Utenanyo
(sa mga diyus-diyosan)

Nanggagalaiti
ang marahas
na tulisang kamay

pilit
na binali
ang naghuhumindig
na burat

binabaluktot
ang litid
ng katotohanan

nagbanta
ang lagablab
sa iwinisik na tamud

binuntis
ang mga binaog
na panata

umusbong
sa
ilong
noo
pisngi
batok
tainga
dila

iniluwal
ang sandamukal
na mga diyus-diyosan

winasiwas
ang umuusok na
insenso
sa mga kampon
ni Mideo

‘sang linggong
pagsisisi!

magwawakas
ang kanyang
libog
na kapangyarihan

sa liyab
nang libong sigaw

silaban
ang mga tarugo
banal na abo
ay ekis
na iguhit
sa noong tinampal
nang kabalbalan
nang kabanal-banalan

mula sa

banal
na angkan
ni
Ba’al.

Emanzky88
17 Agosto 2011

© 2011 Kwentulang Marino

*Pasubali: Huwag basahin kung hindi bukas ang pag-iisip, may ibang paniniwala, interpretasyon. Maselan ang larawan at paksain ng tula

imahe mula sa Poleteismo
ni Mideo Cruz

Diyus-diyosan
kay Mideo

Lumuhod ang mga banal sa
luklukan ng sining.
Nasuklam sila sa tumingarong
uten
sa butas na condom
na binayubay sa krus.

Hindi lang
medyo.
Sinanibang tutoo
si Mideo
kampon ng
dimonyo.
Paulit-ulit
na usal.
Paulit-ulit
na dasal.

Tahasang itinanggi

hindi namin
dinidiyos si Gloria

hindi namin
dinidiyos si Obama

hindi namin
dinidiyos ang Tsina

hindi namin
dinidiyos ang mga asendero

hindi namin
dinidiyos ang mga milyunaryo

hindi namin
dinidiyos ang mga politiko

hindi namin
dinidiyos ang mga obispo

hindi namin
dinidiyos ang PCSO

hindi namin
dinidiyos ang lotto

hindi namin
dinidiyos ang huweteng

hindi namin
dinidiyos ang Porsche

hindi namin
dinidiyos ang Montero

hindi namin
dinidiyos ang Raven

hindi namin
dinidiyos si Justin Biever

hindi namin
dinidiyos ang Eat Bulaga

hindi namin
dinidiyos ang Willing-willie

hindi namin
dinidiyos ang Manny many prizes

hindi namin
dinidiyos ang Korean telenobela

hindi namin
dinidiyos ang St. Luke

hindi namin
dinidiyos ang Jollibee

hindi namin
dinidiyos ang instant noodles

hindi namin
dinidiyos ang pagpag

hindi namin
dinidiyos ang celfon

hindi namin
dinidiyos ang Facebook

hindi namin
dinidiyos ang mga anarkista

hindi namin
dinidiyos ang mga rasista

Mideo!

hindi kami ipokrito
hindi kami pagano

sumasamba lang kami
sa gintong toro.

Emanzky88
11 Agosto 2011

© 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula kay Mideo cruz
Poleteismo


Sinasalakay ako ng
matinding
kalungkutan.
Gusto ko sa iyong
ipaalam,
tapos na
ang hiniwa kong
petsay Baguio;
binudburan ng asin at
ibinabad sa isang litrong
tubig.
Ipinasok sa refrigerator at
ilang sandali
ay
malapit nang lumamig.
Nakapagdikdik na ako
ng
sili, bawang tagalog
at
luya.
Mamaya lang
ay handa
nang timplahin.
Bayaan mong
kanyawan
ko
ng sukang Iloko
ang ginamit na
dikdikan,
ihalo sa labanos na
hiniwa
nang may kanipisan,
gawing sawsawan sa
alimasag
na pinasingawan;
isabay sa
ginataang kalabasa at
tunsoy na inihaw.

Sinimot kong mabuti ang
tutong sa kaldero,
para maalis ang aking
umay;
nilantakan ko
ang ginawa mong
kalamay.

Sa kabila nito
ay dama ko ang
kawalan ng saya at
saysay.
Matamlay ‘ko sa
iyo itong
itineks
sa katotohanang hindi
kita…
kasalo.

