nochebuena

Nagmamadali sa pagbili
ng Today’s fruit cocktail
Nestle cream at Alaska condensada
para sa gagawing fruit salad

Nagmamadali sa pagbili
ng Mama Sita’s marinade
pilit na binabaklas ang pumpon ng stick
para sa gagawing pork barbecue

Nagmamadali sa pagbili
ng Fiesta pasta, Ellaine Banana catsup
Eden Cheese at Del Monte spaghetti sauce
para sa lulutuing spaghetti

Nagmamadali sa pagbili
ng Malagkit powder
asukal, linga at sago
para sa lulutuing ginataan bilu-bilo

Nagmamadali sa pagbili
ng bihon, canton, sotanghon
Lucky Me Noodles, Nescafe 3 in 1, plastic ng yelo
paminta, atsuwete, kasubha, oregano
kanela, sangke, clavo
harina, corn starch, cassava flour
asin, munggo, breadloaf, mayonesa, peanut butter
mga bilog na alay sa mesa ng paniniwala

Tila mga hinahabol
ng labingtatlong asong ulol

Nagmamadali sa pagbili
ng sigarilyong Marlboro
Fortune lights, Mighty at Emperador brandy
(Nagwawala sa pagkawala!
Umuusok ang bintang sa mga negosyanteng gahaman
pagsalubong ay nangangamoy
sa ligis ng makasalanang-buwis
)

Makupad na isinupot
ng kumikinig at kulubuting kamay
ang malaking garapon ng Cheez Whiz
nang walang bayad.

Emanzky88
1 Enero 2013

© 2013 Kwentulang Marino
imahen mula kay phil41


Kakaiba
ang lapot ng
lomi
sa ibabaw ay
manipis
na pritong itlog
atay at mitbols
dagdag na sahog.
Umuusok
ang inihahaing
canton at bihon.
Maingay
ang kalansing ng
tinidor at kutsara.
Humahalakhak
ang pingkian ng mga
bote
ng serbesa.
Sa bawat
subo’y
gunitang binubuhay
ang mga
dating
kasama.

Emanzky88
13 Hunyo 2011

©2011
Kwentulang Marino

*imahe mula sa google

(sa ika-150 taong kapanganakan)

Hanggang ngayun ba nama’y
lukob pa rin
aninong dayo

napagagamit
pa rin sa iskrip
ng mga damuho.
Kunwa’y kampi sa atin
laban sa mga Tsino.
Katotohanang nais sadkaan
pagpapalakas ng mga Intsik
sa pulitika at kabuhayan.
Baka nga naman
sila ay masapawan.

Walang kadaladala sa laro
ni Aguinaldo
na ginago lang
ng mga Amerikano.

Kung sakaling
ako
ang naging pangulo

ipagkakait na bigyang
kapangyarihan
mga kaibigan
kalaro sa pistola
at iskrima.

Sige lang
punahin ang
mainiting ulo
ni Luna.

Ipamamahagi
mga lupain
yaman ng angkan.

Pipiliing
sumakay sa ordinaryong karitela
kesa sa Porsche at Lexus
na turing ay marangyang kalesa.

Hayaan
lang si Leonor
Nelly at Josephine
kabilang ‘sang dosenang
romansa. Paparazzi ay
magpista.

Hanggang ngayun ba nama’y
lukob pa rin
anino ni Damaso

usapin sa RH Bill
LGBT
at diborsyo
imoral ang
sabi ng mga santo.

Hanggang ngayun ba nama’y
ganito pa rin
bayan ko

mas kilala pa sina Taylor Swift
Justin Bieber
at Miley Cyrus
kesa sa aking
pagkatao.

Ed Nelson R. Labao
19 Hunyo 2011

(c)2011 Kwentulang Marino


Patay ang hangin. Sa
Brgy. Sto. Niño ay
tumatagulaylay pa ang samo ng pagbasa. Wala
nang pumipigtas sa mga
dahon ng kaimito, duhat
at bayabas. Wala
nang kulay ang tubig
sa matandang tapayan. Wala
nang lasa ang mga
isda at gulay.

Buong buhay na lang
naming bibilangin. Ang
makupad na usad ng prusisyon. Laging
idadalangin na muling tumango
ang ulo ng puting kabayo. Bingihin
nang dumadagundong na kulog. Bulagin
nang maamong mata. Gayumahin
nang duguang mukha. Aliwin
nang mekanikal na mga disipulo. Takutin
nang mga nakaputing abito.

Masaya kaming uuwi na
dumidighay mula sa
ngiti nina Jollibee at McDonald.

Kung hindi man.

Sa ilang tusok ng pisbol, isaw
at kikiam. Isang
basong malamig na gulaman.

Hindi lahat!

Sa ngisi ng mga higanteng
rebulto. Binangungot
ang mga kumukulong sikmura. Hinarot
ang inaantok na gabi sa walang
sawang pagtatalo. Ilan
ang nadagdag? Kaninong
angkan ang may pinakamarangyang
karo? Sino
ang umilaw sa antigong santo
mula sa mga politiko?

