Diyosa kang nagkukubli
sa huwad
na pag-inog,
wari’y
itinuldok na
nunal
sa maningning na
labi
ng
buwan.

Pinayapa ang mga ibang
aburidong bituin.
Mga lagalag na
bulalakaw
ay panandaliang bumagal.
Umayon sa mga
nabagong posisyon
sa kalawakan.
Mababang loob ay
pagsuko
sa liwanag na taglay.

Hatid nga ba
ng mga kislap ay
kapanatagan
o balintunang senyales
na tankang muling
agawin
ang kunwa’y
iniwang
kapangyarihan.

Emanzky88
17 Mayo 2010

© 2010 Kwentulang Marino
________________________
imahe mula sa Associated Press (AP)

Advertisements

Buhay na buhay ang istorya sa libro ni John Perkins na Confessions of an Economic Hit Man sa aking bansa…”

Para namang nanadya ang pagkakataon. Katatapos ko lang basahin ang libro ni John Perkins, Confessions of an Economic Hit Man (2004)
kung saan ay isa siya sa mga instrumento ng U.S para higit na mapagsamantalahan ang mga mahihirap na bansa sa larangan ng ekonomiya, politika, kultura at militar.

Nasabi kong nanadya dahil nabasa ko sa kolum na With Due Respect ni Artemio V. Panganiban sa Philippine Daily Inquirer (March 21, 2010) na may titulong “To be a holdover president, GMA needs the U.S”
Sa nasabing artikulo ay bumisita pala nitong Marso ang National Democratic Institute U.S based think-tank na mas naka-kiling sa administrasyong Obama. Nakipag-pulong sila sa may 30 organisasyon sa 27 beses na upuan. Bago sila umalis ay nag-iwan sila ng 11 pahina na ulat/rekomendasyon.

Naikwento din ni Artemio V. Panganiban na bumisita sa kanyang tahanan ang isa sa kinatawan ng NDI na si Dr. Jamie F. Metzl, nagtapos sa Oxford at Harvard. Personal nilang pinag-usapan ang mga posibilidad na mangyari sa eleksyong darating.

Tunay Na Mukha Ng National Democratic Institute (NDI)

Ano’t hindi ako nagkasya’y may kung anong kuryusidad kong tiningnan sa web ang pangalang Dr. Jamie F. Metzl, isa siyang eksperto sa tinatawag na “public diplomacy,” visiting scholar ng Carnegie Endowment for International Peace na sa maraming pampulitika’t iskolar na librong nalathala ay instrumento o front ng CIA. Sa kanyang artikulong nalathala na U.S Must Win Battle of Images
ay mapapansin ang pagbibigay niya nang direktiba o paglikha ng isang opinyon. Click ko rin ang profile ni Madeleine K. Albright bilang chairperson ng NDI, sa mga nagmamasid sa politika alam na nang lahat na siya’y naging dating nanungkulan sa State Department. Isa sa interesadong natuklasan ko’y nagtayo siya ng isang international strategy consulting firm– Albright Group (2001) na pangunahing kliyente ay gaya ng Coca-Cola, Merck, Dubai Ports World & Marsh & Mclennan Companies. Nakaka-excite pa nito, bukod sa Federal Fund ang nagpopondo dito, nitong 1998 ay nagpondo na rin ang Democratic Century Fund may diin pa dito na “It is managed by the Emerging Markets Group” na kyuryus kong mas tsinek ang pangalang Gregory Fossedal na nasa BOD at may posisyon din na Chief Investment Officer ng DCF. Karamihan sa BOD ng DCF ay dominante ng grupo nila Gregory Fossedal bilang chairman ng Alexis de Tocqueville Institute (AdTi), sabi pa- right-wing think-tank, produced reports & policy research.. Marami silang kliyente sa ibat-ibang larangan ng negosyo, agrikultura, pinansya at imprastruktura. Pati na ang World Bank, Asian Development bank ay kliyente nila. Ibig sabihin di pala tuwirang mga democrats lang ang bumubuo sa NDI! Pati na ang mga nasa right-wing!