Emanzky88
31 Enero 2007

© 2011 Kwentulang Marino

* Unang nalathala sa ANI 35 (2009) ‘The Pinoy as Asian’ – dyornal ng Cultural Center of the Philippines (CCP)
** imahe mula sa Google

ANI 35 ay ilulunsad sa Nobyembre 26, 2009 sa Cultural Center of the Phils. Ang tema ng libro ay “Pinoy As Asian” impluwensya at interaksyon sa mga kalapit bansa sa Asya.

Kabilang sa ANI 35 ang tatlong tula ni Ed Nelson R. Labao na gaya ng Malungkot Na Pamumukadkad Ng Sakura, Panaghoy Ng Isang Isla ( Sa Kalayaan Ng East Timor) at Kimchi. Dalawa sa tula ay na ipaskil na sa KWENTULANG MARINO.

Kabilang din ang kanyang mga tula at sanaysay sa ANI 23 Literatura Ng Mga Bagong Bayani (1996) at ANI 28 The Gender Issue (2002).

Ang paglulunsad ng libro ay bukas sa publiko.

_____________________________________
imahen mula sa pabalat ng ANI 35

Kay Erni

“Hindi ko na mayakap pa ang aking sarili.
Sa bawat gabing magdaan ay nararamdaman kong
kawalan…”

-Ms.Dewi, 20
Pontianak, Indonesia

Pikit-mata na hinimod, ang pawis
ng pagnanasa at libog.
hinuhubdan ang kaloob-looban
ng iyong pagkatao.
winawasak nang unti-unti
ang natitirang dangal
na masasabing tanging sa iyo.
pinapalitan ng ibat-ibang
kulay ng papel, mukha ng tao.
dinadalaw sa panaginip
ng mga naglalaway na dila,
mga matutulis na kuko.
sa gabing ito…may halimaw na muling
papasukin ang kabuuan
maglalagos sa alon ng mga kumot
usok ng sigarilyo.

pero hindi!

babasagin ang kairalang bumabalot,
umaalipin sa iyong pinagmulan.
wawakwakin ang lalamunan ng magdamag
hanggang sa maabot ang

Merdeka!

na minimithi mo.

Emanzky88
Pontianak, Indonesia
M/V Akra Sounion
16 Mayo 1998

(c) 2009 Kwentulang Marino


*Unang nalathala sa ANI 28 (2002) -Sarisaring Kasarian: Pagmamahal, Cariño Brutal, atbp. (The Gender Issue), literary journal ng Cultural Center of the Phils. (CCP). Imahe mula sa pabalat ng ANI 28

27 Hunyo 1992 Panama Canal, Panama

237e1e3123375f2a

“Sa gabi’y magandang pagmasdan ang Panama Canal, sa pagitan ng mga bundok, sa isang malalim na pagpapaunawa kay Mendez, kung bakit detenido ngayon si Noriega sa U.S…”

Nakakatawang isiping labing-apat na taon na ang nakaraan nang ito’y talakayin sa amin ni Mrs. dela Peña, section adviser at teacher sa Social Studies, reference material niya’y Current Event Digest na kailangang bilhin ng klase para pagdiskusyunan. Wala sa loob ko noon kung paanong isang canal sa Central America ay nagawa para mabilis na maglakbay ang mga barkong pangalakal at pandigma patungo sa ibang kontinente. Tanging natatandaan kong lektura ni Mrs. dela Peña, “nakakatulong ito sa pandaigdigang komersiyo.”Nakakatawa, dahil simula pa alas-diyes ng umaga’y angkorahe at naghihintay na ang aming barko, sa wakas, kami ngayon ay papasok na sa kilalang Panama Canal!

May kaukulang bayad ang bawat barkong magdaan ayon sa kanilang laki, bigat o klase ng kanilang kargamento. Kailangang humingi ng paunang pahintulot ang agent o kapitan ng barko sa Panama Canal Administration. Hindi papayagan ng PCA ang mga barkong sobra sa itinakda nilang laki o tonelada. Piloto ang magpapasok ng barko sa canal, siya lamang ang may karapatan at kasanayan na wala sa kapitan ng barko. May mga Panamanian crew na umakyat sa barko para tumulong at mag-monitor lalo na’t dadaan sa tinatawag na lock gate.

