Sinasalakay ako ng
matinding
kalungkutan.
Gusto ko sa iyong
ipaalam,
tapos na
ang hiniwa kong
petsay Baguio;
binudburan ng asin at
ibinabad sa isang litrong
tubig.
Ipinasok sa refrigerator at
ilang sandali
ay
malapit nang lumamig.
Nakapagdikdik na ako
ng
sili, bawang tagalog
at
luya.
Mamaya lang
ay handa
nang timplahin.
Bayaan mong
kanyawan
ko
ng sukang Iloko
ang ginamit na
dikdikan,
ihalo sa labanos na
hiniwa
nang may kanipisan,
gawing sawsawan sa
alimasag
na pinasingawan;
isabay sa
ginataang kalabasa at
tunsoy na inihaw.

Sinimot kong mabuti ang
tutong sa kaldero,
para maalis ang aking
umay;
nilantakan ko
ang ginawa mong
kalamay.

Sa kabila nito
ay dama ko ang
kawalan ng saya at
saysay.
Matamlay ‘ko sa
iyo itong
itineks
sa katotohanang hindi
kita…
kasalo.

Emanzky88
31 Enero 2007

© 2011 Kwentulang Marino

* Unang nalathala sa ANI 35 (2009) ‘The Pinoy as Asian’ – dyornal ng Cultural Center of the Philippines (CCP)
** imahe mula sa Google

Advertisements

ANI 35 ay ilulunsad sa Nobyembre 26, 2009 sa Cultural Center of the Phils. Ang tema ng libro ay “Pinoy As Asian” impluwensya at interaksyon sa mga kalapit bansa sa Asya.

Kabilang sa ANI 35 ang tatlong tula ni Ed Nelson R. Labao na gaya ng Malungkot Na Pamumukadkad Ng Sakura, Panaghoy Ng Isang Isla ( Sa Kalayaan Ng East Timor) at Kimchi. Dalawa sa tula ay na ipaskil na sa KWENTULANG MARINO.

Kabilang din ang kanyang mga tula at sanaysay sa ANI 23 Literatura Ng Mga Bagong Bayani (1996) at ANI 28 The Gender Issue (2002).

Ang paglulunsad ng libro ay bukas sa publiko.

_____________________________________
imahen mula sa pabalat ng ANI 35

cropped-image0091.jpg

” hindi po selebrasyon ng kabulastugan at kabalbalan kung hindi…”

Kung hindi tumunog ang reminder ng aking celfon ay di ko namalayan, ngayung Nov.14, 2009 ay isang taon na pala ang aking blog- KWENTULANG MARINO, opo isang taon na pala ng kablog- blogan, hindi po kabulastugan o kabalbalan.

Ano ang nagtulak sa akin na gumawa ng blog? Bale ito po kasi ay isang balakin ko na sa aking bertdey (Nov. 8, 2008) ay iregalo mismo sa araw na iyon. Dagdag pa doon, tutoong may nasulat at nalathala na kong ilan tula at sanaysay; iniisip kong darating ang araw na nakatambak lang ang iba ko pang nagawang tula, isang araw ay kinakain na lang ng anay o binubukbok sa isang kahon ang aking kumpaylasyon. Higit sa lahat, may maiwan man lang akong pamana sa aking mga anak.

Dala nang kawalan kong muwang sa daigdig ng sapot at blogospero di ko nagawa ang blog bago pa man dumating ang bertdey ko. Isa pa, sa napagtanungan ko’y karamihan ay di alam kung ano ang “blog” Mabuti na lang at may kilala yung pamangkin kong lalaki na sanay mag-edit sa pc.

Unang naipaskil ang ilang tula. Hindi gaanong maalam din ang nag-umpisa nito, yung header naikabit niya pero yung widgets ay sa proseso ko na lang natutunan- paano maglagay ng tag, stat, kategoriya, cloud atbp. Sa kalagitnaan ko na nga lang ng taon natutunang mag lagay ng pix. Sa kalaunan ko na rin naintindihan ang ilan etiketa sa pag- blog at pag gamit nitong teknolohiya.

Kung tutuusin ay marami pa kong limitasyon at kahinaan sa aspetong teknikal at paglalim pa nang laman ng aking blog.