Pagsusuma

Ang pagpunta nila dito sa bansa ay hindi nangangahulugan ng kanilang mission statement, tumulong para sa ngalan ng demokrasya at tugunan ang kahilingan ng ilang mga pinoy sa U.S na pagpaabot kay Obama na matiyak na maging maayos ang eleksyon. Para sa akin, ang pakikipagpulong nila sa usapin ng eleksyon,

1. Tuwiran nilang ma-asses ang sitwasyon ng bansa sa pakikipag-pulong sa 30 organisasyon at pakikipag-usap sa mga piling personalidad na lumilikha ng opinyon;

2. Nagsisilbi pa rin ito sa seguridad o katatayuan ng kanilang mga kliyente at kabuang interes ng U.S sa bansa.

3. Pagpaparamdam kay Arroyo at sa iba pang politiko na anumang hakbangin ay kailangan nila ang basbas ng U.S laluna’t makakasama sa kabuuang interes nito.

Nanadya

Muli kong sinulyapan ang libro, hindi ko maiwasang mangiti at mag-isip nang malalim. Buhay na buhay ang istorya sa libro ni John Perkins na Confessions of an Economic Hit Man sa aking bansa.

Emanzky88
21 Marso 2010

© 2010 KWENTULANG MARINO

(Dispensa Kay Federico Garcia Lorca)

Kumukumpas ang kanyang bastong bakal,
walang kapaguran,
papalit-palit ang mga tanod, tsuper, mayordoma’t
atsay.

Binaluktot ang mga kautusan,
nagawang ituwid ang bali.
Higit na matangkad
sa kanyang
katusuhan.

Matalim niyang mga
tingin,
paismid
niyang mga ngiti
ay hudyat na
pagtalima
sa kanyang mga
atas.

Sunud-sunuran ang mga
lumilikha ng
batas,
tagapag-bantay ng
batas,
tagapag-patupad ng
batas,
na humahadlang
sa mga
mag-aaklas.

Walang kusang
ipaubaya,
tahanang dapat ay
ipamahala.

Bahay
mo’y masasabing matibay,
alambreng tinik
sa pader
ay napalilibutan,
haliging bato
sa loob naman ay
inaanay.

Talamak na
halakhak
ang
tugon,
sa mga nagbabalak
na pumalit sa iyong
posisyon.

Ay Bernarda!

nasa
katinuan
ka pa ba?

Emanzky88
18 Marso 2010

(C) 2010 Kwentulang Marino
_________________________________________________
imahe mula sa librong The House of Bernarda Alba/La Casa de
Bernarda Alba ni Federico Garcia Lorca

At nangako ang mga nagdidiyos- diyosan. Ang mga nagkukunwang Avatar. Sumusumpa sila sa puntod ng kanilang ninuno, sinusumpa nila ang kahirapan, sumusumpang hindi magnanakaw. Makakaya nilang gawing gatas at pulot- pukyutan ang makutim na daloy ng tubig sa ilog. Doon ay maari kang lumangoy at magtampisaw. Magkaroon ng titulo at maging titulado. Barung- barong ay maging mansyon nang katuparan. Kaya kang ilipad sa kaitaasan na may ningning nang libong sulo. Kaya kang aliwin ng mga indorso, indorso ng mga payaso, makumbinsi nang hari ng mga payaso. Kaya kang damayan kahit na nga sa bisperas ng kapaskuhan. Kaya kang bahaginan ng pwersa at kapangyarihan. Kaya nilang itago ang kanilang tunay na uri. Kaya ka nilang papaniwalain na sila ay iyong kauri. Kaya nilang sumayaw nang pakaliwa, sumawsaw nang pakaliwa. Maraming bulag ang sa kanila ay sumasamba, mga binulag, mga nabulag at mga nagbubulag- bulagan sa patuloy na pagsamba sa mga nasabing diyos, sa mga dinidiyos at nagdidiyos- diyosan, sa mga nagkukunwang Avatar. At nangako ang mga nagdiyos-diyusan, ang mga nagkukunwang Avatar na bibigyan tayo nang kakaibang kapangyarihan. Nakita na nga ba natin ang tunay na Avatar? Hindi kaya tayo na mismo ang mga tunay na Avatar?

