Bonifacio jpeg

TAKAS SA HUNYO

Himpapawid
Philippine Airlines
12 Hunyo 1992

Isang asul na travelling bag, tatlong t-shirt na puti, limang may kolar, dalawang pantalon maong, apat na Warren brief, pang-ginaw na may tatak na Planet Hollywood, tutbras at tutpeys, dagdag pa rito ang tig-sampung Lomotil at Biogesic, isang katamtamang bote ng Omega Painkiller, pulang dyornal na may limangdaang pahina, isang dekada ng mga nalikhang tula, isang libro ni Lualhati Bautista- Dalawang Dekada ng Maiikling Kwento, Rashomon at iba pang kwento ni Ryonosuke Akutagawa, kaset teyp ni Joey Ayala,Tracy Chapman at Gary Granada. Makapal na Japanese Dictionary . Isang kopya ng family picture na inipit sa pulang dyornal. Pinakamahalagang hindi ko dapat malimutan ay ang mga importanteng dokumento—Pasaporte, Seaman’s Book, Yellow Card, SOLAS, iba pang sertipiko sa pagsasanay.

Nag-LRT lang ako, sa may 5th Avenue station, kasagsagan ng mga pasahero. Maganda ang sikat ng araw, mabilis din ang naging takbo kasimbilis nang pagwagayway ng mga bandila na sumasayaw sa hangin sa gawing sakop ng Luneta Park. Ewan, kung para bang nagsesenti lang, tipong ayaw makakita ng mga mukhang nalulungkot , na ayaw lang umayon sa kalakaran baluktot, ni isa sa angkan, ni isang kaibigan ay hindi na inabala.

“Wow hebi ang tindi ng drama. Independence Day, tatakasan ang bayang-sawi, magpapaalila sa mga kapitalista’t dayuhan?!”

“Akala ko ba’y mahal mo ang iyong bayan?”

“Tatakasan mong kilusan dahil batbat ng kaguluhan?”

Mga boses na sumasalit ang sumbat, uyam at habag. Tinig na pumipiglas sa impit na kaloob-looban.

Sa Baclaran station ako inihatid nang tulirong isip. Makupad na inihakbang ang mga paang pababa ng hagdan. Kawalang libog akong sumakay ng taxi.

“NAIA!” hudyat sa drayber.

Tatlumpung libong piye na ang taas namin sa alapaap, anunsyo ng piloto. Nakarehistro pa sa isip ang eksena kanina sa airport.

Inilipad ng hangin, mabigat
na damdamin
habang ginugunita, huwad
na kasarinlan:

pinay, humalik sa papaalis
na sakang
luha sa kinse-anyos
na dalagita’y nangilid
tutungo sa bayang
lapad ang sisikatan.

pamilya’y tumunganga sa anak
na paalila
kinodakan ang malungkot na mata
hindi alam kung saan pupunta.

asawa’y iiwan, nakatanaw
sa kawalan.
magsing-irog, walang katapusang
pagpapaalaman.

matanda’y pinamaypay ang visa
niyang tangan.

nilaro ng ulap
kahirapang iniwan.

Sa bansang pupuntahan, naghihintay ang barkong sasampahan ko…ang barkong M.V Clipperventure-L.

Kahit paano ang gawin. “Naghuhumiyaw ang katotohanan na ang bansang pupuntahan mo…ang makapangyarihang bansa na kinondena sa mahabang panahon…ang Amerika!”

*unang nalathala ang tulang TAKAS SA HUNYO sa Philippine Seamen Assistance Program (PSAP) sa The Netherlands at ANI Journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP)

Felipe ‘Apo Ipe’ Salvador
May 26, 1870- Abril 15, 1912

‘Sandaang taon na ngayon
ng aking pagkabitay.
‘Sandaang taon na ngayon
ng aking kamatayan.
Kamatayan sa utos ng
Estados Unidos.

Kami na lumaban sa mga
kolonyalistang Espanyol.
Kami na lumaban kahit na
sumuko na ang pangkating Aguinaldo.
Kami na lumaban kahit na nalinlang
ang pangkatin ni Sakay.

Panatiko’t bandido ang sa amin ay sakdal.
Sa Bundok Arayat ang lakas na
sinibulan.
Santa Iglesia ang samahang nagpatibay.

Kasalanan sa Santa Iglesia ang mainggit
at managhili.
Isa sa mga aral na mapagkandili.
Kahit man lang ngayon ‘sandaang taon
ng aking kamatayan
bayaang magtanong, bayaang magdamdam.
Bakit sa aking bayang sinilangan
bayani’t rebulto’y pinagdiriwang
mamahaling bulaklak ang handog,
sa musikong banda’y masigabo ang tugtog?
Ipinagyabang na unang demokratikong halalan
sa Asya’y ginanap sa aming bayan?
Buntal na sombrero’y may pestibal?
Mahabang prusisyong antigo tuwing Viernes Santo
matiyagang sinusunda’t binibilang?
Espesyal na longganisa’t pandesal
ay ipinangtatakam?