Alam ba ninyo nung una ay madalas o panay ang tingin ko sa top post at blog ng WordPress? – proud pa nga akong ipinaalam sa ilan kaibigan (tru text) na nasa top
post at kung ano ang rank ng Kwentulang Marino. Sa loob-loob ko rin nun ba’t itong ibang blog ay kung anu-ano lang kabalbalan ay siya pang nasa top. Ngayon ay naintindihan ko na, nuon yun, natatawa na lang ako sa aking sarili laluna’t inaalaska ko ni misis na kung di daw ba ko kasama sa top post ng WordPress. May pagkakataon pa nga na me napindot ako sa dashboard ko at biglang nawala ang mga pix, kinabahan ako nuon!

Ngayon ay alam ko na, di mo dapat paghanapan ang isang blogista o idikta kung ano ang dapat lamanin ng kanyang blog site, sabihin mang mababaw o malalim yun, iyon ay isang karapatan at kalayaan niya sa daigdig ng blogospero dahil pagpapahayag yun ng kanyang paniniwala, interes at mga saloobin. Mahalaga lang ay may pag- respeto at maging responsableng blogista.

Sabi nga ng isang blogista, kapag daw ang iyong blog ay walang nagkoment ay di ganun ka-epektibo ang iyong ipinahahayag na saloobin, mas maganda din daw na wag pasapat sa mga komento lang na gaya ng “astig”, “nice site” at iba pang bagay na di nagpapartikular sa komento o puna, yun bang mapapansin mo na binasa talaga ang laman at nagbato ng kanyang opinyon, hindi yung para mapansin lang ang kanyang blog name o i-add ka lang para makadagdag sa kanyang blogroll Gusto ko din pong maglinaw sa iba na karaniwang paksa ng aking post ay may halong pang-uuyam o satirika.

Hindi naman ako napapatali sa numerology, pero natutuwa ako’t pumalo sa 8k na din ngayun ang inaabot ng aking stat. Kung tutuusin maliit pa iyon kung ang pagbabasehan natin ay kung may ilan pc meron dito sa pinas.

Natutuwa ako’t kahit na yung mga nakararaan post ay may nagkomento pa rin. Sa dashboard ay napapansin kong may naliligaw na tingin ko ay mga estudyante, sana ay nakakatulong din ito sa kanilang aralin. Sa panahon pa rin ng Kwentulang Marino nagawa ko ang ilan tula na kasama sa ilalabas ng ANI 35, isang libro ng Cultural Center of the Phils.(CCP) sa Nov.26. Gusto ko sanang i- post ang iba ko pang tula, kaso may mga kompetisyon na pwedeng ma- diskwalipika ang ipapasa mong piyesa, dahil di pwede ang nalathala na kahit sa blog. Yung sa ANI 35, komo di naman kompetisyon iyon ay kasama ang tulang na- post na dito sa Kwentulang Marino gaya ng – “Malungkot Na Pamumukadkad Ng Sakura” at “Panaghoy Ng Isang Isla.” Yung tulang “Kimchi” ay di pa na paskil dito sa aking blog. May isa ngang humihingi din ng permiso na mailagay ang isang na-post ko sa ilalabas nilang dyaryo para sa Filipino community sa isang bansa sa Europa. ‘Yun nga lang mungkahing pakitingnan ang aking disklosyur sa
itaas ng aking header, dahil mayroon akong adbokasiya o pampulitikang paninindigan na maaring magkomplik kung hindi malinaw ang kabuuang oriyentasyon, interes ng nasabing dyaryo.

Maraming salamat sa mga dumadaan, sumisilip, sumusubaybay at nag-link sa KWENTULANG MARINO, kahit man lang minsan ay nahipo ng aking blog ang inyong buhay.
Muli, hindi po selebrasyon ng kabulastugan at kabalbalan kundi – ISANG TAON NA PO ANG KWENTULANG MARINO NG KABLOG- BLOGAN :-)!!!

(Ikaw Ba Ay Pilipino?)
0,,20407772,00

Nakita ko sa news ang mag-asawang pinoy na pina-deport mula sa Japan. Bakas sa mukha nila, Arlan Calderon, 36 at kanyang kabiyak na si Sarah, 38 ang matinding kalungkutan sa pagkahiwalay nila sa anak na si Noriko, 13 na ipinasyang bigyan pagkakataon ng gobyernong maiwan at makapanirahan sa Japan.