Emanzky88
22 Abril 2011

(c) 2011 Kwentulang Marino

*imahe mula sa flickr.com

Tumaas ang singil sa SLEX/NLEX. Itataas
ang singil sa MRT/LRT. Tumaas
ang singil sa tubig kuryente. Itataas
ang presyo ng tinapay. Tumaas
ang presyo ng bigas isda karne gulay
mantika asukal sardinas. Itataas
ang presyo ng LPG diesel gasolina.

May food riot sa Algeria!

Emanzky88
11 Enero 2011

© 2011 Kwentulang Marino
**imahe mula sa Google

Tatlong gabi na ‘kong inaabala
nang paputol-putol na tulog.
Sinasalakay nang masidhing
inggit,

Yevgeny Yevtushenko!

Ano meron ka’t sinaksihan
at pinakinggan ang iyong
pagtula ng
42,000 katao?

Batbat daw ng kontrobersiya
ang iyong buhay.
Kwestyunable daw ang iyong
pampulitikang paninindigan.
Kompormista ang husga
ni Brodsky.

Pinasadahan ko
ang mga
obra ng mga dakilang
Ruso
baka sakaling sa kanila
ikaw ay humalaw
kay

Pushkin
Gorky
Turgunev
Tolstoy
Chekhov.

Yevgeny Yevtushenko!

ano ang meron ka’t
nabihag mo ang
42,000 katao?

hindi kaya sa iniinom
mong vodka na
Stolichnaya?

hindi kaya sa kinakain
mong masarap na
pelmeni?

hindi kaya sa lawa
ng iyong kamusmusan
sa lalim ng
Baikal?

Sinariwa kong muli
ang mga alaala,
tinalaktak ko
ang kahabaan ng
Deribasovskaya.
Pinagmasdan ang
kinukumpuning
Opera House.
Naglaboy sa mga museo
at parke. Tinitigan ko pa
ngang mabuti ang istatwa
ni Pushkin.
Minagdamag
nagpakalasing sa Irish Pub na
Mick O Neills. Sa inyong bayan
ko unang natikman
ang caviar.

Yevgeny Yevtushenko!

ano ang meron ka’t
nabihag mo ang
42,000 katao?

Hindi ko alam kung
ako’y nangangarap o
naalimpungatan

mukha ni Amado V. Hernandez
sa wari nakangisi’t nanunudyo,

“ hangal na makatang inggitero
lumilikha ng sining si

Yevgeny Yevtushenko

hindi sa wikang Ingles
hindi sa wikang Aleman
hindi sa wikang Espanyol
hindi sa wikang Pranses
hindi sa wikang Tsino
hindi sa wikang Filipino

sa sariling wika
umuugat, nagpupuri si

Yevgeny Yevtushenko!”

Emanzky88
29 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
imahe mula sa google

“Sultan Sanjar wished to go hunting and asked Khayyam to select a day when the weather would be suitable. Khayyam, who did not believe in predicting the weather, reluctantly was forced to do so. The Sultan, who made all the necessary preparations on the specified day, ran into stormy weather and called upon Khayyam. To everyone’s
surprise, Khayyam assured him that all would soon be well. Sure enough, the weather cleared, and the Sultan went into the desert with an increased respect for his chief astronomer.”

– The Wine Of Wisdom
The Life, Poetry and Philosophy of
Omar Khayyam
Mehdi Aminrazavi

Ay! Kahabag-habag na siyentipiko
gumulong ang ulo sa putikang
bagaso.

Naturingang doktorado
salat naman sa dalubhasaang
bangketa ng Quiapo.

Prediksyon ay sumablay
sa paglinya ng mga bituin,
galaw ng alon
maging ang hangin
ay naiba ang
pagtingin.

Sa kanya’y isinisi
hiwalayang Kristeta’t James,
nabubulok na bigas
sa tinggalang NFA.
PGMA ay hindi mabweltahan
sa kongreso ay reyna-reynahan.
Bigong makapwesto ang mga
turko sa senado.
Sumuko kay Mercedita at
Renato.
Nagsilayas ang mga piloto
maging tropa ni Mang Tany
ay kasamang nag-alburuto.
Presyo ng mantika’t asukal
ay hinigop ng hanging
sumirit pataas.

Ano’t hindi inianunsyo
na may bagong pakulo
ang mga dugong asendero.
Usaping agraryo’y
tunay na inabuso.

Ay! Kahabag-habag na siyentipiko
gumulong ang ulo sa putikang
bagaso.

Salat sa pagbasang may
namumuong sigwa
heto’t sumusulak ang
nagngangalit
na
sigaw!

Emanzky88
9 Agosto 2010

© 2010 Kwentulang Marino

***
imahe mula sa yahoo.com