sa isang bansa ay ganun din ang pwedeng gawin nilang operasyon sa bansa natin. Pwedeng magkaroon ng “twist o fusion” gaya ng sa pagkain.

r909928565

“Heto proud tayo na s’ya ang kauna-unahang lider sa Southeast Asia na opisyal na pagbisita kay Obama…”

Sabi nga eh…may tamang oras at lugar ang mga bagay o pangyayari sa pagdadaop nila U.S Pres.Obama at ang ating mahal na PGMA. Biruin mo nga naman ilan beses ng nagtangkang makabeso bago at matapos maluklok si Obama sa pagka-pangulo ng pinakamakapangyarihang bansa, ‘yun ilan beses din s’yang nabigo (PGMA).

Heto proud tayo na s’ya ang kauna-unahang lider sa Southeast Asia na opisyal na pagbisita kay Obama. Sabagay dati si PGMA pa ang nagnanais makausap sa phone si Obama , bandang huli si Obama pa ang tumawag, wow naman talagang dapat maging “so proud” tayo, di nga natin alam kung ‘yun ay may kaugnayan kay Daniel Smith o sa VFA.

Kamakailan lang ay dumalaw sa ating bansa ang Central Intelligence Agency Director Leon Panetta. Sa karanasan kapag binisita ka ng isang makapangyarihang tao mula sa U.S lantad man o nasa ibang pampanggap na delegado sa negosyo o pribadong institusyon…asahan mong may pinaplantsang gusot o gustong mangyari sa kapaburan pa rin ng U.S, ‘yan ay karanasan na sa lahat ng bansang pinanghimasukan ng U.S. Gaya ng ginawa ng U.S at Britanya sa kay Prime Minister Mossadegh ng Iran nuong 1953(http://www.angelfire.com/home/iran/1953coup.html)

Sa pagbisita sana ni PGMA ay huwag sanang masadlak ang bansa natin sa mas peligrosong kalagayan. Marami sa mga nagmamasid sa politika na ang pangunahing hihingin ni Obama ay maasahan pa rin “alyado” sa Asya ang Pilipinas para sa anumang bantang pananalakay ng U.S sa
North Korea at Iran, isa pang isyu ang VFA at tuwirang pagmamay-ari ng dayuhang mamumuhunan sa yaman ng bansa.

Ang pagbisita ay may mga nakatagong adyenda, maniobra, pabor para sa interes lalu’t higit sa panig ng U.S

Sa kasaysayan, ang buwan ng Hulyo ay simbolismo ng pagkakaibigan ng U.S at Pilipinas. Sa kabila nito, hanggang sa kasalukuyan ay umiiral ang isang pagiging magkaibigan na binabalot ng katusuhan.

19956ea8430b3b7e Ichi (isa), ni (dalawa), san (tatlo), shin (apat), go (lima), roku (anim)…Sampung taon ako nu’ng una ‘kong natutuhan ang pagbilang ng 1-10 na “basic cardinal numbers” ng Hapon. Kaso, hanggang anim na lang ang naka-rehistro sa isip ko. Turo sa’kin ito ni Mang Pepe, beterano nu’ng WW II.

Kadalasan libangan nu’ng bata pa’ko kundi makinig ng radyo, manood ng t.v eh tumambay sa tindahan at makipaghuntahan (kwentuhan). May sari-sari store (kasama na ang tindang ulam) kami nu’n. Sa t’wing darating si Mang Pepe, s’ya ang unang pasimunong bibilang hanggang sa kami’y tipong nagpapaligsahan sa pagbilang. Sa mura ‘kong gulang tumatak na ang pagbilang na banyaga (hindi pa uso ang mga nag-japan). Bago bumili ng ulam si Mang Pepe sa aking nanay na si Inang Rita ay magpipilit muna itong tikman ang lahat ng putahe; mula sa paksiw na tilapya, bisugo at kalderetang baga’t atay ng kalabaw. Hindi maiwasan mayamot ng aking nanay dahil di lang isang beses n’ya itong ulitin kumbaga isang ritwal na ito- ipagpipilitang gamitin ang panandok ng ulam kung kaya’t lagi naman s’yang binibigyan ng kutsara para hindi ikaselan ng ibang bibili. Hindi pa ito magkakasya, kahit na nga masarap ang pagkakaluto ay may pintas ka pa rin maririnig at babaratin pa ang pagbili, ganunpaman doon na iikot ang huntahan. Ipakwento ng aking tatay na si Amang Bio ang buhay ni Mang Pepe sa pakikipaglaban n’ya sa Bataan-kwento n’ya nakatakas s’ya sa “Death March.” Bubuskahin naman s’ya ni erpat na wala naman s’yang napatay kahit isang sundalong Hapon at pumuputok na hindi tumitingin sa kalaban na parang lumalabas ang kaduwagan. Hindi naman s’ya napipikon pero sasabayan ng alis na tumitikhim.