Tanawin ang bundok na Sinukuan
ngayong araw, sa ulap ay nalalambungan.
Tungkil sa gitna ng tuktok ay hindi matanaw.
Gunita ng pakikibaka ay tila pumanaw.
Tahimik na tahimik sa aking bayan
ang tanging maririnig ay mga takam
mula sa Jollibee at McDonald na kainan.
Kasaysayan ay hindi lubusang nalasahan
Tila ba isinuka sa limot
‘sandaang taon na aking
KAMATAYAN.

Emanzky88
15 Abril 2012

© 2012 Kwentulang Marino

Doble Insulto
kay Hen. Gregorio del Pilar

Akala siguro
palitan man o pinturahan
Hamilton
ay pangalang hindi mawaglit.
Inukit sa lumutang na lapida ng dahas. Buhusan
ng tubig alat ay walang makabubura sa
bunton galit ng Vietnam. Sa kanyang
kasuklam-suklam na giyera.

Akala siguro
sa retoke ay maikubli. Halos kalahating siglo
tanda ng barko. Daungan ay junkshop
doo’y idestino. Mangilong bakal
ay huwag sa aming ikalakal. Sukli ay
kinalawang na dangal.

Akala siguro
matutuwa ang mga ginagong Filipino. May pantapat
na daw sa sopistikadong Tsino. Mayabang na
umakyat ang bagong pangulo. Ibinando ang
bagong barko na segundamano.

Akala siguro
nitong mga hinduropot. Baliw na
ang bayan sa istoryang Koreano. Lagi na lang ba
nababagok ang ulo?

Malinaw pa sa makintab mong noo
Malinaw pa sa Dagat Pasipiko
Malinaw pa sa usig ni Diokno

Tropang Amerikano
pumaslang, nagnakaw
bumaboy sa bangkay
nang magiting na
batang heneral!

Emanzky88
24 Agosto 2011

© 2011 Kwentulang Marino
imahe mula sa google


Ang Hindi Matapustapos na Kuwento ni Carlos
(Kay Darby)

“Filipinos fight for US citizenship
in Afghanistan…”
– Interaksyon.com

Tinakasan ang bayan
hindi binabalungan ng pag-asa.
Pumila ang mga namimintig na binti para
sa isang mahabaang digma.
Maamong tumalima sa dikta ng
mapanakop na amo.
Handang galugarin ang nakausling
kanlungan ng mga banal na mandirigma.
Yakapin ang nanunuot na lamig ng
kalungkutan.
Mapagpaubayang iumang sa
pangil ng dilim.
Taus-pusong singhutin ang
pulbura ni kamatayan.
Idinidilig ang mga nalasog na pangarap
sa nagbabagang buhangin.
Sumasabay sa awit ng
makapangyarihang nasyon laban sa
pundamentalista.

Tumurumpeta ang mga putok
mula sa kanyon at riple.
Pinapurihan ang mga inulila
ng binalot na mga bituin.
Nanumpa ang mga naputol
na panaginip
sa ika-4 ng Hulyo.

Emanzky88
5 Hulyo 2011
5:00 n.u

(c)2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa google

(sa ika-150 taong kapanganakan)

Hanggang ngayun ba nama’y
lukob pa rin
aninong dayo

napagagamit
pa rin sa iskrip
ng mga damuho.
Kunwa’y kampi sa atin
laban sa mga Tsino.
Katotohanang nais sadkaan
pagpapalakas ng mga Intsik
sa pulitika at kabuhayan.
Baka nga naman
sila ay masapawan.

Walang kadaladala sa laro
ni Aguinaldo
na ginago lang
ng mga Amerikano.

Kung sakaling
ako
ang naging pangulo

ipagkakait na bigyang
kapangyarihan
mga kaibigan
kalaro sa pistola
at iskrima.

Sige lang
punahin ang
mainiting ulo
ni Luna.

Ipamamahagi
mga lupain
yaman ng angkan.

Pipiliing
sumakay sa ordinaryong karitela
kesa sa Porsche at Lexus
na turing ay marangyang kalesa.

Hayaan
lang si Leonor
Nelly at Josephine
kabilang ‘sang dosenang
romansa. Paparazzi ay
magpista.

Hanggang ngayun ba nama’y
lukob pa rin
anino ni Damaso

usapin sa RH Bill
LGBT
at diborsyo
imoral ang
sabi ng mga santo.

Hanggang ngayun ba nama’y
ganito pa rin
bayan ko

mas kilala pa sina Taylor Swift
Justin Bieber
at Miley Cyrus
kesa sa aking
pagkatao.

Ed Nelson R. Labao
19 Hunyo 2011

(c)2011 Kwentulang Marino


Aalat ang tubig
sa ilog
ng Canalate.

Mga dating
kasama
ay agos
na
tatamis.

Ed Nelson R. Labao
9 Abril 2011
10:55 n.g

(c) 2011 Kwentulang Marino

***
imahe mula kay Cathy Jose

Nagmartsa’ t nagkapit-bisig

umusal ng dalangin at

umawit

nilagyan ng bulaklak ang

nguso

ng kamatayan

kumain ang kawal

ng dilim

nilamay ang

gabi

sa lansangan

bayan ay

nagbunyi

umalis na ang

hari

lumuha

lumundag at

nagalak

nag-awitan may

yakapan

at sa bandang

huli

tinawag nila itong

rebolusyon!

Emanzky88
25 Pebrero 1992

© 2011 Kwentulang Marino
*imahe mula sa google