Pinagmasdan ko sa porthole- isang makapal na pabilog na salamin, ang marahang pagpasok ng pinakadulo ng aming barkong Clipperventure-L; kasabay ng dalawang ibong nakadapo sa bakal ng main deck at isa pang lumilipad na kapamilya ng batu-bato. Ang lock gate ay unti-unting bumukas. Hindi napasapat ang katauhan kong sabik sa unang pagkakataon ng pagpasok sa Canal sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa porthole. Ako’y lumabas patungong second deck upang mabistahan nang tuwiran. Gayundin si Ioanni, isang Greek na kusinero, mabait at may “pusong maka- Filipino,” hindi na niya mabilang kung ilang beses nang dumaan sa Canal pero nandoon pa rin ang kawalang-sawa at pananabik na saksihan ang pagpasok dito. Dala niya’y isang kamera. Nag-request siyang piktyuran ko siya sa background ng susunod na lock gate. Muli unti-unting sumara ang naunang lock gate, tumataas ang tubig kasabay nang pagtaas ng barko sa kanina lamang ay mababa ang level nito, para ganap na lumutang hanggang sa umabot sa water level ng Pacific o Atlantic Ocean. Ito ang proseso, isang henyong likha sa larangan ng infrastructure. Dalawang beses din akong kinunan ni Ioanni sa ganoon ding background.

Habang mabagal ang usad ng barko, nasa pagitan naman nito ang mga namemerdeng bundok–palantadaan na hindi pinuputol ang mga naglalakihang puno nito. Parang mga batang naggala ang mga sumampang Panamanian crew sa main deck at messhall kung saan ay kumakain at tumatambay ang mga Filipino crew. Hindi lahat ay pure Panamanian, may Afro-American silang kasama, sa dahilang ang Panama Canal ay bahagi ng base militar ng U.S. Sa tuwirang sabi, ang Panama ay kontrolado ng U.S kung geopolitics ang pag-uusapan. Karamihan sa mga crew ay may dalang abubot, may nag-aalok ng manggang hinog, hindi nga lang katulad ng ating manggang-kalabaw; payag silang ipagpalit ng Coca-Cola.

Nitong agahan at tanghalian ay kinain ng ibang crew ang sobra naming pagkain. Ilan sa crew ang aking tinanong.”Gusto ba ninyo ang pamamalakad ni Noriega noong ito’y nasa posisyon pa? Ganoon din si Endara, ang kasalukuyang presidente ng Panama” pahabol kong tanong.

“Hindi”, ang kanilang magkakasabay na sagot.

“Mga ilan ang namatay nang salakayin ng U.S ang Panama para kunin lang si Noriega?” ang magalang kong tanong na may halong kyuryosidad.

“Mga tinatayang isang libo” sagot ng isang crew na may kaitiman ang kulay.

Sa loob-loob ko, malaki din kung ikokompara sa mga lumabas sa dyaryo.

Sa lahat ng mga crew na nakausap ko, si Mendez ang matagal kong nakakuwentuhan. Karaniwang tikas ng isang Panamanian, kayumanggi siya at hindi kataasan, nasa edad singkuwenta ang tantya kong gulang.

“Ako’y nakapag-aral sa U.S noong apat na taong gulang pa lamang,” pagmamalaki niyang kuwento.

Sa isang tulad niya ay masasalamin mo ang isang bahagi ng Panama.

‘Maraming walang trabaho, pangunahing pinagkakikitaan sa bansa ay nasa sektor ng serbisyo. Sa 1999 pa matatapos ang canal treaty. Hindi tuwirang ipauubaya ng U.S ang kabuuang pamamahala nito sa Panama. Tanging administrative work lang ang para sa amin at mananatili pa rin ang usapin sa defense sa kanilang mga kamay” ang walang gatol n’yang pagsasalaysay.

“Ibig sabihin, hindi buo” ang dugtong ko naman at pagsasara na rin ng kwentuhan.

Isa pang crew ang nag-alok ng relo at sunglasses.”Wala pa akong dolyar,” sagot ko na may tono nang paghingi ng pasensiya. Iniabot ng isa pang crew ang “The Tropic Times”, isang lokal na diyaryo sa loob ng base militar, may petsang- June 26, 1992, sabay sabing “ito’y libre” Mabilis na ganti ko ng pasasalamat, dahil ako’y uhaw sa balita sa kasalukuyan.

Matama kong tiningnan ang isang malaking lapidang bato sa gilid ng bundok na aming daraanan. May disenyo itong mga taong may dalang pala at piko. Hindi ko tiyak kung ito’y inukit o minolde lamang. Sa huli, nalaman kong isang pagkilala ito sa mga taong namatay sa epidemya at aksidente nang ito’y pasimulang itayo noong 1913. Gusto ko sanang kunan, sayang at wala pa akong sariling kamera.