Ilan taon na lang at magsi-singkwenta na ang nasabing eksena. Tumingkad lang ang nasabing alaala dahil sa news ng maramihang pagpila sa U.S Embassy para sa makukuhang benepisyo ng mga beteranong Filipino nitong WW II. Dahil ito sa pinirmahan ni Obama na tinatawag na “stimulus funds.” na $198 million para sa mga beterano.

Sa aking henerasyon at hanggang sa kasalukuyang panahon. Marami at malaki pa rin ang pananampalataya sa Amerika, kay Uncle Sam- s’ya ‘yung tagapagtaguyod at tagapagtanggol ng demokrasya. ‘Yung bang ikararangal mo ang iyong lolo, tatay, kuya at kamag-anak kapag naging bahagi o nakihamok para sa U.S
Nandoon ang malasakit ng gobyerno mula sa pagkain, damit, sweldo at mga benepisyo.

Sa kabilang banda, meron tayong hindi nakikita sa likod ng kasaysayan. Sa libro nga ni Carlos Bulosan na “America Is In The Heart” kahit boluntaryo silang (mga Filipino) magpa-rehistro para lumaban sa gyera, tinanggihan sila dahil sa “National Selective Service Act. Sa librong,”The Port Chicago Mutiny” ni Robert L. Allen, iskolar- malinaw na inilahad ang hindi makataong pagtrato sa mga sundalong Afro-American o negro. Sa Houston, Texas may nakuha kong libreng libro na pwedeng iuwi sa barko mula sa Houston Seaman’s Center na may pinamagatang “Strangers From A different Shore (A History Of Asian Americans)” ni Ronald Takaki, isa rin iskolar. Nabanggit din sa teksto ang pakikibaka nila Carlos Bulosan at iba pang Filipino, Chinese, Koreans, Japanese at iba pang Asyanong sundalo sa hindi magandang pag-trato ng gobyernong Estados Unidos.

Nakakalungkot isipin na kayang-kayang gumastos ng limpak-limpak na dolyares ang U.S gaya ng gyera nu’ng WW II, Vietnam, Cuba, Nicaragua at iba pang operasyon lihim at hayag. Nagawa rin n’yang makapagpautang kay Saddam Hussein sa Iran-Iraq War. Sa huli ang magastos na gyera sa Afghanistan at tuwirang pagsalakay sa Iraq. Paglikha at pagbebenta ng mga makabagong armas pandigma na kayang ikasagip ng pagkakautang ng isang mahirap na bansang gaya ng Pilipinas. Kung tutuusin ay hindi na dapat dalhin sa kabilang buhay ang hinanakit ng maraming beterano sa gobyerno ng U.S

Sabi ng iba, pasalamat na tayo kay Obama at sa gobyernong Amerikano at pinirmahan din ang matagal nang minimithi ng mga beterano.

Naiiling na lamang ako sa mga naglalabasang news sa internet- bingi’t ulyaning beterano na sa katagalan ay hindi na mataandaan ang pangalan ng kanyang asawa, nakaratay na beterano na hindi na kayang pumirma’t thumbmark na lang ang ginamit para sa aplikasyon. Hindi lang masabi ng tuwiran nu’ng ininterbyu na “putang ina mo lolo o tatay ‘wag ka munang mamatay may makukuha tayo ke Uncle Sam!”

Sa loob-loob ko parang isang laruan sundalo lang ang mga beteranong Filipino at lahat ng mga sundalo na iniumang ng Amerika sa isang gyera ng negosyo at pangangamkam.

Bago ko ito ipi-nost, kinumusta ko si Mang Pepe sa kanyang pamangkin thru text, sagot n’ya sa text-“Ilan taon na s’yang patay, parang nawalan ng laban ang kanyang mga buto, unti-unti s’yang humina, ‘yun ang ikinamatay n’ya sir.”

(c) 2009 Kwentulang Marino