Emanzky88
30 Enero 2010

© 2010 Kwentulang Marino
__________________________________________
imahe yahoo.com

Salain ang mga pangungutyang ibinabato ng mga burgis, mga elitista, mga naghaharing uri, mga kaaway sa uri, mga nasa akademiya, mga manunulat, mga nag-aastang manunulat, mga makata, mga nag-aastang makata, mga kritiko, mga nag-aastang kritiko, mga intelektwal, mga nag-aastang intelektwal, mga political analyst, mga nag-aastang political analyst, mga nag- aastang maka- kaliwa, mga nag-aastang may malasakit sa kilusan at masa, mga nag- aastang rebolusyonaryo. Huwag ipagdamdam ang kanilang mga pangungutya, mga insulto at batikos. Huwag mapersonal, gantihan sila nang makauring katwiran, nang siyentipikong pagsusuri at pangangatwiran. Humalaw sa kanila ng aral, sa mga pina-konserbatibo, sa mga anti- mamamayan, sa mga kontra- rebolusyonaryo, sa mga dating kasama, sa mga dating aktibista, sa mga nagpuputok ang butse, sa mga hindi maghilom- hilom na hinanakit, sa mga napaglipasan ng panahon, sa mga nagsikunat na pananaw, sa mga latak ng lipunan- sa kanilang mga anti-rebolusyonaryong pahayag. Huwag mag-isip na laging tama, na hindi nagkakamali, na hindi pwedeng punahin, na magbalat-sibuyas, na maging sagradong baka, na maging arogante, na maging kampante, na siya lang ang nagtataglay ng tama, nang wastong kasagutan, nang katumpakan, nang kadalisayan. Bayaan silang mag-ngingiyaw, kumahol sa ilang, maglupasay at maglaway. Sa bandang huli, mangingibabaw naman ang katotohanan. At siya ang magsasabi, kung sino ang mali.

Emanzky88
9 Enero 2010

© 2010

Kay Jay Taruc

Dinurog ang iyong
puso
sa nasaksihan mong
kahirapan
sa
Northern Samar.

Inihahanap mo
nang
kasagutan
sa sira-sirang
bubungang pawid
kung paano
hadlangan
na maglagos
ang init ng
araw,
lamig ng
gabi
at buhos ng
ulan.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Ang batang babae
na akala mo’y
walong taong gulang,
hindi ka dinadaya
sa iyong narinig
at nakita,
dapat ay nasa hayskul
na,
mapait na katotohanang
ganting sagot nang
kanyang ama.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Na pitong taon
na
siyang iginupo
ng
tuberkulosis,
marahas na kumapit
sa kanyang
buto
ang
balat niyang
nangangarilang.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Nabigyan silang
minsan
nang isang kilong
bigas
ni
Gloria,
hinilamusan
ng toyong inutang
sa tindahan,
pansagot sa limang sikmurang
kumakalam.

Totoo,
tutoong-totoo
ang
nasaksihan
mo.

Sa nanginginig na kamay
nang kanyang nanay,
naghuhumiyaw ang mga tinta at letra
sa walang katapusang
daing at kahilingan.

Nakabibinging katotohanan
ang inilagda niyang
pangalan
sa
notebook
ng katotohanan –

Hope Granada.

Emanzky88
26 Nobyembre 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino
________________________________________
imahe aletniuq_ara12 flickr.com

Binabalikan mo ba ang
probinsiyang pinagmulan,
pugad nang iyong kamusmusan —

natatakam ka ba sa umuusok na sisig,
maningning na parol, masayang kapistahan.
nagtatamisang melon at pakwan,
sa mga ibon, sa pinak
ang kanlungan,
sa panahon nang
migrasyon mula sa ibang
bayan.

Ito nga kaya ang tunay
na pakay o
baka naman sa laro nating mga
paslit,

ikaw ang laging bida
ikaw ang laging nasusunod sa kung anong pita
ikaw ang laging nag-uutos
ikaw ang laging tumutubos
ikaw ang laging pinupuri
ikaw ang laging lider- lideran
ikaw ang laging reyna- reynahan
ikaw ang laging may hawak sa susi ng kayamanan
ikaw ang laging nagsasabing tigapagligtas ng karamihan.

Hanggang ngayon pa rin ba
ay nahahaling ka sa
laro nating
ala- metamorphosis
ni
Franz Kafka,

hindi kaya ito ang tunay na
pakay
sa iyong pagbabalik,
muli ay maging isang
tugak
na
palundag-lundag,
sakim na
umaawit
nang
pakokak-kokak.

Emanzky88
9 Nobyembre 2009

(c) 2009 Kwentulang Marino
________________________________________
imahe sasha’s attic_flickr.com