Malaking bilang ng mga turista sa Cairns, Australia ay mula sa Japan. Oktubre, 1993 nang madaong ang aming barkong M/V Maaslot-L. Namasyal kami ni Rolly, isang kasamahan seaman. May kasingkitan ang kanyang mga mata at ako naman ay may kaputian kaya’t napagkamalan kaming Hapon nung saleslady sa isang shopping mall.

Nung sumunod na araw, isang pinay na madre na bolunteer ng Stella Maris
ang nag-anyaya sa aming mamamasyal at magsimba. Sr.Carmelita ang kanyang pangalan tubong Laguna. Pagmamalaking kwento namin, kami’y napagkamalan mga Hapon. Sumagot s’yang mukhang proud pa kami, partikular na ako ang kanyang tinutukoy. Nakuha ko ‘yun mensahe nya. Nakaramdam ako nang matiding hiya sa akin sarili. Sa tingin ko’y di lang masabi ni Sr.Carmelita na mas gusto ko pa atang masabihan maging Hapon kesa ipagmalaking ako’y Pinoy.

Ang hindi lang n’ya alam, ‘yung unang barkong sinampahan ko’y naka-plano kong mag-jumpship sa oras na dumikit ang barko sa puerto, kaso angkorahe kami sa laot kaya’t ‘yung Japanese dictionary na dadalin ko’y napurnada. Ewan ko ba kung bakit may kakaibang karisma ang Japan at kultura nila sa akin, pangarap ko pa ngang makapag-asawa ng Haponesa, lahat ng ito’y naisantabi ng ako’y makapag-asawa’t magkaanak na. Marahil batbat ako ng adbenturismo
nu’ng panahon ako’y binata pa.

Kanina nakita ko sa news ang mag-asawang pinoy na pina-deport mula sa Japan. Bakas sa mukha nila, Arlan Calderon, 36 at kanyang kabiyak na si Sarah, 38 ang matinding kalungkutan sa pagkahiwalay nila sa anak na si Noriko, 13 na ipinasyang bigyan pagkakataon ng gobyernong maiwan at makapanirahan sa Japan.

Bago pa man ‘yun, nakibalita na ako sa kumpare kong Ariel na pabalik-balik sa Japan. Kwento n’ya, mahigit 15 taon ng naninirahan sa Japan, katayuan ay iligal.Kabutihan palad ang kanilang anak na babae ay narehistro bilang citizen. “Problema lang kasi pare gumamit sila ng ibang pangalan.” Hindi man n’ya naipaliwanag ng malalim, paano bibigyan ng pagkakataon manatili sa Japan ang mag-asawa sa una pa lang ay labag na ang kanilang ginawa. Sa tingin ko’y maging precedent sa iba pang may kamukhang kaso kung pagbibigyang ng gobyerno at ito’y kanilang ikinatatakot. ‘Yun nga lang pagbibigay tsansang makapanirahan si Noriko at hindi isinamang pina-deport ay isang pagbubukas ng pinto at bentahe sa mga batang ipinanganak na may kahalintulad na kaso.

Ganunpaman, malaking kyuryusidad at palaisipan pa rin sa isang sulok ng isip kong hindi maisantabi. Sa NAIA pa lang ay hindi maiiwasan “magtaas ng kilay” ang mga nakasubaybay kung bakit mga taga NHK o Japanese media lang ang sinagot ni Arlan dagdag pa sa news ay kahirapan magsalita ng lenggwahe natin. Imagine sa mahigit na 15 taon n’yang paninirahan sa Japan ay nalimutan na n’ya ang wika natin? Kinikiliti ako ng mga katanungan na gaya rin ba sya ng mga kilala nating napunta sa U.S, U.K ang nagpalit ng pangalan, ugali at diksyon ng pananalita? Nagpa-asimila na kaya s’yang tuluyan? May intensyon ba s’yang burahin ang kanyang nakaraan? Tulak ba ng kahirapan sa pinas? kawalan pag-asa? pagka-bangkarote ng bansa sa larangan ng ekonomiya, pulitika at moral na aspeto ng lipunang Pilipino?