Sa gabi, nakakagaan ng sarili na magmasid sa pagitan ng magkabilang gilid ng canal at bundok. Naiilawan ito ng asul, berde at iba pang kulay bilang giya sa aming barko na payapang umuusad. Kaulayaw ko ngayon ang katahimikan.

Patuloy pang tumutugtog ang tape na isinalang ng isang crew sa stereo. Reggae beat ng latino. Panaka-naka siyang umiindak sa messhall. Alas-diyes medya ng gabi nang makalabas kami ng canal. Tanaw ang mga ilaw sa kabuuan ng Panama City. Nakababa na ang piloto. Kahit gusto pa naminng makinig ng latin beat habang nagpupusoy-dos ay kailangang kunin ng crew ang kanyang tape sa stereo.

Tunog na lamang ng isang tasang kape ang tanging narinig ko. May lungkot akong nadama. Ang crew kanina ay aking naalala sa eksena na nag-aalok ng hinog na mangga, kapalit ng ilan lata ng Coca-Cola. Sumagi sa aking isip ang Filipinas noong may base militar pa ang kano. Tawag nila sa mga Filipino base workers ay “Yardbird.” Bakit nga ba kung minsan, ‘yong kapirasong dangal na natititra ay kailangang pang ipagpalit sa PX at blue seal?

Muli sa gabi’y magandang pagmasdan ang Panama Canal- sa pagitan ng mga bundok, sa isang malalim na pagpapaunawa kay Mendez kung bakit detenido si Noriega ngayon sa U.S, hindi lang ito usapin ng drugs, hindi lamang sa agos ng dolyar sa canal, walang iba kung hindi dahil sa kabuuang interes at papel ng U.S sa larangan ng ekonomiya-politiko-militar sa daigdig!

Hinigop ko ang natitirang kape sa pangalawang tasa ko nang natimpla. Itinapon ni Vic ang par singko. Bumilis na ang usad ng barko patungo sa lupain ng mga kangaroo. Papaliit na ang mga ilaw sa aking paningin. Naglayag na sa lalim ng gabi.

*Unang nalathala sa ANI, literary journal ng Cultural Center of the Phils.Tomo 23, Disyembre 1996- Literatura Ng Mga Bagong Bayani

(c) 2009 Kwentulang Marino

Algiers Algeria 1998KWENTULANG MARINO ay hindi lamang umiinog sa pusod ng dagat. Gaya ng buhay, may kwento’t berso din sa pampang nito.

Karamihan sa mga kwento o sanaysay ay nasa pormang “dyornal entri” na ilang taon ‘kong sinulat sa’kin “red dyornal” mapa-eroplano, eyrport, kabina, parke, sa mga restobar habang umiinom ng serbesa, soju o vodka.

Hindi man nailagay sa dyornal ang ibang kwento, sa rekoleksyon-naging daluyan ang mga naipon sa ibat-ibang bansa na ultimo nota, dyaryo, resibo, tarheta, celfon card, cassette tape, cd, dvd, litrato, tiket, postcard, libro, sulat, coins, mumunting koleksyon at mga “buhay na kwento.” Ang mga ito’y s’yang gumaod at nagpatingkad sa laot ng aking karanasan.

Ilan sa mga entri at tula ay sinadya kong itago ang tunay nilang pangalan. Iba naman ay nanatili. Sa kanila…..isang malaking pasasalamat…isang paghingi ng dispensa.

Kulang man sa kinis, sukat, balangkas, sablay man sa “grammar” at mga kautusan sa literatura. Binigyang puwang ng PAROLA – “seamans journal” na nakabase sa Netherlands at ANI- “literary journal” ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na malathala ang ilan sa aking mga piling tula at kwento. Karangalan din na maging bahagi ng “Kuhang Marino: Images of Filipino Seafarers,” isang eksibisyon sa University of the Philippines, Jorge B. Vargas Museum (2006). Higit na “pinataba ang puso” nang bigkasin sa Conspiracy Bar nila Bobby Añonuevo at Fidel Rillo ang mga tulang “Sa Paghampas ng Alon,” “Salungat sa Agos,” at “Patuloy sa Pag-asam.”

Solomon Is.Sa usapang marino, “gintong alaala” na lang tawagin ito, sa panahong wala pa ang pamosong kataga na “September 11 Terror Attack” at istriktong paghihigpit panseguridad na malaking nagpabago sa mukha ng maritima at global na kaayusan.

Ganang akin, pwedeng ikonsidera itong “social documentary” na nais ilako ng isang hampaslupang marino.

Sakay na!

Sagwanin natin ang KWENTULANG MARINO!