Kung masasabi lang n’yang ‘wag ninyo kong husgahan. “Kung bakit hindi sanay magsalita ng lenggwaheng pinoy ang akin anak, kung bakit ganito akong kumilos, manalita na higit pa sa isang tunay na Hapon. Makapag-mamalaki ba akong pinoy kung ang bayan ko’y tinagurian ng ibat-ibang di magandang pangalan “bansa ng mga alipin”, kasama sa mga listahan ng mga ganid at mandarambong, nagugutom, korap, paalila? Magagawa ba ng mga pinoy ang magpatiwakal kapag nakataya na ang integridad at kahihiyan ng kanilang sarili, pamilya at bansa? Sa Japan nakikita kong katiyakan ng aming mga pangarap at kinabukasan!”

Marahil bigyan natin s’ya ng pagkakataong magnilay. Sa yugtong ito’y napakabigat ng kanilang kinakaharap na krisis. Mga taon kanilang pinagsikapan bumuo ng mga pangarap, magiging sukli ay pagkawalay sa kanilang pinakamamahal na anak.

Hindi sasapat ang mga matatamis na salita’t talinhaga. Gayunpaman, iginawa ko kayo ng isang tula…c012eb12b1b6dde6

MALUNGKOT NA PAMUMUKADKAD NG SAKURA*
Kay Noriko

Hindi
ako
mapasasaya
ng
pamumukadkad
ng
Cherry
sa siyudad
ng
Kyoto.

Wala
nang
mahika
ang
klasikang
pagtatanghal
ng
mga
geisha.

Anong
saysay
pa
ng
ritwal
na
Chanoyu.

marahil

ngayon
buwan
ng
Abril

ang
pinaka
malungkot
na
sandaling
masilayan
ang
mga
bulaklak
ng

Sakura.

kasabay
ng
aming

pamamaalam.

Emanzky88
14 Abril 2009

(c) 2009

* Napabilang ang tulang ito sa ANI 35 CCP (2009) The Pinoy As Asian. Nalathala sa antolohiyang IPUIPO SA PIGING (2010)

2283120925_c9c8e58a94

May kirot sa aking puso
habang binabagtas ko
ang iyong payapang dagat.
aninag ang mga bundok
sa liwanag ng buwan.
ang kulay-pilak na tubig
sa barko ay sumasabay.
maging ang lagaslas ng
mumunting alon
ay pumapawi sa pagal kong
isipan.

Sa kailaliman nito’y
naroon pa rin
ang lungkot,
poot at paghihimagsik!
sa aking dibdib ay
nararamdaman.

Habang nagsasaya ang mga
turista sa saliw
ng indak at musika
doon sa isla ng
Bali.
May minamasaker naman
sa sementeryo ng
Dili.
Dinig ‘kong panaghoy ng mga
kaluluwang nagnanais lumaya sa
limbo ng kolonyalismo
at ngayon sa tiranong si
Suharto.

Naglalakbay sila sa bukid
at parang.
lumalagos sa kabundukan, lalim ng
karagatan,
syudad,iskwater at iskwelahan
hanggang sa pusod ng
Jakarta
ay mararamdaman
ang rumaragasang
kasaysayan.

May kirot sa aking puso
habang binabagtas ko
ang iyong payapang dagat.
aninag ang mga bundok
sa liwanag ng buwan.
ang kulay pilak na tubig
sa barko ay sumasabay.
maging ang lagaslas ng
mumunting alon
ay pumapawi sa pagal kong
isipan.

Sa kailaliman nito’y
naroon pa rin
ang bulkang,
nagbabadyang sumabog!
sa aking dibdib ay
nararamdaman.

Emanzky88
M/V Clipperventure-L
Port Said, Egypt
19 December 1996

(c) 2008 Kwentulang Marino

*Nalathala ng dalawang beses sa PAROLA, seaman’s journal na nakabase sa Netherlands. Sept.-Oct.1999 at pang 100 isyu. Nalikha ang tula, hindi pa napapatalsik si Suharto at di pa lumalaya ang East Timor sa kontrol ng Indonesya. Kabilang
sa antolohiyang ANI 35 (2009) ng Cultural Center of the Phils.